PAMBUNGAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Taon ng 1989 nang mabili ko sa Popular Bookstore ang Sun Tzu's The Art of War na isinalin ni Thomas Cleary. Tanda kong bawat talata niyon ay may paliwanag sa maliliit na titik kumpara sa malalaking titik na sinulat ni Sun Tzu.
Subalit nawala na sa akin ang kopya kong iyon dahil hindi na rin ako basta nakakauwi ng bahay nang ako'y magpultaym na sa pagkilos sa kilusang masa. Sa mga opisina na ako natutulog at nanirahan habang sa araw ay nasa rali o kaya'y nasa iba't ibang komunidad.
Dalawang dekada matapos kong mabili iyon ay naisipan kong subukang isalin sa wikang Filipino ang Art of War nang makabili muli ako ng aklat na iyon sa National Book Store. Hindi na iyon salin ni Thomas Cleary. May mga numero na rin ang bawat talata, na animo'y bibliya, na may bilang ng kabanata at taludtod, o kapitulo at bersikulo.
Malaking hamon para sa akin ang pagsasalin, kaya nagsalin na rin ako ng tula ng ibang makata sa Ingles. Subalit dito sa Art of War, naharap ako talaga upang pag-isipan ang wastong salin ng salita at pangungusap.
Halimbawa, makipaglaban ba o lumaban ang salin ng to fight. Halimbawa: If we wish to fight, ito ba'y Kung nais nating lumaban, o Kung nais nating makipaglaban, magkaiba kasi iyan.
Nariyan din ang kaibahan ng salin ng terrain sa Kabanata 10 sa ground na nasa Kabanata 11. Kung pareho ko silang isasalin ng lupain, malilito ang mambabasa sa akin. Kaya dapat mailinaw natin, sa pamamagitan ng saliksik, ang kaibahan ng terrain at ng ground.
Ang terrain ay lupain. At ayokong mag-imbento ng salita. Halimbawa, kung isasalin ko ang terrain ng terano, baka mapagkamalang ang ingles ng terano ay tyranny.
Sa aking nakausap, magkaiba umano ang terrain sa ground, dahil ang terrain ang anyo ng isang malawak na heograpikal na lugar. Habang ang ground naman ang mismong ibabaw na bahagi at ating tinatapakan.
Mahalaga rin ang pagtitig sa salita upang masuring mabuti. Sa Kabanata X, Bersikulo 1, (parang Bibliya), at sa Kabanata XI, Bersikulo 1, kapwa binabanggit ang salitang ground. Ibig sabihin, lupain. Doon pa lang ay dapat ang pag-isipan at sa kalaunan naman ay nakahinga ako ng maluwag.
Tingnan ang dalawang ito:
X. Terrain
1. Sun Tzu said: We may distinguish six kinds of terrain, to wit: (1) Accessible ground; (2) entangling ground; (3) temporizing ground; (4) narrow passes; (5) precipitous heights; (6) positions at a great distance from the enemy.
XI. The Nine Situations
1. Sun Tzu said: The art of war recognizes nine varieties of ground: (1) Dispersive ground; (2) facile ground; (3) contentious ground; (4) open ground; (5) ground of intersecting highways; (6) serious ground; (7) difficult ground; (8) hemmed-in ground; (9) desperate ground.
Isinalin ko ang mga iyon ng ganito:
X. KATANGIAN NG LUPA
1. Sinabi ni Sun Tzu: Maaari nating makilala ang anim na uri ng hubog ng lupa, katulad ng: (1) lupang mapupuntahan; (2) lupang masalimuot; (3) lupang pansamantala; (4) makikipot na daanan; (5) matatarik na lupa; (6) mga posisyon ng malalayong agwat mula sa kaaway.
XI. SIYAM NA SITWASYON
1. Sinabi ni Sun Tzu: Kinikilala ng sining ng pakikidigma ang siyam na uri ng lupa: (1) Kalat-kalat na lupa; (2) madaling lupa; (3) palakontrang lupa; (4) bukas na lupa; (5) lupa ng sangandaan; (6) seryosong lupa; (7) masalimuot na lupa; (8) nakakulong na lupa; (9) desperadong lupa.
Pati ang We may distinguish six kinds of terrain, at ang The art of war recognizes nine varieties of ground, ang kinds at varieties ay isinalin ko ng uri.
Marahil dapat na akong magpasya, lalo't wala namang kakilalang magsusuri sa aking salin. Pasya ko na kung ano, batay sa pagkakabasa ko sa buong pangungusap.
Kaya isinulat ko sa pamagat ng proyektong ito ng salin ang mga katagang Malayang Salin. Ibig sabihin, sarili kong salin ito nang walang gabay ng iba pang tagasalin, bukod pa sa wala akong kilalang tagasalin. Kung may makakausap man akong tagasalin upang gawan ng puna, pagsusuri, o kritik ang aking salin, na siya kong nais, tiyak na mahihiya naman akong hindi sila bayaran. Subalit dahil ako'y pultaym na aktibista, at bihirang makatanggap ng alawans sa tamang panahon, wala akong maibabayad sa sinumang tagasuri ng aking salin.
Kaya pinagbutihan ko na lamang ang pagsasalin, na sa bawat salin ay nakataya ang aking pangalan, na ginawa ko ito sa abot ng aking makakaya, at bilang mambabasa at manunulat sa publikasyong pangkampus noong kolehiyo, pinaghusayan ko ang pagsasalin. Iyon bang madaling mauunawaan ng masa, lalo na ng manggagawa at maralita sa komunidad na kinikilusan ko.
Ako ang makata o manunulat na wala sa akademya. Habang pag nagbasa tayo ng salin, halimbawa, kung hindi man sa National Library, ay sa Popular Bookstore o sa National Book Store na madalas kong puntahan, karaniwang ang nagsalin ay mga guro, may Phd o MA. Subalit maaawat ko ba ang aking sariling gumawa ng ganitong mga seryosong proyekto ng pagsasalin kahit wala ako sa akademya, kundi madalas ay nasa kalsada, kundi man nagrarali ay nasa unyon ng manggagawa o nasa komunidad ng maralita.
Wala nga ba akong karapatang magsalin dahil wala ako sa akademya? Sinubukan ko lang ang magsalin, at kaygandang gawain pala nito. Kaya asahan ninyong magsasalin pa ako ng iba pang akda sa sariling wika upang mabatid din ng kapawa Pilipino ang mga sulating dapat din nilang mabasa sa ating wika.
Bilang manunulat, nais kong mag-ambag sa panitikang Pilipino sa pamamagitan ng pagsasalin, at ito ngang Art of War ni Sun Tzu ang una kong tangka sa pagsasalin at pagsasaaklat ng salin. At ibebenta ko ang aklat ng salin na ito sa sinumang aking maalok, dahil hindi ko pa kaya ang mag-iwan sa mga book store ng aking aklat. Sa kalagayang pultaym, nais kong kaliwaan muna ang patakaran, ibig sabihin, pagkuha mo ng aklat ay sabay bayad. Sa gayon, may pakinabang agad ako mula sa napagbentahan ng aklat.
Maraming salamat sa lahat ng mga tumulong sa akin, bagamat mag-isa kong ginawa ito, tulad ng nakagamit ako ng kompyuter ng opisina lalo na sa gabi at madaling araw na walang gumagamit nito, sa mga kasamang hinayaan akong makapagsulat at makapagtipa sa kompyuter, sa mga kasamang nakakasama sa ilang talakayan at sa pagkilos sa isyu ng manggagawa at maralita, at sa iba pang pultaym sa pagkilos. Mabuhay kayo!
Sinulat sa tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Lungsod Quezon
Oktubre 17, 2009

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento