NANG LUMUHA ANG BUWAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Enero-Marso 2001, p.1
Para sa masa. Ito ang ginintuang pangako na nagsilbing ningas sa maraming mahihirap upang suportahan ang isang kandidatong nakakuha ng pinakamalaking kalamangan sa pinakamataas na posisyon sa kasaysayan ng bansa.
Sa bawat pangako ay maraming umaasa. Sa bawat pag-asa'y maraming naghihintay. Bawat naghihintay ay nagnanais na makawala sa nararanasang kahirapan. Bawat nagnanasang makawala sa kahirapan ay umaasa sa pangakong binitiwan.
Ngunit dahil sa mga bisyong hindi maiwanan na tila nakaukit sa puso't nakahalo na sa dugo, ang tinaguriang pangulo ng masa'y ipinagkanulo, hindi lamang ng mga nagbulgar ng kanyang ginawa na nagresulta sa impeachement trial, kundi sa labing-isang senador na sa kagustuhang ipagtanggol ang kanilang pangulo'y ipinagkanulo ang bayan. Ngayon, lumuha ang buwaya dahil na rin sa kanyang kagagawan. Ang buwayang inidolo ng masa dahil sa kanyang pelikula. Ang buwayang maraming naggagandahang mansyon samantalang nalalaman niyang mas maraming mahihirap ang walang matirahan. Ang buwayang nagnais dakilain ang isang diktador na siyang nagpahirap sa maraming mamamayan at naging dahilan ng pagkawala ng marami.
Oo, lumuha na nga itong buwaya. Ngunit ang pinakamasaklap ay pumalit ang isang buwitre. Buwitre na hindi natin alam kung marunong lumuha, dahil natural sa buwitre ang kumain ng mga patay na hayop. Pero hindi tayo dapat umasa sa pamumuno ng sinuman sa buwaya o buwitre dahil dadalhin lang tayo nito sa kumunoy ng kamatayan. Dadalihin tayo nito sa lalo't lalong kahirapan. Ang paglaya ng masa mula sa kahirapan ay hindi nakadepende sa buwaya o sa buwitre kundi sa sariling hanay. Sa sariling pagkakaisa. Gaya ng langgam na nagtutulungan, dapat na magkaisa ang masa, at huwag maging palaasa kaninuman kundi sa sariling lakas.
Sa pamamagitan ng pagkakaisang ito, maipakikita natin sa kanila ang ating lakas. Sa pagsasama-samang ito, ilunsad natin ang totoong rebolusyong tunay na papawi ng kahirapang ating dinaranas ng mahabang panahon. Rebolusyong wawasak sa sistema ng pang-aapi't pagsasamantala.
Panahon nang wasakin ang sistema ng mga buwaya at ng mga buwitre sa lipunan, mga buwaya at buwitreng hindi naman natin kauri, kundi gumagamit lamang sa atin para sa sarili nilang kapakanan, para sa sarili nilang interes. Wasakin natin ang sistemang umiiral upang lahat ay makinabang.

No comments:
Post a Comment