Biyernes, Disyembre 5, 2025

Paunang Salita sa 40-pahinang libretong "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon"

PAUNANG SALITA

ANG MUNTING AKLAT NA “TULA’T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON”

Nang magpatalastas ako nitong Setyembre 2025 sa aking FB na balak kong maglathala ng katipunan ng mga tula hinggil sa mga korap at kurakutan sa ating bayan, dalawang kaibigan kong makata ang nagpasa ng kanilang mga tula.  Kaya isinama ko rito ang mga tula ng gurong si Sir Glen Sales, at isang tulawit ng gurong si Dr. Joel Costa Malabanan, PhD, ng PNU. Naging magkasama kaming tatlo sa grupong Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan (KAUSAP) na itinatag ni Dr. Malabanan. Taospuso akong nagpapasalamat sa kanilang ambag sa libretong ito.

Bukod sa kanilang ambag na tula, ang natirang higit 40 pang tula rito, at isang maikling kwento, ay aking katha. Wala na kasing iba pang nagpasa kaya upang mapunan ang planong 40 pahina, ay inilagay ko ang inaakala kong marapat na tulang panawagan, tumatalakay at/o naglalarawan ng kasalukuyang kalagayan ng bayan. Mga tulang kinatha sa rali o matapos ang rali. Tumatayo kaming makatang nalathala rito bilang tinig ng mga walang tinig at ng mga aping sektor ng lipunan na sawa na sa sistemang bulok at korapsyon ng mga ibinotong lingkod bayan.

Mula nang pumutok ang isyu ng ghost flood control project at nakawan sa kaban ng bayan, ang aking panulat ay gigil na makapag-ambag ng mga tulang makapagmumulat sa kapwa maralita, manggagawa, at iba pang aping sektor ng lipunan upang labanan ang korapsyon, mapalitan ang bulok na sistema, at huwag nang iboto sa susunod na halalan ang mga trapo’t dinastiyang nagpapahirap sa ating bayan.

Mula Agosto ngayong taon hanggang Disyembre 4, 2025 ang mga tulang nalathala rito. Disyembre 5 ng umaga ay na-layout na ang loob ng aklat. Sa pabalat o cover page ay nais kong naroon ang dalawang petsang may tarp na hawak ng mga kasama't kaibigan hinggil sa mahahalagang araw. Ang una'y Nobyembre 22, 2025, National Poetry Day, na batay sa kaarawan ng Unang Hari ng Balagtasan na si Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute. Ang ikalawa ay Disyembre 9 na International Anti-Corruption Day (batay sa Resolusyon Blg. 58/4 ng United Nations General Assembly, na pinagtibay noong Oktubre 31, 2003).

Nakakuha na ako ng litratong pang-cover page sa aklat na ito noong Nobyembre 22, at ang Disyembre 9 ay nito lang Disyembre 5 ng gabi. Sa kanila'y taospusong pasasalamat. Hindi ko na hinintay ang Disyembre 9 dahil ang petsang iyon ang puntirya kong araw ng paglulunsad ng aklat. Nang mailagay na ang dalawang may petsang litrato sa cover page, ay natapos na ang buong layout ng pabalat at ng buong aklat. Disyembre 6, kinabukasan, ko na dadalhin sa printing. Disyembre 9 ay launching ng 2pm-4pm sa Multimedia Room ng Commission on Human Rights (CHR). Taospusong pagpupugay at pasasalamat sa CHR sa pagpapagamit ng nasabing venue ng libre upang mailunsad ang aklat na ito. Mabuhay at more power to CHR!

Pagkatapos ng paglulunsad, may mga puntiryang araw pang plano kong maglunsad muli ng aklat ng tula. Ito ang Pebrero 20, 2026, World Day of Social Justice, na hindi na lang tungkol sa korapsyon kundi sa panawagang hustisya ng mga aping sektor ng lipunan. Sa Marso 21, 2026 ay World Poetry Day, at sa Abril 2, 2026, kaarawan ng makatang Francisco Balagtas, ay plano kong makapaglunsad ng tulaan sa harap ng taumbayan. Ang Buwan ng Abril pa’y Buwan ng Panitikan sa ating bansa.  Bukod pa iyon sa mga petsang Abril 22, 2026, Earth Day, at Mayo 1, 2026, Dakilang Araw ng Paggawa. Ito'y mga plano pa lang na sana'y maisakatuparan ng inyong lingkod.

Ang munting aklat na ito ng tula ay proyektong inihahandog para sa sambayanan. Itinaon ang paglulunsad aklat na ito ng Disyembre 9, International Anti-Corruption Day. Inihahandog ko ang mga tulang narito sa lahat ng mga galit na sa korapsyon, mga taong binabaha dahil sa mga palpak na flood control projects, at sa lahat ng nakikibaka para baguhin ang sistemang bulok at nagnanais maitayo ang isang lipunang makatao.

Sa lahat ng mga naniwala sa akin, mga indibidwal man o organisasyon, at lahat ng sumuporta sa aklat na ito, taospusong pasasalamat at taaskamaong pagpupugay po sa inyong lahat! Mabuhay kayo!

Gregorio V. Bituin Jr.
Disyembre 5, 2025

Miyerkules, Pebrero 5, 2025

Ang nawawalang taludtod sa tulang "Engkantado" ni Jose Corazon de Jesus

ANG NAWAWALANG TALUDTOD SA TULANG "ENGKANTADO" NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong isyu ng Liwayway, Nobyembre 2024, pahina 96, ay muling nalathala ang tulang "Enkantado" ni Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, ang unang hari ng Balagtasan. Unang nalathala iyon sa Liwayway noong Hulyo 14, 1923, isandaan at isang taon na ang nakararaan.

Agad ko namang hinanap ang dalawa kong edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula" sa pagbabakasakaling bagong saliksik iyon na wala sa nasabing aklat. Subalit naroon sa dalawang edisyon ang nasabing tula. Ang pamagat ay "Engkantado" na may g.

Ang nasabing tula'y nasa pahina 24-25 ng unang edisyon ng aklat, na unang nilathala ng Aklat Balagtasyano noong 1984 at muling nilathala ng De La Salle University Press noong 1995. Ang unang bersyon ay may 131 tula.

Nasa pahina 64-65 naman ng "Binagong Edisyon" ang nasabing tula, na inilathala naman ng San Anselmo Press nitong 2022. Naglalaman iyon ng 112 tula. Nasulat ko na sa isa pang artikulo na nabawasan ng labingsiyam na tula ang edisyong ito ng aklat.

Si Huseng Batute ay batikan na sa pagsusulat ng tulang may sukat at tugma. Subalit sa pagsusuri sa nasabing tula, kapuna-puna na nawala ang isang taludtod sa dalawang aklat na nilathala ng editor na si Virgilio Almario. Kaya mapapansing pito ang taludtod sa unang saknong habang walong taludtod naman sa ikalawa hanggang ikalimang saknong.

Nakita natin ang nawawalang isang taludtod sa magasing Liwayway sa isyung Nobyembre 2024. Kaya sumakto nang tigwawalong taludtod ang limang saknong. Ang unang dalawang taludtod ay tigaanim na pantig habang ang ikatlo hanggang ikawalong saknong ay tiglalabindalawahing pantig.

Sa orihinal ay walang bilang ng taludtod na naka-Roman numeral, habang sa Liwayway ay mayroon. Dagdag pa, mukhang naghalo ang nawawalang taludtod sa isa pa, na nasa unang saknong. Sa aklat ni Almario ay ganito:

May mga pakpak pa't nangagkikisapan

Habang sa muling inilathala ng Liwayway:

May mga pakpak pa't nangagsasayawan,
May tungkod na gintong nangagkikisapan

Bakit kaya nakaligtaan ni Ginoong Almario na sipiin ang taludtod na nawawala? O iyon ay dahil sa pagkapagod at pagmamadali? 1984 pa iyon unang nalathala. At naulit muli iyon sa ikalawang edisyon ng aklat nitong 2022. Sana'y maitama na ito sa ikatlong edisyon.

Gayunman, maraming salamat sa Liwayway at natagpuan ang nawawalang taludtod.

Dagdag pa, ang salitang "nangagkikisapan" sa unang edisyon at sa Liwayway ay naging "nangagkikislapan" sa ikalawang edisyon ng aklat. Iba ang kisap sa kislap. Alin ang tama, o alin ang ginamit ni de Jesus?

Isa pa, ang salitang "tiktik" sa ikatlong saknong, ikaapat na taludtod, sa dalawang aklat ni Almario, ay "titik" naman ang nakasulat sa muling lathala ng Liwayway. Batid natin iba ang "tiktik" na maaaring mangahulugang uri ng ibon na ang huni umano'y nagbabadyang may aswang sa paligid, o pagkaubos hanggang sa huling patak, o kaya'y espiya (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, 1253). Ang "titik" naman ay letra. Alin ang ginamit ni de Jesus?

Maliit na isyu na lamang ang mga typo error, kung meron nga. Tulad ng salitang "nar'on" sa ikalimang saknong, ikaapat na taludtod sa dalawang aklat ni Almario, ay naging "naron" sa Liwayway. Pati ang salitang "k'weba" sa aklat ni Almario ay naging kueba sa Liwayway sa gayong saknong din. Typo error ba kaya iwinasto ni Almario? At pinanatili ba ng Liwayway kung paano iyon nalathala noon, o kung paano isinulat ni de Jesus?

Halina't basahin natin ang buong tula, habang ang nasa panaklong ang nawawalang taludtod, na natagpuan natin sa Liwayway:

ENGKANTADO
ni Jose Corazon de Jesus

Ang plautang kristal
Ay aking hinipan
At ang mga ada ay nangaglapitan
May mga pakpak pa't (nangagsasayawan,
May tungkod na gintong) nangagkikisapan;
Sa adang dumating sa aking harapan,
Na nagsisipanggaling sa kung saan-saan,
Ang di ko nakita'y tanging ikaw lamang!

Ang nakar kong singsing
Ay aking sinaling
At ang mga nimpa ay nangagsirating,
May mga koronang liryo, rosa't hasmin,
Sapot ng gagamba ang damit na angkin.
Sa nimpang dumalo't bumati sa akin,
Tanging ikaw lamang ang di ko napansin,
Diwatang nagtago sa aking paningin.

Sa lungkot ko'y agad
Na kita'y hinanap!
Sandalyas kong gintong sa dulo'y may pakpak
At isinuot ko nang ako'y ilipad...
Aking kinabayo ang hanging habagat
At ginawang tiktik ang lintik at kidlat.
Natawid ko naman ang lawak ng dagat
At aking narating ang pusod ng gubat.

Ang espadang apoy
Ay tangan ko noon:
At tinataga ko ang buong maghapon,
At hinahawi ko ang bagyo't daluyong.
Hinukay ang lupa, wala ka rin doon,
Biniyak ang langit, di ka rin natunton.
Wala kahit saan, saanman magtanong,
Ikaw kaya giliw ay saan naroon?

Subalit sa isang
Madilim na kueba
Ng bruha't demonyong nagsasayawan pa,
Nar'on ka, may gapos... Sa apoy, nar'on ka!
Ang singsing ko'y biglang kiniskis pagdaka't
Ang buong impierno sa sangkisapmata
Ay naging palasyong rubi't esmeralda,
Niyakap mo ako at hinagkan kita.

02.05.2025