Saturday, February 7, 2026

Paglahok sa 2nd tour of historic Pasig

PAGLAHOK SA 2ND TOUR OF HISTORIC PASIG
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa nagkainteres na lumahok nang makita ko ang anunsyo ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) sa pesbuk hinggil sa 2nd tour of historic Pasig. Agad akong kumontak at sinabing nais kong sumama. Agad naman silang tumugon.

Pebrero 7, 2026, madaling araw pa lang ay gising na ako. Hindi ako dapat mahuli sa usapan. Maaga ako sa kitaan sa Plaza Rizal, at dumating ako roon bago mag-ikawalo ng umaga at umupo sa naroong mahabang bangko at naghintay. Ilang sandali  pa'y dumating na sila at agad akong nagpakilala.

Naghintayan pa ng mga dadalo. At nang kumpleto na ay lumakad na kami. Una naming pinuntahan ang Guanio Ancestral House na malapit lang sa Plaza Rizal. Nag-usap muna kami sa bungad ng tahanan hinggil sa kasaysayan ng nasabing lugar, na umano'y dating Cuartel ng mga Guardia Sibil sa Pasig noong panahon nina Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang kasaysayang ito dahil dito nakuha ng mga Katipunero, sa pangunguna ni Heneral Valentin Cruz, ang labimpitong armas mula sa mga Kastila noong magsimula ang Rebolusyong 1896. Kilala ang pangyayaring iyon bilang Nagsabado sa Pasig.

Inanyayahan kaming umakyat sa ikalawang palapag. Nakasabit sa dingding doon ang isang painting ni Felix Resurrection Hidalgo na kasabayan ni Juan Luna.

Sumunod ay nagtungo kami sa eskwelahang Colegio Del Buen Consejo at nagtungo sa museo nito.

Sumunod ay nagtungo kami sa Plaza Bonifacio, na ang estatwa ni Bonifacio ay nakasakay sa kabayo, kung saan may nakasulat na CENOTAPH, na ibig sabihin daw ay bantayog ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bayan subalit di ang katawan ay di na natagpuan. Isa lang daw ito sa dalawang estatwang nakasakay si Bonifacio, na ang isa'y nasa Uptown Bonifacio sa Taguig.

Sunod ay pinuntahan ang simbahan ng Pasig at nakita ang mga naka-displey na limang kampana nito. Naroon din ang estatwa ni Padre Fray Manuel Blanco, na dating kura paroko ng Pasig, at may-akda ng saliksik at pag-aaral sa higit 1,200 na katutubong tanim o ispesye sa bansa o Flora de Filipinas.

Umakyat sa museo ng simbahan, at nakita ang naka-displey na lumang mekanikal na orasan na gamit para sa oras ng pagkalembang ng kampana. Subalit di na kami nakaakyat pa sa kampanaryo.

Umuulan noon, kaya nagtungo muna kami sa Museo ng Pasig at doon nagpatila ng ulan. Subalit umakyat na rin kami sa museo kung saan naroon ang estatwa ng Mutya ng Pasig. Naka-display din doon ang mga kilalang tao mula sa Pasig, tulad nina Lope K. Santos, mag-asawang National Artists na sina Lamberto at Daisy Abellana, national artist for music Ramon Santos, Senate President Jovito Salonga, Senador Rene Saguisag, at iba pa. Mahaba-haba rin ang talakayan doon.

Natalakay din na ang Pasig dati ay bahagi ng probinsya ng Tondo, Maynila, noong panahon ng mga Kastila. At nang maisyu ang Philippine Commission Act 137 ay nalikha ang lalawigan ng Rizal na ang kapitolyo ay Pasig. Sa Rotonda raw umiikot pabalik ang sasakyang Tranvia. At ang Santa Rosa sa Pasig ay dating isla. Naging bahagi na ng Metro Manila ang Pasig noong 1975. Ang Pasig ay naging lungsod noong Enero 21, 1995, nang maisabatas ang Republic Act No. 7829

Sunod ay pinuntahan namin ang tahanan ni Heneral Valentin Cruz, kung saan idinaos doon ang pulong ng mga Katipunero, isang pangyayaring tinawag na Asamblea Magna, kung saan dumalo roon sina Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, Heneral Emilio Aguinaldo, Heneral Valentin Cruz, at iba pang mga pinunong Katipunero.

Ayon sa kasaysayan, noong Mayo 3, 1896, isang pangkalahatang pagpupulong ng mga pinuno ng Katipunan ang ipinatawag ni Supremo Andres Bonifacio. Ito'y idinaos sa Pasig sa tahanan ng lokal na pinuno ng Katipunan na si Valentin Cruz. Tinawag ang papupulong na iyon na Asamblea Magna na isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Katipunan. Ito na rin yata ang huling pag-uusap nina Gat Andres Bonifacio at Heneral Emilio Aguinaldo bago magsimula ang himagsikan, at bago mapatay si Bonifacio. (Wala sa Tejeros Convention si Aguinaldo).

Nakapanayam pa ni Dean Carlos Tech si Heneral Valentin Cruz hinggil sa naganap na Nagsabado sa Pasig, at ang labimpitong armas na nakuha sa mga Kastila ay dinala ng mga Pasigenyo kinabukasan sa Labanan sa San Juan, na kilala ngayon sa kasaysayan na Pinaglabanan.

Pagkagaling sa tapat ng bahay ni Heneral Vakentin Cruz ay nagtungo na kami sa Bahay na Tisa, kung saan ito ang bahay ng bagong henerasyon ng pamilya Tech. Isa ito sa pinakamatandang bahay sa Pasig na nakatayo pa rin hanggang ngayon. Panahon pa ng pananakop ng mga Kastila nang ito'y maitayo. Ang itsura ng tahanan ay para bang ang pinagsyutingan ng huling bahagi ng pelikulang Oriang, na ginampanan nina Lovi Poe at Gina Pareno.

Mahaba pa ang talakayan sa nasabing tahanan, at doon na rin kami nananghalian. Natapos kami roon bandang ala-una y medya ng hapon.

Sa aking pag-iisa ay napag-isip kong marami pang kasaysayan ang dapat halungkatin at isulat hinggil sa Pasig. Hindi lamang noong panahon ng Kastila, kundi sa iba pang panahon, tulad ng anong naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano? May mga martir ba sa Philippine-American War? Anong mga naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Noong pamahalaan ng Commonwealth? Noong panahon ng martial law? Ah, marami pang dapat saliksikin sa kasaysayan. At kung may pagkakataon, ako'y tutulong sa pananaliksik at mag-aambag ng anumang makakaya.

Taospuso akong nagpapasalamat sa Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) at naging kalahok ako sa ganitong pagtitipon - ang 2nd Tour of Historic Pasig. Kung mayroon pang mga ganitong walking tour at kakayanin lang ng oras ko ay tiyak na dadalo ako. Mahalaga ang mga natututunan sa kasaysayan, na maaari ring maibahagi sa iba.

Nais ko ring imungkahi na magkaroon ng aktibidad sa Mayo 3, 2026, sa ikasandaan tatlumpung (ika-130) anibersaryo ng Asamblea Magna, bukod pa sa pagdiriwang ng ika-130 anibersaryo ng matagumpay na Nag-Sabado sa Pasig sa Agosto 29, 2026. Maraming salamat po!

ANG IKALAWANG LAKBAY-ARAL HINGGIL SA MAKASAYSAYANG PASIG

isa lamang ako sa mga tumugon
hinggil sa kasaysayan ng Pasig noon
salamat, nakadalo sa pagtitipon
maraming natuto sa kaygandang layon

pinuntahan ang bahay na dating Cuartel
na kinampuhan ng mga Guardia Civil
na mga tao ng mga mapaniil
buti't Katipunero sila'y nasupil

nakinig sa kanilang mga historya
habang aking tangan ang kwaderno't pluma
nakipagtalakayan, napuntahan pa
ang ginanapan ng Asamblea Magna

sa Bahay na Tisa pa nananghalian
isa sa pinakamatandang tahanan
sa Pasig, pesante'y ito ang puntahan
sa nakikibaka'y ito ang kanlungan

ang ganitong lakbay-aral ay mabuti
pagkat Pasig ay maipagmamalaki
dama ang tinahak ng mga bayani
sa pagsama rito'y di ka magsisisi

02.07.2026

Sunday, February 1, 2026

Tatlong nakadaupang palad na kongresista laban sa korapsyon

3 NAKADAUPANG PALAD NA KONGRESISTA LABAN SA KORAPSYON
Maikling anekdota ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong kinakampanya ko ang Disyembre 9, World Anti-Corruption Day, upang kumilos ang tao o magrali laban sa korapsyon, tatlong kongresista ng party list ang aking nakasalamuha. Ito'y sina Kamanggagawà Partylist Rep. Elijah San Fernando, FPJ Panday Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe, at Kabataan Partylist Rep. Renee Co. Mga bata pa at unang naupo sa pwesto na nanalo nitong Halalan 2025.

Nagkita kami ni Rep. Eli Fernando noong Nobyembre 8, 2025 sa Pasig nang maging tagapagsalita siya sa ginanap na Musika, Tulâ at Sayaw Laban sa Korapsyon, at ako naman ay isa sa mga naimbitahang tumulâ. Agad niyang bungad sa akin nang magkita kami ay "Condolence". Ibig sabihin, kahit matagal na kaming di nagkikita ay nalaman pala niyang namatay ang aking asawa. Mahigit sampung taon din marahil kaming di nagkita at nagkausap. Nasa kilusang estudyante pa siya noon nang makasama siya sa ilang pagtitipon.

Una kong nakadaupang palad si Rep. Brian Poe noong Disyembre 8, 2025 sa ginanap na Urban Poor Solidarity Week sa Commission on Human Rights (CHR). Ang nasabing pagtitipon ay pinangunahan ng Alyansa ng Maralita para sa Katiyakan sa Paninirahan (AMKP). Bukod sa tampok na isyu ng malupit na Republic Act 12216 na idedemolis ang mga maralita sa loob ng sampung araw at may police power na ang NHA, sa open forum ay sinabi ko kay Kongresman Poe na kung maaaring magpasa siya ng resolusyon na kinikilala ang Disyembre 9 bilang International Anti-Corruption Day sa Pilipinas. Kinabukasan ay nai-file kaagad niya sa Kongreso ang House Resolution 561. Makikita ang balita sa kawing na: https://businessmirror.com.ph/2025/12/09/solon-files-reso-marking-international-anti-corruption-day-calls-for-stronger-institutional-accountability/Maraming salamat po, Kongresman Poe!

Si Rep. Renee Co ay nabigyan ko naman ng aking 40-pahinang libretong may pamagat na "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon" sa forum hinggil sa International Anti-Corruption Day noong Disyembre 9, 2026 sa Eastwood Richmonde Hotel, sa QC, kung saan ang Commission of Human Rights ang nanguna rito. Naging tagapagsalita si Rep. Co sa nasabing talakayang ang tema ay "Upholding Integrity: A National Forum on Corruption and Human Rights." Maghapon ang nasabing forum subalit hanggang tanghali lang ako roon dahil nagtungo naman ako sa CHR para sa nakatakdang launching ng nasabing booklet.

Kina Rep. Eli San Fernando, Brian Poe at Renee Co, na mga kinatawan ng bayan sa Kongreso, sana'y talagang mapanagot ang mga kurakot! At magpatuloy sana kayo sa pagtatanggol sa kapakanan ng mga malilit at pinagsasamantalahang sektor sa lipunan. Mabuhay kayo!

ang tatlong bata at baguhang kongresista
ay aking nakadaupang-palad talaga
nang Anti-Corruption Day ay kinakampanya
upang Disyembre 9 ay magrali ang masa

nakasalamuha sa isyu ng korapsyon
tila ba ito'y isa kong malaking misyon
talagang dapat may managot at makulong
dahil mismong pondo ng bayan ang dinambong

magpatuloy kayo sa inyong katungkulan
ipagtanggol ang mga aping mamamayan
lumikha ng batas para sa kapakanan
ng inaapi't pinagsasamantalahan

pagpupugay, Kongresman Eli San Fernando,
Kongresman Brian Poe, Kongreswoman Renee Co!
patuloy na maglingkod at gawin ang wasto!
at h'wag tumulad sa mga ganid na trapo!

02.01.2026

Saturday, January 31, 2026

Pangarap na pagkathà tulad ng Lord of the Rings

PANGARAP NA PAGKATHÂ TULAD NG LORD OF THE RINGS
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

“I wish it need not have happened in my time," said Frodo.

"So do I," said Gandalf, "and so do all who live to see such times. But that is not for them to decide. All we have to decide is what to do with the time that is given us.”

― J.R.R. Tolkien, Lord of the Rings

Nais kong lumikha ng nobelang tulad ng Lord of the Rings ni J.R.R. Tolkien. Subalit gamit ang mga karakter sa mitolohiyang Pilipino.

Mabuti't nabili ko sa murang halaga ang ikatlong aklat ng tatlong seryeng Lord of the Rings ni J.R.R. Tolkien - ang Return of the King. Nagsimula iyon sa pahina 747, sa Book Five, at nagtapos sa pahina 1178, Book Six. Ibig sabihin, nasa unang dalawang aklat (The Fellowship of the Rings, at Two Towers) ang mulâ pahina 1 hanggang pahina 746, kung saan naroon ang Book One hanggang Book Four.

Isa itong pagbabakasakali. Pag nagustuhan ng mambabasa at naging mabenta ang aklat, baka kumita ng limpak na salaping maaaring maging pambayad sa milyong utang. Pagbabakasakaling magawâ ang pinapangarap kayâ dapat ituloy at pagsikapan ang balaking ito. Oo, ito'y isang pagbabakasakali.

Sa ngayon, binabasa ko ang aklat. Napanood ko na sa sinehan noon ang tatlong serye ng Lord of the Rings. Kayâ kahit hindi ko pa nabasa ang una't ikalawang aklat at bigla na lang lumaktaw sa ikatlong aklat, patuloy lang ang pagbabasa. Saka na basahin ang iba pa pag may nabiling kaya ng bulsa.

'Yung pangatlong aklat lang kasi ang meron sa nabilhan kong bookstore, at mura kong nabili, kaya tiyaga lang. Sa ibang book store ay mahal ang aklat kaya hindi ko mabili.

Ang mahalaga ngayon ay matutunan ko ang estilo ng pagsulat ni J.R.R. Tolkien, ang pagbabanghay, ang mga diyalogo, ang kanyang malikhaing paglalarawan, at pagkukwento.

Mabuti't nakabili rin ako ng aklat na "Mga Kagila-gilalas na Nilalang" ni Edgar Calabia Samar. At ang ilan sa mga karakter doon ang nais kong maging tauhan sa naiisip kong kwento o nobela. O maaari rin akong lumikha ng ibang karakter na wala pa sa mga aklat o komiks.

Subalit naroon pa rin ako sa prinsipyong walang isang bida sa aking mga kwento kundi ang bida ay ang taumbayan. Tulad ng karanasan sa People Power, na taumbayan ang dahilan kayâ iyon nagtagumpay. Walang hari. Walang kaharian kundi malayang bayan.

Kailangang paganahin ang harayà o imahinasyon upang makalikha ng kwento ng mga pakikipagsapalaran ng mga tauhan. Kailangang mag-umpisa kahit sa isang pangungusap muna hanggang maging talatà. Hanggang makathâ ang unang tatlo o limang talatà. Hanggang maging unang kabanatà.

Hanggang makathâ ang iba pang kabanatà. Hanggang matapos ang nobela. Matagal na panahon ang kailangan subalit nais kong matapos ito sa lalong madaling panahon. Saka pag-isipan paano iyon malalathalà.

Nawa'y masigasig ko itong magampanan at maisulat sa pamamaraang kaaya-aya sa mga mambabasa. Nawa'y maging matagumpay ako sa larangang ito.

Ako'y isang makatang nais maging nobelista
kaya sa ngayon ay patuloy pa ring nagbabasa
ng mga akdang sadyang tumatak sa mambabasa
nagbabakasakaling makagawa ng nobela

Nagbabakasakali dahil sa maraming utang
pagiging malikhain nawa'y maging kaganapan
bakasakaling pag ang madla'y tinangkilik naman
ang kathang nobela, mga utang ko'y mabayaran

Kaya sana'y mapasigla't gumana ang harayà
na mabayaran ang milyong utang yaong adhikà
lalo na't pagsusulat yaring kasanayang sadyâ
sana'y magbunga ng tagumpay ang pagtitiyagâ

O, mambabasa, sana po ay tangkilikin ninyo
ang aking magiging nobela pag nasulat ito
pagkat kayo lamang ang tangi kong kakampi rito
ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ako

01.31.2026

Wednesday, January 14, 2026

Ang tatlo kong aklat ng U.G.

ANG TATLO KONG AKLAT NG U.G.
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dapat sana'y apat na ang aklat ko hinggil sa underground, subalit hindi ko na makita ang kopya ko ng Notes from the Underground ng Rusong manunulat na si Fyodor Dostoevesky. Ang mayroon ako ngayon ay ang tatlong aklat hinggil sa mga rebolusyonaryong Pilipino.

Ang dalawa'y nakadaupang palad ko ng personal noong sila'y nabubuhay pa, at ang isa'y di ko nakilala subalit kapwa ko taga-Sampaloc, Maynila. Si Ka Popoy Lagman (Marso 17, 1953 - Pebrero 6, 2001) ay naging pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Si Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo (Pebrero 9, 1935 - Disyembre 19, 2024) naman ay pangulo ng Laban ng Masa (LnM), at dating pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Habang si Edgar Jopson (Setyembre 1, 1948 - Setyembre 21, 1982) ay isang dating lider-estudyante noong panahon ng Batas Militar. Noong bata pa ako'y bumibili kami ng tatay ko sa kanilang grocery, ang Jopson Supermarket sa Bustillos, matapos naming magsimba sa Loreto Church.

Kaya malaking karangalan na magkaroon ng kanilang mga aklat, o aklat tungkol sa kanila.

Ang una'y ang Ka Popoy: Notes from the Underground, Collected Writings of a Working Class Hero. Nabili ko ito sa opisina ng Partido Manggagawa (PM) noong Agosto 11, 2006 sa halagang P300. May sukat itong 5.5" x 8.5" at umaabot ng tatlong daang pahina, kasama na ang naka-Roman numeral. Naglalaman ito ng walong kabanata, kabilang ang tinatawag na counter thesis.

Ang ikalawa'y ang Notes from the Philippine Underground ni Ka Dodong Nemenzo. Nabili ko ito sa Philippine Book Festival sa SM Megamall noong Marso 14, 2025 sa halagang P550. Inilathala ito ng UP Press. May sukat itong 6" x 9", at naglalaman ng 368 pahina, kasama na ang naka-Roman numeral. Ang naritong labintatlong kabanata ay hinati sa tatlong bahagi: I. Histories; II. Political Conjunctures; at III. Perspectives.

Ang ikatlo'y ang U.G. The Underground Tale, The Life and Struggle of Edgar Jopson, Third Edition, na sinulat ni Benjamin Pimentel. Nilathala ng Anvil Publishing, nabili ko ito sa National Book Store sa Malabon City Square nito lang Enero 8, 2026 sa halagang P395. May sukat itong 5" x 8" at naglalaman ng 256 pahina, kabilang ang naka-Roman numeral na 28 pahina. Binubuo ito ng siyam na kabanata. May mga dagdag na sulatin din ang dalawang anak ni Edjop na sina Joyette at Teresa Lorena, akda ng asawa niyang si Joy, sulatin ng direktor ng pelikulang Edjop na si Katski Flores, sanaysay ng aktor na si Elijah Canlas na gumanap na Edjop, sanaysay ni Kakie Pangilinan na gumanap na Joy, sulatin ni Oscar Franklin Tan, at sulatin ni Pete Lacaba. Sa dulo ng aklat ay mga litrato mula sa Edjop: The Movie.

Tatlong mahahalagang aklat, para sa akin, na dagdag sa munti kong aklatan.

01.14.2026

Wednesday, February 5, 2025

Ang nawawalang taludtod sa tulang "Engkantado" ni Jose Corazon de Jesus

ANG NAWAWALANG TALUDTOD SA TULANG "ENGKANTADO" NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong isyu ng Liwayway, Nobyembre 2024, pahina 96, ay muling nalathala ang tulang "Enkantado" ni Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, ang unang hari ng Balagtasan. Unang nalathala iyon sa Liwayway noong Hulyo 14, 1923, isandaan at isang taon na ang nakararaan.

Agad ko namang hinanap ang dalawa kong edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula" sa pagbabakasakaling bagong saliksik iyon na wala sa nasabing aklat. Subalit naroon sa dalawang edisyon ang nasabing tula. Ang pamagat ay "Engkantado" na may g.

Ang nasabing tula'y nasa pahina 24-25 ng unang edisyon ng aklat, na unang nilathala ng Aklat Balagtasyano noong 1984 at muling nilathala ng De La Salle University Press noong 1995. Ang unang bersyon ay may 131 tula.

Nasa pahina 64-65 naman ng "Binagong Edisyon" ang nasabing tula, na inilathala naman ng San Anselmo Press nitong 2022. Naglalaman iyon ng 112 tula. Nasulat ko na sa isa pang artikulo na nabawasan ng labingsiyam na tula ang edisyong ito ng aklat.

Si Huseng Batute ay batikan na sa pagsusulat ng tulang may sukat at tugma. Subalit sa pagsusuri sa nasabing tula, kapuna-puna na nawala ang isang taludtod sa dalawang aklat na nilathala ng editor na si Virgilio Almario. Kaya mapapansing pito ang taludtod sa unang saknong habang walong taludtod naman sa ikalawa hanggang ikalimang saknong.

Nakita natin ang nawawalang isang taludtod sa magasing Liwayway sa isyung Nobyembre 2024. Kaya sumakto nang tigwawalong taludtod ang limang saknong. Ang unang dalawang taludtod ay tigaanim na pantig habang ang ikatlo hanggang ikawalong saknong ay tiglalabindalawahing pantig.

Sa orihinal ay walang bilang ng taludtod na naka-Roman numeral, habang sa Liwayway ay mayroon. Dagdag pa, mukhang naghalo ang nawawalang taludtod sa isa pa, na nasa unang saknong. Sa aklat ni Almario ay ganito:

May mga pakpak pa't nangagkikisapan

Habang sa muling inilathala ng Liwayway:

May mga pakpak pa't nangagsasayawan,
May tungkod na gintong nangagkikisapan

Bakit kaya nakaligtaan ni Ginoong Almario na sipiin ang taludtod na nawawala? O iyon ay dahil sa pagkapagod at pagmamadali? 1984 pa iyon unang nalathala. At naulit muli iyon sa ikalawang edisyon ng aklat nitong 2022. Sana'y maitama na ito sa ikatlong edisyon.

Gayunman, maraming salamat sa Liwayway at natagpuan ang nawawalang taludtod.

Dagdag pa, ang salitang "nangagkikisapan" sa unang edisyon at sa Liwayway ay naging "nangagkikislapan" sa ikalawang edisyon ng aklat. Iba ang kisap sa kislap. Alin ang tama, o alin ang ginamit ni de Jesus?

Isa pa, ang salitang "tiktik" sa ikatlong saknong, ikaapat na taludtod, sa dalawang aklat ni Almario, ay "titik" naman ang nakasulat sa muling lathala ng Liwayway. Batid natin iba ang "tiktik" na maaaring mangahulugang uri ng ibon na ang huni umano'y nagbabadyang may aswang sa paligid, o pagkaubos hanggang sa huling patak, o kaya'y espiya (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, 1253). Ang "titik" naman ay letra. Alin ang ginamit ni de Jesus?

Maliit na isyu na lamang ang mga typo error, kung meron nga. Tulad ng salitang "nar'on" sa ikalimang saknong, ikaapat na taludtod sa dalawang aklat ni Almario, ay naging "naron" sa Liwayway. Pati ang salitang "k'weba" sa aklat ni Almario ay naging kueba sa Liwayway sa gayong saknong din. Typo error ba kaya iwinasto ni Almario? At pinanatili ba ng Liwayway kung paano iyon nalathala noon, o kung paano isinulat ni de Jesus?

Halina't basahin natin ang buong tula, habang ang nasa panaklong ang nawawalang taludtod, na natagpuan natin sa Liwayway:

ENGKANTADO
ni Jose Corazon de Jesus

Ang plautang kristal
Ay aking hinipan
At ang mga ada ay nangaglapitan
May mga pakpak pa't (nangagsasayawan,
May tungkod na gintong) nangagkikisapan;
Sa adang dumating sa aking harapan,
Na nagsisipanggaling sa kung saan-saan,
Ang di ko nakita'y tanging ikaw lamang!

Ang nakar kong singsing
Ay aking sinaling
At ang mga nimpa ay nangagsirating,
May mga koronang liryo, rosa't hasmin,
Sapot ng gagamba ang damit na angkin.
Sa nimpang dumalo't bumati sa akin,
Tanging ikaw lamang ang di ko napansin,
Diwatang nagtago sa aking paningin.

Sa lungkot ko'y agad
Na kita'y hinanap!
Sandalyas kong gintong sa dulo'y may pakpak
At isinuot ko nang ako'y ilipad...
Aking kinabayo ang hanging habagat
At ginawang tiktik ang lintik at kidlat.
Natawid ko naman ang lawak ng dagat
At aking narating ang pusod ng gubat.

Ang espadang apoy
Ay tangan ko noon:
At tinataga ko ang buong maghapon,
At hinahawi ko ang bagyo't daluyong.
Hinukay ang lupa, wala ka rin doon,
Biniyak ang langit, di ka rin natunton.
Wala kahit saan, saanman magtanong,
Ikaw kaya giliw ay saan naroon?

Subalit sa isang
Madilim na kueba
Ng bruha't demonyong nagsasayawan pa,
Nar'on ka, may gapos... Sa apoy, nar'on ka!
Ang singsing ko'y biglang kiniskis pagdaka't
Ang buong impierno sa sangkisapmata
Ay naging palasyong rubi't esmeralda,
Niyakap mo ako at hinagkan kita.

02.05.2025

Friday, November 29, 2024

Balagtas mula bagtas, kalamyas mula kamyas

BALAGTAS MULA BAGTAS, KALAMYAS MULA KAMYAS

Sa lalawigan ni Itay sa Batangas, ang tawag sa bungang KAMYAS ay KALAMYAS na madalas isahog sa sinaing na tulingan. Nadagdagan ng "la" ang KAMYAS. Kumbaga, ang kamyas sa Maynila ay kalamyas sa Batangas. Ang aking ama'y mula sa Balayan kung saan palasak ang sinaing na tulingan. Ang kalamyas na pinatuyo mula sa pagkabilad sa araw ang paborito kong papakin sa sinaing na tulingan.

Mas napansin ko ang paggamit sa "la" ngayon nang talakayin ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario na ang BALAGTAS ay mula sa salitang BAGTAS. Tulad din ng kalamyas na nadagdagan ng "la" sa salita.

Binabasa ko ang aklat na Kulo at Kolorum ni Almario, pahina 31, at nabanggit niya iyon. Ayon sa kanya, "Una, dahil isang totoong Tagalog na salita ang "balagtas" - varyant ng "bagtas" at katumbas ng shortcut natin sa Ingles. Ikalawa, bahagi ng kadakilaan ng Florante at Laura ang idinulot nitong simbolikong pagbagtas ng panitikan ng ..."

Panlapi ba ang "la"? Ito ang tila sinasabi sa mga nabanggit na salita. Mayroon tayong gitlaping "la". Bukod sa Balagtas at kalamyas, may iba pa kayang salitang gumagamit ng gitlaping "la"?

Dagdag pa ni Almario, "Sa kasulatan ng binyag, isinunod ang pangalan ng makata sa pangalan ng ama na si Juan Balagtas ng Panginay, Bigaa, kaya bininyagan siyang "Francisco Balagtas."

Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito:

GITLAPING "LA"

ani Almario, mula "bagtas" ang "Balagtas"
dahil panitikan ng bayan ang binagtas
para pala itong kalamyas sa Batangas
na dinugtungan ng gitlaping "la" ang kamyas

mga dagdag-kaalaman ang mga ito
nang mapaunlad pa ang wikang Filipino
at mabatid ng tagapagtaguyod nito
gaya ng makata't manunulat tulad ko

sa mga saliksik ko'y isasamang sadya
at magagamit sa anumang maaakda
ang gitlaping "la" ay luma ngunit sariwa
na karaniwan nang ginagamit ng madla

maraming salamat, mga ito'y nabatid
wikang lalawiganin ay may naihatid
at napagtantong kung sakaling may balakid
sa pagpaunlad ng wika'y maging masugid

- gregoriovbituinjr.
11.29.2024

Saturday, November 2, 2024

Sino si Norman Bethune?

SINO SI NORMAN BETHUNE?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kasintunog ng apelyido kong Bituin ang Bethune (na binibigkas umano na silent e, tulad ng Betun). Nabasa ko noon ang buhay ni Norman Bethune bilang isang doktor na mula sa Canada.

Nabanggit ang kanyang pangalan sa Limang Gintong Silahis o Five Golden Rays na sinulat ni Mao Zedong. Tungkol ito sa pagkilala kay Bethune nang mamatay siya, at binigyan ng luksang parangal.

Isang doktor ng rebolusyong Tsino si Norman Bethune. 

Tulad ng doktor na si Che Guevara, na isinalin ko ang kanyang akdang Rebolusyonaryong Medisina, pumasok sa utak ko si Norman Bethune. Nagsaliksik pa ako hinggil sa kanya, lalo na't naglingkod siya sa Partido Komunista ng Tsina bilang siruhano o surgeon.

Dalawang doktor na naglingkod sa masa, na muling binabalikan ko ngayon, dahil na rin sa pagkakaratay ni misis sa ospital. Habang ako naman ay isang aktibistang nagrerebolusyon kasama ng uring manggagawa. Dalawa silang inspirasyon hinggil sa isyung pangkalusugan bagamat ako'y di naman magdodoktor.

Isinalin ko naman sa wikang Filipino ang Rebolusyonaryong Medisina ni Che Guevara, na isinama ko sa isang aklat ng mga salin ng mga akda ni Che.

Tutukan muna natin si Norman Bethune. At sa mga susunod na susulating artikulo na si Che Guevara.

Ayon sa pananaliksik, si Norman Bethune ay isang Canadian thoracic surgeon, na isa sa mga maagang tagapagtaguyod ng sosyalisadong medisina, at naging kasapi ng Communist Party of Canada. Unang nakilala si Bethune sa internasyonal sa kanyang serbisyo bilang frontline trauma surgeon na sumusuporta sa gobyernong Republikano noong Digmaang Sibil sa Espanya, at kalaunan ay sumuporta sa Hukbo ng Ikawalong Ruta ng Partido Komunista ng Tsina (CCP) noong Ikalawang Digmaang Sino-Hapones. Tumulong si Bethune sa pagdadala ng makabagong gamot sa kanayunan ng Tsina, na ginagamot ang mga may sakit na taganayon at mga sugatang sundalo.

Si Bethune ang nanguna sa pagbuo ng isang mobile blood-transfusion service sa mga frontline operation sa Digmaang Sibil sa Esoanya. Nang maglaon, namatay siya sa pagkalason sa dugo matapos aksidenteng maputol ang kanyang daliri habang inooperahan ang mga sugatang sundalong Tsino.

Kinikilala ang kanyang mga kontribusyong pang-agham noong panahong iyon, at nakakuha ng pansin sa buong mundo. Bilang isang aktibista, pinamunuan niya ang isang krusada upang repormahin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Canada, na humihiling ng libreng pangangalagang pangkalusugan para sa lahat. Ang kanyang namumukod-tanging trabaho sa Digmaang Sibil sa Espanya, kung saan inorganisa niya ang kauna-unahang mobile blood transfusion unit, at sa panahon ng digmaang Sino-Hapones, kung saan lubos siyang nakatuon sa kapakanan ng mga sundalo't populasyong sibilyan, ay pagkilos laban sa Pasismo, at sigasig para sa layuning Komunista.

Kinilala ni Mao Zedong ang paglilingkod ni Bethune sa CCP. Sumulat ng iang eulohiya si Mao na inialay kay Bethune noong siya ay namatay noong 1939. Mababasa ang alay na iyon sa Limang Gintong silahis na sinulat ni Mao.

Sa Canada, siya ay inaalala bilang social activist na nakatuon sa kapakanan ng mahihirap at sa reporma ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan. Sa People’s Republic of China, iniidolo siya at nananatiling nag-iisang banyagang naging pambansang bayani.

Sinubukan kong isalin sa wikang Filipino ang unang talata ng eulohiya ni Mao Zedong kay Norman Bethune noong 1939:

Sa Alaala ni Norman Bethune
Disyembre 21, 1939

Si Kasamang Norman Bethune, isang miyembro ng Partido Komunista ng Canada, ay humigit-kumulang limampu, nang ipadala siya ng Partido Komunista ng Canada at Estados Unidos sa Tsina; ginawa niyang magaan ang paglalakbay ng libu-libong milya upang tulungan tayo sa ating Digmaan ng Paglaban sa Japan. Dumating siya sa Yenan noong tagsibol ng nakaraang taon, kumilos sa Kabundukan ng Wutai at sa ating matinding kalungkutan, namatay siyang martir habang naririto. Anong klaseng diwa itong ginawa ng isang dayuhan nang walang pag-iimbot na tanggapin ang layunin ng mga Tsino sa pagpapalaya ng kanyang sarili? Ito ang diwa ng internasyunalismo, ang diwa ng komunismo, na dapat matutunan ng bawat Komunistang Tsino. Itinuro ng Leninismo na magtatagumpay lamang ang rebolusyonaryong Tsino kung susuportahan ng proletaryado ng mga kapitalistang bansa ang pakikibaka para sa pagpapalaya ng kolonyal at malakolonyal na mamamayan at kung ang proletaryado ng mga kolonya at malakolonya ay sumusuporta sa proletaryado ng mga kapitalistang bansa. Isinabuhay ni kasamang Bethune ang linyang Leninistang ito. Tayong mga Komunistang Tsino ay dapat ding sumunod sa linyang ito sa ating praktika. Dapat tayong makiisa sa proletaryado ng lahat ng kapitalistang bansa — Japan, Britanya, Estados Unidos, Alemanya, Italya at lahat ng iba pang kapitalistang bansa — bago posibleng ibagsak ang imperyalismo, palayain ang ating bansa at mamamayan at palayain ang iba mga bansa at mga tao sa mundo. Ito ang ating internasyonalismo, ang internasyunalismo kung saan tinututulan natin ang makitid na nasyonalismo at makitid na patriotismo.

May tatlong talata pa ang nasabing eulohiya, subalit basahin n'yo na lang ang Five Golden Rays ni Mao.

PAGPUPUGAY KAY NORMAN BETHUNE

halos katunog ng Greg Bituin ang Norman Bethune
marahil dahil pareho kami ng nilalayon
upang mapalaya ang mamamayan ng daigdig
sa kabulukan ng sistemang dapat na malupig

nagunita siya dahil ako'y nasa ospital
nang maoperahan si misis at dito'y nagtagal
inspirasyon sa tulad ko ang naging kanyang buhay
isang doktor siyang sa masa'y tumulong na tunay

pagyakap niya sa misyon ay tinutularan ko
maging masigasig sa laban ng uring obrero
maging mapagsikhay upang paglingkuran ang masa
maging tapat sa pagkilos at sa pakikibaka

panawagan noon ni Bethune: libreng kalusugan
para sa lahat! na halimbawang dapat tularan
lalo't abot milyong piso ang babayaran namin
nakabibigla't di mo alam kung saan kukunin

O, Norman Bethune, taas-kamaong pasasalamat
ang ginawa mo't halimbawa'y nakapagmumulat
nawa'y marami pang Norman Bethune sa mga doktor
at sa rebolusyonaryong medisina'y promotor

11.02.2024

* litrato mula sa google

* Pinaghalawan ng mga datos:
The medical life of Henry Norman Bethune, na nakatala sa National Library Medicine na nasa kwing na https://pmc.ncbi.nlm.nih.gov/articles/PMC4676399/