Tuesday, September 8, 2009

Inutang na Pabahay, Dahilan ng Pandaigdigang Krisis

INUTANG NA PABAHAY, DAHILAN NG PANDAIGDIGANG KRISIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita ng KPML, Tomo XIV, Blg. 1, pahina 4)

Nasaklot ang buong mundo ng krisis sa pinansya na nagdulot ng pagsasara ng maraming pabrika at pagkatanggal ng mga manggagawa sa iba't ibang panig ng mundo. Kahit ang kapitalistang sistema ay nayanig. Ngunit ano ba ang dahilan nito. Ayon sa pananaliksik, ang dahilan ng pandaigdigang krisis ay yaon umanong mga pautang sa pabahay.

Ang dahilan ng krisis ay mga housing loans, na tinatawag na subprime mortgage market sa US noong 2002. Ang mga housing loans na ito ay ibinigay sa mga taong mababa ang kakayahang magbayad (low credit ratings) o mababa ang kita na sa simula'y mababa ang interest rate ngunit itinaas din sa kalaunan. Pinaluwag ang mga rekisito at pinalawak ang merkado upang makautang sila, pagkat gusto ng mga kapitalistang tumubo ng malaki. Ang pinuhunan dito'y milyun-milyong dolyar.

Sumabog ang krisis noong Setyembre 2008 nang di na kayang magbayad ng mga umutang ang kanilang hulugang bahay. Maraming bahay ang nailit. Kaya nagbagsakan ang presyo nito, naging buy one, take one. Dahil sa pagbagsak ng presyo ng bahay, kahit na yaong may kakayahang magbayad ay iniiwan ang kanilang bahay dahil mas malaki ang kanilang hinuhulugang prinsipal kaysa sa presyo ng bahay. Kaya ang naging resulta, pawang mga bahay ang naiwan sa mga bangko, walang pera. Dito na nagsimula ang krisis na tinawag na credit crunch.

Ngunit di lamang mga kumpanya sa Amerika na nagpautang sa mga tao ang apektado ng mga utang na di na mabayaran. Lumaganap sa buong sistemang pampinansya sa mundo ang epekto nito. Kumbaga, nagkaroon ito ng chain reaction kaya naapektuhan ang iba pa.

Ang sistemang kapitalismo ang dapat sisihin sa krisis na ito. Mula 1996 hanggang 2006, lumikha sila ng $8Trilyong kayamanang nakalista sa bula, kung saan ang utang para sa 2.3 milyong pabahay ang pinagpasa-pasahan ng mga bangko para sa dagliang tubo. Pinataas nito ang presyo ng mga bahay, mula sa dating $163,000 ay naging $262,000, hanggang sa ito'y di na kayang bayaran kaya nilayasan ng mga nakabili.

Maraming bahay ang nabakante, kaya agad bumagsak ang presyo nito ng halos 70%. Sa unang bugso'y bumagsak ang pamilihan, at halos $1.3Trilyong puhunan ang parang bulang nawala. Tinawag ito ng mga kapitalista't gobyerno na Global Financial Crisis. Para sa mga ito, suliranin ito sa kakulangan ng pondo dahil sa pagkabangkrap ng mga international investment houses at mga bangko sa Wall Street sa pangunguna ng Lehman Brothers, Merryl Lynch at American Insurance Group. Lumikha ito ng domino effect sa mga bangko't mga industriya sa iba't ibang panig ng daigdig. Ang ginawa ng mga kapitalistang gobyerno'y i-bailout ang mga nabangkrap na kumpanya at maglaan ng safety nets sa mga manggagawa. Ngunit mas matindi ang tama ng krisis sa mga manggagawa. Krisis sa kabuhayan ng manggagawa ang kahuugan ng pampinansyang krisis na ito. Sa ngayon nga, tinatayang 241 milyong manggagawa na ang walang trabaho sa mundo.

Inilantad sa ating mga mukha ang katotohanan ng kapitalistang sistema. Wala itong maidudulot na mabuti sa maralita kundi lalo't lalong krisis, lalo't lalong kahirapan.

Inilantad din nito ang pagkakataong pag-isipan na natin ang alternatibo sa sistemang kapitalismo na sa mahabang panahon ay yumurak sa ating pagkatao at nagpahirap ng matindi sa atin. May pag-asa pa bang mawakasan ang krisis na ito at ang sistemang nagdulot nito? Anong dapat nating gawin?

Hanggat may buhay, may pag-asa, ayon sa isang katutubong kasabihan. Pagtulungan nating tuklasin ang sikreto ng kapitalismo at ilantad ang kabulukan nito. At tayo'y magkaisa at kumilos sa adhikaing palitan na ang bulok na sistemang kapitalismo dahil hindi ito ang sistemang naglilingkod sa atin.

Panahon na para pangarapin natin ang sosyalismo, ang sistemang may paggalang sa karapatang pantao ng bawat isa at pangunahin ang kapakanan ng tao, at hindi ng iilan para lang sa kanilang tubo.

Ibagsak ang kapitalismo! Sumulong tungo sa sosyalismo!

No comments:

Post a Comment