Monday, January 26, 2009

Edsa Uno, Dos, at Tres (Edsa 1, 2, & 3)

EDSA UNO, DOS AT TRES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Abril-Hunyo 2001, p.5


Tatlong mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa ang naganap: ang Edsa Uno, Edsa Dos, at Edsa Tres. Pero tanungin natin ang ating mga sarili. Nagbago ba ang buhay natin nang maganap ang mga ito? Ano ba ang kabuluhan ng tatlong people power revolution na ito sa buhay nating mga maralita?

Ang KPML, bilang bahagi ng pakikibaka ng malawak na kilusang masa, lalo na ng mga mahihirap, ay naniniwala na wala naman talagang nangyaring malaking pagbabago sa buhay ng mga maralita sa kabuuan. Oo, may nagbago nang maganap ang tatlong Edsa, at ito'y malaking pagbabago. Pero hindi sa buhay ng mga mahihirap, kundi sa nagbabagong pulitika sa ating bansa. Sa pulitika ng tinatawag nating burgis o uring mayayaman. Bigyan natin ng pansin ang mga naganap na tatlong Edsa.

Sa Edsa 1, natanggal si Marcos, pumalit si Cory. Ganun pa rin, mahirap pa rin ang mga mahihirap. Sa Edsa 2, natanggal si Erap, pumalit si Gloria, may nagbago ba sa buhay ng mga maralita? Sa Edsa 3 naman, nag-alsa ang totoong masa, pero pinangunahan ng mga trapo. Mahihirap pa rin ang mga mahihirap.

Pero ang nakagugulat ay ang Edsa 3. Kahit sino ay hindi makapaniwala na ang totoong masa, ang mga mahihirap, ay dumagsa sa Edsa Shrine mula Abril 25-30 at sumalakay sa Malacañang noong Mayo 1. Sila'y nakarating sa Edsa Shrine dahil na rin sa suporta ng malalaking pulitikong naghakot ng mga maralita sa iba't ibang komunidad. Kaya kung susuriing mabuti, di hamak na mas malawak ang mobilisasyon noong Edsa 3 kaysa Edsa 2.

Pero ano ba ang ganansya ng mga pag-aalsang ito sa buhay ng mga mahihirap? May nangyari bang pagbabago sa buhay ni Mang Pandoy o sila'y ganoon pa rin? Isang kahig, isang tuka. Sa simpleng salita, walang ganansya ang mga maralita sa mga nagdaang people power.

Kung susuriin natin ang tatlong Edsa, meron itong pagkakapareho, bagamat malaki rin ang pagkakaiba. Una, lahat ng pag-aalsang ito'y lehitimong pag-aalsa ng masa. Nagkatipun-tipon ang malawak na masang ito upang ibagsak ang rehimeng itinuturing nilang mapagsamantala. Ikalawa, lahat ng ito'y pinangunahan ng mga paksyong pinangunahan ng mga paksyon ng mga naghaharing uri sa lipunan.

Ang mayor namang pagkakaiba ng Edsa 3 sa naunang dalawa ay ang pagkabigo nito. Ang paglusob ng maraming masa sa Malacañang noong Edsa 3 ay isang patunay na nais na nilang kumawala sa dinaranas na kahirapan, ngunit nagamit lamang sila ng mga trapong maka-Erap. Bagamat bigo, nabuksan naman ng Edsa 3 ang isipan ng gubyerno, lalo na ang simbahan, upang kalingain ng mga ito ang mahihirap.

Kaya kung pagkukumparahin ang tatlong rebolusyong Edsa, hindi hamak na mas pumapangalawa ang Edsa 3 sa Edsa 1 at panghuli ang Edsa 2 sa diin ng epekto nito sa pagbabagong panlipunan at kabuluhan nito sa buhay ng mga mamamayan. Bakit? Dahil namulat ang marami, lalo na ang mga elitista at ang simbahang Katoliko, na kaya palang magrebolusyon ng masa para sa interes nito. Ngayon, isinama na ng gobyerno, lalo na ng simbahang Katoliko, sa kanilang programa ang paglaban sa kahirapan. Kung hindi nag-alsa ang masa, malamang na hindi pa rin sila kalingain ng pamahalaan. Sa simpleng salita, mabuti na lang may Edsa 3 (bagamat mali ang kanilang kahilingan), dahil nagising ang maraming seksyon ng populasyon na kaya palang magalit at mag-alsa ng totoong masa. Masa na tinawag na mabaho at nakakadiri ng mga naghaharing uri sa lipunan, gaya ng mga mayayaman at relihiyoso. Mga relihiyosong nagsasabing "Blessed are the poor" pero pinandirihan at tinuligsa ang mga mahihirap na nagkatipun-tipon sa Edsa.

Marami ang nagsasabi na hinigitan ng Edsa 3 ang mga dumalo sa Edsa 2, bagamat ang katotohanang ito'y hindi iniulat sa media. Bakit? Sa simpleng pagsusuri, dahil ang media'y pag-aari ng mga kapitalista. Ang lehitimong malaking pangyayari, na dapat ibalita, ay hindi agad nila ibinalita. Pati sila ay hindi makapaniwala sa nagdagsaang maralita sa Edsa. gayunpaman, hindi nagtatapos sa Mendiola ang kabanata ng Edsa 3.

Kung ikukumpara sa Edsa 1, malayo ang kinahinatnan ng Edsa 2 dahil simpleng rlyebo lamang ng presidente ang nangyari. Ayon nga sa headline ng pahayagang Inquirer, "Erap Out, Gloria In" at sa times magazine naman, "He's Out, She's In".

Sa Edsa 2, kapansin-pansin ang pagkakaiba ng iba't ibang progresibong organisasyon, lalo na sa batayang prinsipyong dala-dala ng mga ito. Masusuri din natin ang katumpakan at depekto ng mga prinsipyong ito. May kumampi kay Erap gaya ni Boy Morales at may kumampi kay Gloria gaya ng Akbayan at lalo na ang Bayan Muna. Hindi lang sa Edsa 2 nangyari ito, kundi sa Edsa 3 din. Mismong ang Bayan Muna, na laging ipinangangalandakang paglilingkuran ang masa, ang siyang nagsilbing tagapagtanggol ni Gloria nang lumusob ang totoong masa sa Malacañang. Itong Bayan Muna pati na ang mga alyado nilang grupong maka-Joma, ay nagmistulang mga balimbing na ipinagtanggol ang sariling kaaway.

Kaya nananatiling tumpak ang panawagan ng Sanlakas, KPML, BMP, at iba pang grupong kaalyado nito noong kasagsagan ng Erap impeachment na "Resign All!" dahil ang talagang dapat baguhin ay ang sistema, hindi ang pangulo, hindi ang isang tao. At ito'y nagmarka rin noong Edsa 3 na bagamat hindi tayo lumahok dito, sinuportahan natin ang pag-aalsang ito ng maralita, dahil ito'y lehitimong galit ng masa sa matagal na panahong dinaranas nilang kahirapan. Totoo, hindi natin sila sinuportahan sa kanilang panawagang ibalik si Erap sa poder, pero kinilala natin ang kanilang panawagang dapat na tapusin ang kahirapang matagal na panahon nilang dinaranas. Kahirapang kailanman ay hindi itinuring na imoral ng simbahan.

Ah, paano kaya kung imbes na ang layunin ng masang lumahok sa Edsa 3 ay hindi ang ibalik si Erap sa poder at walang nakialam na trapong maka-Erap, kundi ito'y lehitimong pag-aalsa ng mga mahihirap at ang kahilingan nila'y ang mga ito: kabuhayan para sa maralita, pabahay, sapat na trabaho, at iba pang kahilingang kahit papaano'y makapagbibigay ng kaunting ginhawa sa kanila. Tiyak iba ang nangyari.

Tayo bilang bahagi ng rebolusyonaryong kilusan at organisasyong handang paglingkuran ang masa, hindi natin kailanman kinondena ang mga masang maka-Erap, kahit nuong si Erap ay nasa poder pa. Sa halip nanawagan tayo na kung totohanang ilulunsad ang ganitong people power, gawin natin ito para sa kapakanan nating mahihirap, hindi ang ibalik si Erap sa poder o kaya'y idepensa si Gloria. Kung tayo ay mag-aalsa at maglulunsad ng isang rebolusyon, dapat nating gawin ito upang iguhit ang ating tunay na mithiin. Gawin natin ito upang maging binhi ng isang kaayusan o lipunang tunay na para sa atin, lipunang tayong nakararami ang siyang nasusunod, lipunang pinamumunuan at pinatatakbo ng masa, hindi ng sinumang pulitikong makamasa, kundi lipunang tunay at direktang magsisilbi sa ating mga masa. Sa ganito lamang natin masasabi na dalisay nga ang rebolusyong ating inilunsad.

Ang Imoral ay ang Kahirapan

ANG IMORAL AY ANG KAHIRAPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala bilang Editoryal sa pahayagang Taliba ng Maralita, Enero-Marso 2001, p.2

Hindi moralidad, kundi digmaang politikal, ang sentral na isyu kung bakit nangyari ang ikalawang rebolusyong Edsa.

Simula nang ibulgar ni Luis "Chavit" Singson, gobernador ng Ilocos Sur, ang pagtanggap ni Erap ng pera mula sa huweteng, maraming tao ang nagnais na matanggal si Erap estrada sa panguluhan dahil daw sa isyu ng imoralidad. Maramin grupo, makakanan man o makakalikawa ang kumilos upang matanggal si erap. Moralidad daw ang isyu. At si Erap daw ay masamang ehemplo.

Kung totoong moralidad ang isyu, bakit nang inamin mismo ng Simbahang Katoliko na tumatanggap din sila ng pera mula sa huweteng o sa anumang sugal, at sinabi pa ni Cardinal Sin na di bale na raw tumanggap ng pera mula sa demonyo, basta't gagamitin sa mabuti, ay wala man lang nagrali laban sa ginawang ito ng simbahan. Lumalabas na double standard pala ang moralidad. Depende kung kaninong moralidad ang iyong kikilalanin. Kung ang pagtanggap ng pera mula sa huweteng ay imoral, dapat pala, nag-alsa rin ang tao laban sa simbahan. Pero hindi. Nagiging bulag, bingi at pipi ang karamihan pag simbahan ang nagkakamali. Lumalabas tuloy na sa haba ng panahon ng pananakop ng mga puti sa ating bayan, naging sunud-sunuran na lang ang karamihan sa kagustuhan ng simbahan, dahil na rin sa paniniwala na kung nais mong makarating sa langit, lagi mong pakinggan ang simbahan. Sa madaling salita, pag kinalaban mo ang simbahan, diretso kang impyerno.

Kaya anong kaibahan ni Erap Estrada kay Cardinal Sin? Ang punto, pareho silang tumanggap ng pera mula sa sugal, hindi pa usapin kung saan ito gagamitin. Kaya hindi maaaring sabihin ng simbahan o ng kahit sinumang sumama sa Edsa Dos na isyu ng moralidad kung bakit sila sumama upang mapatalsik si Erap mula sa pwesto.

Kung moralidad ang sentral na usapin, ang mas dapat ituring na imoral ng simbahan, at ng lahat ng dumalo sa Edsa Dos, ay ang kahirapan. Pagkagutom at kamatayan ng nakararami ang dulot ng kahirapan. Kaya ang kahirapang ito ang totoong imoral. Kahirapang kailanma'y hindi itinuring na imoral ng simbahan.

Nang Lumuha ang Buwaya

NANG LUMUHA ANG BUWAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Enero-Marso 2001, p.1

Para sa masa. Ito ang ginintuang pangako na nagsilbing ningas sa maraming mahihirap upang suportahan ang isang kandidatong nakakuha ng pinakamalaking kalamangan sa pinakamataas na posisyon sa kasaysayan ng bansa.

Sa bawat pangako ay maraming umaasa. Sa bawat pag-asa'y maraming naghihintay. Bawat naghihintay ay nagnanais na makawala sa nararanasang kahirapan. Bawat nagnanasang makawala sa kahirapan ay umaasa sa pangakong binitiwan.

Ngunit dahil sa mga bisyong hindi maiwanan na tila nakaukit sa puso't nakahalo na sa dugo, ang tinaguriang pangulo ng masa'y ipinagkanulo, hindi lamang ng mga nagbulgar ng kanyang ginawa na nagresulta sa impeachement trial, kundi sa labing-isang senador na sa kagustuhang ipagtanggol ang kanilang pangulo'y ipinagkanulo ang bayan. Ngayon, lumuha ang buwaya dahil na rin sa kanyang kagagawan. Ang buwayang inidolo ng masa dahil sa kanyang pelikula. Ang buwayang maraming naggagandahang mansyon samantalang nalalaman niyang mas maraming mahihirap ang walang matirahan. Ang buwayang nagnais dakilain ang isang diktador na siyang nagpahirap sa maraming mamamayan at naging dahilan ng pagkawala ng marami.

Oo, lumuha na nga itong buwaya. Ngunit ang pinakamasaklap ay pumalit ang isang buwitre. Buwitre na hindi natin alam kung marunong lumuha, dahil natural sa buwitre ang kumain ng mga patay na hayop. Pero hindi tayo dapat umasa sa pamumuno ng sinuman sa buwaya o buwitre dahil dadalhin lang tayo nito sa kumunoy ng kamatayan. Dadalihin tayo nito sa lalo't lalong kahirapan. Ang paglaya ng masa mula sa kahirapan ay hindi nakadepende sa buwaya o sa buwitre kundi sa sariling hanay. Sa sariling pagkakaisa. Gaya ng langgam na nagtutulungan, dapat na magkaisa ang masa, at huwag maging palaasa kaninuman kundi sa sariling lakas.

Sa pamamagitan ng pagkakaisang ito, maipakikita natin sa kanila ang ating lakas. Sa pagsasama-samang ito, ilunsad natin ang totoong rebolusyong tunay na papawi ng kahirapang ating dinaranas ng mahabang panahon. Rebolusyong wawasak sa sistema ng pang-aapi't pagsasamantala.

Panahon nang wasakin ang sistema ng mga buwaya at ng mga buwitre sa lipunan, mga buwaya at buwitreng hindi naman natin kauri, kundi gumagamit lamang sa atin para sa sarili nilang kapakanan, para sa sarili nilang interes. Wasakin natin ang sistemang umiiral upang lahat ay makinabang.

Ang Daigdigang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag

ANG DAIGDIGANG ARAW SA KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG
ni Greg Bituin Jr.

Nuong 1991, inirekomenda ng Pangkalahatang Kumperensya ng UNESCO sa United Nations General Assembly na iproklama ang Mayo 3 bilang Pandaigdigang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag sa kumbensyon ng African Press sa Windhoek, Namibia nuong Abril 19 hanggang Mayo 3, 1991. Ito'y sinang-ayunan ng mga dumalo. Ang mga nagsidalo ay mula pa sa 35 bansa sa Aprika at mga NGO. Dumalo sila sa Windhoek upang talakayin ang tungkol sa kalayaan sa pamamahayag at pananalita, kasarinlan at media pluralism. Tinalakay din nila ang mga pagkakapaslang, panggigipit at pambabastos sa mga mamamahayag at nagpahayag ng inabilidad ng ilang gobyerno na resolbahin ang mga krimen laban sa mga mamamahayag.

Ngayong taon, umaabot na sa walumpu't anim na Pilipinong mamamahayag ang napapaslang, ayon sa ulat ng Philippine Movement for Press Freedom (PMPF), alyansa ng mahigit limampung media-based organization sa buong bansa. Nuong nakaraang taon, apat na mamamahayag ang napaslang sa loob ng apat na magkakasunod na buwan. Nitong nakaraang Enero 21, binaril at napatay si Bienvenido "Benjie" Dasal, reporter ng Radio Mindanao Network. Sa kabuuan, isang mamamahayag na ang napaslang sa panahon ni Estrada; labingsiyam (19) sa panahon ni FVR; tatlumpu't apat (34) sa panahon ni Cory; at tatlumpu't dalawa naman sa panahon ni Marcos. Ang rekord sa panahon ni Marcos ay ulat mula sa Asosasyon ng mga Komentarista at Anawnser sa Pilipinas (AKAP). Walang nasaliksik na record tungkol sa mga napaslang na mamamahayag bago sa panahon ni Marcos, maliban kay Ermin Garcia ng dyaryong Sunday Punch sa Dagupan, Pangasinan na pinaslang nuong late 60s.

Sa mga pamantasan, marami na ring naisarang mga dyaryong pangkampus. Ang mga kasong ito'y katatangian ng harassment sa mga campus journalists, censorship at marami pang iba. Ang ilan sa mga ito ay ang publikasyong Chi Rho ng Miriam College dahil sa kanilang koleksyon ng mga tula na may pamagat na "Libog at Iba Pang Tula", at ang publikasyong Hotline ng St. Louis University sa Baguio City dahil sa pakikibaka nila laban sa tuition fee increases.

Ang kalayaan sa pamamahayag ay dapat tamasahin ninuman, dahil ito ang isinasaad ng ating Konstitusyon at pundasyon ng demokrasya. Kung walang kalayaan sa pamamahayag, hindi rin tayo malaya, dahil hindi natin maipahayag ang ating nasasaisip at nararamdaman. Kahit ang apat na sulok ng paaralan ay hindi dapat maging sagwil upang kilalanin at igalang ang kalayaan sa pamamahayag. Ang "press freedom" ay tinatamasa lamang ng mga mayayaman. Buti pa ang karamihan ng dyaryo, nagbibigay ng malaking espasyo ng balita tungkol sa mga artista kahit wala namang kabuhay-buhay, pero wala namang maibigay na espasyo tungkol sa pakikibaka ng mamamayan. Kung may espasyo man, ito'y pampalubag-loob sa mga mahihirap. Isa sa mga bumaboy ng press freedom ay ang pamilyang Gokongwei, may-ari ng Manila Times, kung saan anim na editor nito ang nag-resign. Ang pamamahayag at ang kalayaan sa pamamahayag ay responsibilidad ng mga dyornalista, at hindi isang linya lamang ng gawaing dapat pagkakitaan. Ang nangyari sa Manila Times ay isang patunay na walang pakialam ang mga kapitalista sa press freedom ng ating bansa. Ang mga balitang inihahatid ng mga dyornalista sa mga mamamayan ay hindi na isang responsibilidad, kundi isa nang ngosyo na kailangang pagtubuan.

Sa darating na Mayo 3, tayo'y magsama-sama't ating ipahayag na ang tunay na kalayaan sa pamamahayag ay hindi natin tinatamasa sa sistema ng lipunan na kasalukuyang umiiral sa bansa. Ating ipahayag sa Pandaigdigang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag ang ating pagkkaisa laban sa mapanlinlang na sistema. Huwag nating hayaang babuyin ng mga kapitalista ang ating kalayaan sa pamamahayag.

- Maypagasa magazine, 1999

Chess at Pakikibaka

CHESS AT PAKIKIBAKA
Sinaliksik ni Greg Bituin Jr.
Nalathala sa Maypagasa magazine, 1999

"Sa welga, gaya ng lahat ng pakikibaka, kailangan ang husay ng utak para sa taktika at hindi lamang lakas ng loob. Kahit sa boksing, kailangan ng talas ng isip, hindi lang lakas ng bisig. Laluna sa makauring pakikibaka na mas gaya ng chess na ang nananalo ay di ang basta na lamang sulong ng sulong ng pyesa. Ang nananalo ay yaong malalim na nagkukwenta ng bawat galaw, na handa pa ngang magsakripisyo ng pyesa para lamang makakuha ng bentaheng posisyon tungo sa ultimong tagumpay." - mula sa artikulong "Kilusang Welga ng KMU: Ala-Berde, Ala-Tsamba", BMP's Tambuli magazine, Setyembre 1998, p. 40

"Chess also activates our central nervous system and develops positive emotional reactions. It is also a good training ground for those engaged in challenging tasks and intellectual pursuits. A chessplayer requires to make a decisive move in a very complex situation and under time pressure. And this is what people need in many professions." - R. Mitchell, chess author

"If a ruler does not understand chess, how can he rule over a kingdom?" - King Khosrau II (590-629 AD)

"Malaking tulong sa academic performance ng mag-aaral ang karunungan sa chess. Ang bata na mahusay sa chess ay magaling din sa klase. At lamang siya sa kapwa mag-aaral na hindi pa marunong sa chess." - Mila Emperado, national women's master, founder at pangulo ng Metropolitan Chess Club

"Sa Amerika, Europa, at lalo na sa mga bansang Ruso, angat ang sinumang marunong sa chess. Magaling silang mag-analisa ng anumang bagay maging ito'y problema o bahagi ng pang-araw-araw na gawain." - Pilipino Reporter Magasin, Abril 18, 1997, p. 22

Ang Babala ng Pakete ng Sigarilyo

ANG BABALA SA PAKETE NG SIGARILYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit kaya sa bawat pakete ng sigarilyo ay may ganitong nakasulat: "Government warning: Cigarette smoking is dangerous to your health"?

Alam na pala ng gobyerno na masama ang paninigarilyo sa katawan, pero pinapayagan pa rin nila ang mga kumpanya ng sigarilyo sa paggawa ng mga yosi. Kung aanalisahin natin kung bakit, iisa lang ang ibig sabihin nito. Ang kaya lang gawin ng gobyerno ay magpaalala, dahil wala itong kakayahang pigilin ang ugat ng problema. Hindi kaya ng gobyernong pigilin ang mga manufacturer ng sigarilyo, dahil mas nangingibabaw ang kagustuhan ng mga kapitalistang may-ari kaysa ng gobyerno. Ipinapakita lamang ng karatulang ito sa pekete ng sigarilyo na sa panahong ito ng globalisasyon, mas nangingibabaw ang sistemang kapitalismo kaysa gobyerno.

Patunay ba ito na napapawi na ang papel ng gobyerno at ang mga kapitalista na ang mapagpasya sa lipunan? Ito ba ang dahilan kung bakit kahit anong gawin ng gobyerno, hindi mapigilan ang pagsama ng kalusugan ng kanyang mga mamamayan. Kung ganito ang lohika ng gobyerno at patuloy siya sa ganitong sistema, ang dapat sigurong masulat sa mga pakete ng sigarilyo ay ito: "Cigarette warning: The government is dangerous to your health!"

- 1998

Sino ang Berdugo ng Kalikasan?

SINO ANG BERDUGO NG KALIKASAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Wala namang masama sa pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan." - Asin, Filipino rock band

May iba't ibang panahon na ginugunita ng iba't ibang bansa at mga organisasyon ang kapakanan ng ating kalikasan. Tuwing ika-22 ng Abril ay ipinagdiriwang ang International Health Day. Tuwing ika-5 ng Hulyo naman ang World Environment Day. Environment Month naman ang buong buwan ng Hunyo. Pero bagamat maraming araw ang inilalaan para gunitain ang kalikasan, patuloy pa rin ang pagpapabaya dito ng mga tao at mismong ng pamahalaan, kaya patuloy pa rin ang pagkasira ng kalikasan. Kaya nga't hindi sapat ang simpleng paggunita lamang, kundi totohanang aksyon. Gayunpaman, dapat nating maunawaan na ang pangangalaga sa kalikasan at sa kapaligiran ay pangangalaga rin sa ating kalusugan. At ito'y dapat magsimula sa ating mga sarili, sunod ay sa pamilya at sa pamayanan. Bakit ba kailangang ipagdiwang ang International Earth Day at World Environment Day, kung hindi naman natin isinasabuhay ang pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran?

Kailangan pa bang magkaroon ng mga deklaradong araw ng paggunita para malaman nating dapapala nating alagaan ang kalikasan? Kung talagang alam nating dapat alagaan ang kalikasan, hindi ba't dapat araw-araw natin itong ginagawa.

Sa totoo lang, maraming environmentalist kuno sa ating bansa, pero karaniwan, nagiging gawaing sibiko na lang ito para masabing may ginagawa pala ang inyong organisasyon. Output kuno, ika nga. Ang nakakatawa pa, ang karamihan ng tinatawag na "environmentalist" ay hanggang environmental awareness lang, dahil hindi mo naman makita sa totoong labanan. Gaya ng mga mahilig magpa-environmental concert at magbenta ng mga environmental t-shirts, pero ayaw namang magtanim, dahil marurumihan daw sila. Nagpapatunay na isa lamang fad o uso ang pagiging environmentalist. Karaniwang nangyayari, nagiging talking shop lang ang isang environmental group dahil wala namang kongkretong aksyon. Ang kailangan natin ay aksyon, bayan!

Kung magmamasid lang tayo sa mga nangyayari sa ating lipunan, mapapansin nating hindi na natin gaanong naaasahan ang DENR sa pangangalaga ng kapaligiran. Bakit ikamo? Dahil ang E sa DENR ay "out-of-place"! Pansinin po natin ang istruktura ng DENR. Maliit na porsyento lamang ang para sa environmental protection. Ang malalaki ay nakapatungkol sa NR (natural resources), o pangangasiwa (imbes na pangangalaga) ng kalikasan. Isang halimbawa rito ay ang Mines and Geo-Sciences Bureau ng DENR. Sa kanila, okey lang na ipatupad ang Mining Act of 1995, pero para sa iba't ibang environmental groups, NGOs at mga katutubo sa area, ang batas na ito'y nakakasira sa kapaligiran at sa kalikasan. Dito'y makikita agad natin ang conflicting interest ng "environment" at "natural resources". Teka, malaki ba ang pera sa mining kaya ganito? Palagay ko.

Isa pa, karamihan ng mga gawaing tungkol sa environment ay ipinasa na ng DENR sa mga LGUs, gaya ng paghahakot ng basura, napunta na ito sa ilalim ng MMDA. Imbes na gumawa ang DENR ng maayos na sistema, lumayo sila sa kanilang responsibilidad at ipinasa sa MMDA ang problema. Kaya maliwanag pa sa ulong panot na nawawalan ng silbi ang E sa DENR. Dapat lang talagang i-abolish ito at gumawa ng superbody na maaaring tawaging Environmental Protection Agency (EPA) kung saan talagang matututukan ang isyu ng environment. Pwedeng sabihin nating hindi ito ang solusyon, pero malaki ang magagawa nito para sa kalikasan, kumpara sa mga nangyayari ngayon.

Matindi na ang teknolohiya ng mga kalapit nating bansa, pero nananatiling primitibo pa rin ang Pinas. Tulad na lang ng pag-aayos ng problema sa basura at ang kahandaan natin pagdating sa kalamidad, gaya ng nangyari sa Ormoc at kailan lang ay yung pagbaha sa Agusan del Sur, kung saan ang sinisii ay ang pagiging kalbo ng mga kagubatan. Sino ba talaga ang berdugo ng kapaligiran at pagkasira ng kalikasan? Tayong mga mamamayan ba o ang mismong gobyerno ang inutil?

Kamakailan, nagprotesta ang mga taga-Rizal hinggil sa isyu ng basura na galing Maynila dahil ginawang dumpsite ang kanilang lugar. Ito 'yung tinatawag na San Mateo landfill, kung saan lahat ng mga basurang nahahakot sa Maynila ay dito dinadala. Nakipag-negosasyon ang MMDA sa mga taga-Rizal na pagkatapos daw ng anim na buwan, ililipat na nila ang landfill a ibang lugar. Ito ba ang solusyon nila? Anong klaseng lohika ito? Ganito ba kainutil ang mga namumuno sa atin? Pag inilipat nila ang landfill sa ibang lugar ay parang inilipat lang nila ang problema. Hindi pa rin nasolusyunan ang problema sa basura. Ang kailangan ng mamamayan ay solusyong hindi makakapwerwisyo sa iba. Ang tanong: Pag inilipat ng gobyerno ang landfill, sinong matino naman ang tatanggap nito? Ang dapat nilang gawin, gumawa sila ng solusyon sa problema ng basura, huwag lang ilipat ang problema at ipasa sa iba.

Sa nangyaring aksidente naman sa Marcopper sa Boac, Marinduque, kung saan dumumi ang mga ilog, nangamatay ang mga isda, at mismong pagkukuhanan ng tubig na inumin ay naapektuhan, mismong ang DENR ang nagbigay ng ECC (environmental compliance certificate) sa Marcopper para makapag-operate. Pati na ang mga naglipanang humigit-kumulang walumpung (80) golf courese sa buong kapuluan ay pinayagan ng DENR sa kabila ng pagtuligsa ng iba't ibang environmental groups, BGOs, IPs at mga residente sa area. Bukod pa sa magastos na pagmimintina nito at mga tubig na inaaksaya para dito. Mga 800,000 galon ng tubig ang kailangan sa isang araw para maalagaan ang isang 18-hole golf course.

Ibinulgar naman ni Neal Cruz sa kanyang kolum sa Inquirer (As I See It, 01-11-99) ang planong pagputol sa 1,500 ektarya ng pine forest sa Malaybalay City, Bukidnon, na pinayagan daw ng DENR sa kabila ng pagtutol ng mga naninirahan dito. Ayon umano kay DENR Sec. Antonio Cerilles, napagkasunduan na raw nuon lang 1993 ang planong ito ng Bukidnon Forest Inc., DENR, LGUs at iba pang ahensya sa pamamagitan ng exchange of notes (EON) sa pagitan ng Pilipinas at bansang New Zealand. Itinanim ang mga nasabing puno mga limampung taon na raw ang nakararaan, at nito lang 1993 napagkasunduan ang plano. Isa pa, hindi daw isang commercial tree plantation ang nasabing kagubatan. Mahigit itong tinututulan ng mga residente at patuloy sila sa kanilang protesta para huwag matuloy ang planong pagputol sa mga punong ito.

Marami pang kaso ng kapabayaan sa kalikasan at mga pagkukulang ang mismong ahensya ng gobyernong dapat managot sa mga ito. Kung hindi ito kaya ng gobyerno, panahon naman na kumilos ang mga mamamayan upang ikampanya ang pag-aalis ng E sa DENR at maitatag ang isang superbody na talagang tututok sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran. Kailangan lang tiyakin na may ngipin ang batas dito, at pananagutan ng pamunuan pag nagpabaya sa kanilang trabaho. Hindi lang basta sibak, kundi kulong ng lima hanggang anim na taon. Mabigat ang mamuno sa isang Environmental Protestion Agency (EPA) dahil buhay ng sambayanan ang nakataya dito.

Kaya ang suhestyon namin: gawing resolusyon o bill sa Kongreso ang pag-abolish ng E sa DENR at pagbubuo ng superbody para sa environment na maaaring tawaging Environmental Protection Agency (EPA). At kung maila-lobby ito sa Kongreso, tinitiyak naming susuportahan ito ng iba't ibang NGOs environment groups, at mga individuals sa buong kapuluan, lalo na iyong mga asar na asar na sa kapalpakan at tila pagong na pamamalakad ng DENR. Ito ang aming panawagan sa iba't ibang environmental groups at inaasahan namin ang kanilang pagsuporta.

Nais din naming ipaabot sa mga kinauukulan ang isa pang suhestyon. Naniniwala kami na bawat problema'y may kaukulang solusyon, bagamat nagpapasulpot ng isa na namang problema. Pero ang problemang sumulpot ay may solusyon pa rin. Ang suhestyon namin: gumawa ng batas kung saan ang kukunin lamang ng mga basurero ay ang mga basurang na-sort-out na at may label. Ibig sabihin, iso-sort-out na ito mismo ng bawat kabahayan bago ipakuha sa basurero. Halimbawa, tuwing Linggo o tuwing ikalawang araw, kukuhanin lamang nila ay yaung mga basurang nabubulok (biodegradable), gaya ng mga galing sa pagkain, halaman at dumi ng tao't hayop. Tuwing Lunes ay mga lata; Martes - bote; atbp. Ang mga biodegradable ay maaaring gawing pataba at ang mga non-biodegradable naman ay pwedeng i-recycle at magamit muli. Tiyakin din na may garbage shelter sa bawat barangay o sulok ng kalsada na magtitiyak na duon lang hahakutin ang basura para maayos at hindi nilalangaw. Mainam ang ganitong sistema para mismong mamamayan ay matulak na disiplinahin nila ang mismong sarili nila. Isa pa, malaking kabawasan ito sa ibinibigay nating buwis na napupunta lang para sa basura. Samantalang kung madidisiplina lang ang mga tao, malaki ang matitipid ng gobyerno at ng mga mamamayan. Noong mamalagi ako sa bansang Japan ng anim na buwan bilang scholar, nasaksihan ko mismo kung gaano kaepektibo ang ganitong sistema.

Kung gusto nating maging maganda ang ating kapaligiran (environment) at maayos ang ating kalikasan (nature), mag-isip tayo ng iba't ibang inobasyon. Tapusin na natin ang lipas na kultura na basta na lang tayo magtatapon ng basura kung saan-saan. Mga nabubuhay lang sa Stome Age ang mga mahilig magkalat ng basura. Panahon na upang simulan natin ang pangangalaga sa kapaligiran sa mismong ating mga sarili. Dahil kung hindi, hindi lang DENR o mga kapitalista ang dapat sisihin sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. TAYO MISMO ANG BERDUGO NG KALIKASAN, kung hindi tayo magbabago.

Pagkasira ng Kalikasan: Isang Historikal na Pagtingin

PAGKASIRA NG KALIKASAN
Isang Historikal na Pagtingin

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Walang makapagsasabi kung kailan nagsimulang mawasak ng unti-unti ang kapaligiran. Maari nating sabihin na nagsimula ang pagkawasak na ito simula nang magkaroon ang tao ng kamalayan na may problema sa ecosystem nang may marami nang namamatay at nasasalanta (hindi dahil sa kalamidad kundi dahil sa kagagawan ng tao.) Ngunit sa wari ko, bago pa malaman ng tao na nasisira na ang kapaligiran at ang ating likas na yaman, ito ay unti-unti nang nasisira.

Ngunit ang matinding pagkasira ng mga bahagi ng kapaligiran ay nito lamang ika-20 siglo. Ito ang panahon kung saan maraming imbensyong imbes na makatulong sa tao at sa kabuuan ng sandaigdigan ay nagkus nakapipinsala pa ng kapaligiran. Bagamat hindi natin sinasabi na ang karamihan ng mga imbensyon ng tao ay mapangwasak (sapagkat marami rin ang nakatutulong), karamihan sa mga ito ay karumal-dumal, gaya ng pag-imbento ng mga bombang nukleyar at iba pang armas-pandigma. Ang mga imbensyong pamuksa na ito ay bunsod ng taimtim nilang pagkilala sa pribadong pag-aari upang magkamal pa ng malaking tubo. Bakit at paano? Para sa mga kapitalistang bansa na halos sakupin na ang buong mundo (nangyayari na ito, lalo na ngayong panahon ng globalisasyon), hindi na baleng mamatay ang kanilang kapwa basta't malaki ang kanilang tutubuin at kikilalanin ang kapangyarihan ng kanilang bansa. Ang mga nuclear weapons ay maaari nilang gamiting panakot sa negosasyon at pananggalang sa sariling interes. Kung tutuusin, ang mga nuclear weapons na ito ay basura kung ituring ng mga mapagmahal at mapag-alaga sa kalikasan at kapaligiran. Ganyan katindi ang sistema ng pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon o kapitalistang sistema. Alalahanin sana natin ang Three Mile Islands accident at ang Chrenobyl incident noong 1986 kung saan nagkaroon ng leak ang mga nuclear facilities ng Russia at milyong tao ang naapektuhan.

Sa kabilang banda at sa isang mababaw na analisis, ang isang taong nagtapon ng basura sa labas ng kanyang bakuran ay nakapag-contribute sa karumihan ng kapaligiran dahil para sa kanya, hindi na niya sakop iyon. Wala siyang pakialam kung makabara man iyon sa kanal na maaaring maging sanhi ng pagbaha sa tikatik na ambon lamang. Ngunit kung wala ang konsepto ng pribadong pag-aari sa kanyang pag-iisip at bagkus ay tinitingnan niya ang kapaligiran at kalikasan bilang pag-aari ng lahat kaya't dapat pangalagaan, ang basura niya at tiyak na itatapon siya sa dapat pagtapunan.

Ang pagkakalat ng mga insustriya ng kanilang waste material sa mga ilog (wala nang nabubuhay kahit isda dahil sa tindi ng pagkalason ng ilog) ay senyales na wala silang pakialam sa mga mamamayan basta't kumita lamang ang kanilang negosyo.

Tingnan natin ang konteksto sa Pilipinas. Isinulat ni Graciano Lopez Jaena noong panahon ng mga Kastila na ang Pilipinas ay sagana sa mga puno at kagubatan. Inilarawan din niya na kayang suportahan ng Pilipinas ang buong mundo sa kahoy. Ibig sabihin, mayabong pa ang ating mga kagubatan noon at hindi nakakalbo gaya ngayon. Marami ding mapag-aral sa kasaysayan ang nagsasabi na malaki ang naiambag ang organisadong relihiyon sa pagkasira ng kalikasan. Ayon sa kanila, bago pa dumating ang mga mananakop sa ating bansa, ang mga tribu o ang mga katutubo rito ay mapagmahal at mapagbantay sa kalikasan. Meron silang pagkakaisa at itinuturing nila ang bawat bagay sa kanilang paligid bilang kapamilya nila. Ito 'yung panahon ng primitibo komunal, ika nga ni Marx.

Ang tingin ng mga katutubo sa mga puno, ilog, atbp. ay mga nilalang din na may karapatang mabuhay. Ngunit ito'y hindi nila sinasamba, kundi itinuturing nilang kapwa rin nila may buhay. Kung tutuusin, nasa fifth level of consciousness na sila sa pagtingin sa kalikasan. Samantalang ang sustainable development (SD) na ipinangangalandakan ngayon sa iba't ibang NGO ay maituturing pa ring nasa first level of cosciousness pa lamang dahil ang tema pa rin nito ay survival. Sa SD, hindi pa rin nahihiwalay ang pagtingin ng kapitalista, halimbawa, sa puno. Ito'y isa lamang gamit. Ito'y hindi na TREE kundi LOG na pambenta para makapag-survive at masustenahan ang kanyang mga pangangailangan. Ganyan kasi mag-isip ang kapitalista. Bata pa lang ang puno, may presyo na. Para kang sinukatan ng kabaong samantalang buhay na buhay ka pa at malakas.

Sa mga tribu noon, ang tingin nila sa kalikasan ay sagrado na kahit hanggang ngayon ay umiiral pa rin sa ibang mga tribu na hindi napasukan ng westernized capitalist culture. Nuong dumatin ang mga puting unggoy, este, mga dayuhang mananakop pala, at sinakop ang ating lupain, ginamit nila ang espada't krus upang palaganapin ang kanilang relihiyon. Itinuro nila sa mga katutubo rito na hindi nila dapat sambahin ang mga puno at bagkus ay sambahin nila ang tunay na diyos na nakaukit sa kahoy. (Ang kahoy ay nanggaling sa puno!) Dito na nagsimula ang pagtingin nila sa kalikasan bilang gamit at hindi na bilang kapatid na may karapatang mabuhay. Ini-alienate ng mga mananakop ang mga katutubo sa kanyang sarili.

Ito ang nakasaad sa isang libro ng Democratic Socialist Party (DSP) ng Australia na tumatalakay sa kalikasan, "The law of profit doesn't care for the law of nature." (Ang batas ng tubo ay walang pakialam sa mga batas ng kalikasan.) Ibig sabihin, kung ang prayoridad ng isa ay ang kanyang tutubuin, wala na siyang pakialam sa kalikasan, ito man ay masira. Pero kung tutuuisn, nag-iisip din naman ang mga kapitalista ng solusyon sa pagkasira ng kalikasan, dahil baka naman daw masira ang pagkukuhanan nila ng mga hilaw na materyales. Haaay, buhay nga naman!!!