Tuesday, February 3, 2009

Tungo sa Paglaya ng Kababaihan

TUNGO SA PAGLAYA NG KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg. 1, Taong 2004, p.4


Sa isang gender training, pinaghiwalay ng tagapagdaloy sa dalawang grupo ang mga kalahok: grupo ng babae at grupo ng lalaki.

Ang kanilang gagawin, lagyan ng bantas, tulad ng tuldok at kuwit, ang pangungusap na ito: "A woman without her man is nothing".

Sinulat ng kalalakihan ay ito: "A woman, without her man, is nothing."

Sinulat ng kababaihan ay ito: "A woman: without her, man is nothing."

(Mula sa Reader's Digest, Enero 2000)


Sa nabanggit na anekdota, makikita agad natin ang kaibahan ng kaisipan, pang-unawa at opinyon ng dalawang kasarian sa mga bagay-bagay dito sa lipunan.

Kung tayo'y magmamasid, kapansin-pansin ang stereotyping ng kasarian kung saan itinakda ng lipunan kung ano ang dapat at hindi dapat gawin ng lalaki at babae. Halimbawa, ang pink ay para sa babae, at ang asul naman ay para sa lalaki. Ang lalaki ang magtatrabaho, at ang babae ang tagaluto, tagalaba, tagaplantsa at tagapag-alaga ng mga anak. Sa lalaki ang mabibigat na gawain at sa babae naman ang magagaan. Ngunit sa panahon ngayon na ang babae ay nagtatrabaho na rin, nagiging doble ang pasanin ng kababaihan. Dahil paglabas niya sa trabaho ay may ekstensyon pa siyang trabaho sa bahay. Dahil dito, nararapat lamang ipaglaban ng kababaihan ang apat na mayor na isyu na nakakaapekto sa kanila.

1. Regular na trabaho. Kababaihan ang karaniwang biktima ng salot na kontraktwalisasyon sa lahat ng tipo ng industriya sa Pilipinas. Dapat na ipagbawal ang contractual employment ng kababaihang manggagawa.

2. Itigil ang karahasan laban sa kababaihan. Tumitindi ang karahasan sa kababaihan, hindi lamang sa pagawaan, kundi maging sa tahanan, komunidad, at paaralan. Ang babae ay di dapat ituring na sexual object na dapat paglaruan. Dapat na magkaroon ng batas na magkakaloob ng tunay na pagkakapantay-pantay sa pagitan ng kababaihan at kalalakihan.

3. Itigil ang double burden of work sa kababaihan. Kahit parehong nagtatrabaho ang mag-asawa, pasan pa rin ng babae ang gawaing bahay. Halos double-shift siya sa trabaho - trabaho sa pabrika at gawaing bahay pag-uwi galing sa pabrika.

4. Pagsulong ng reproductive rights at reproductive health care ng kababaihan. Dapat na kilalanin ng lipunan ang demokratikong karapatan ng babae na magpasya sa sariling katawan, laluna sa pagbubuntis at panganganak.

Ang pang-aapi sa kababaihan ay sumulpot kasabay ng transisyon mula sa lipunang walang uri at walang pribadong pag-aari tungo sa lipunang may uri at pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. Ito'y isang salik na di maihihiwalay sa pagpapanatili ng lipunang makauri sa kabuuan at sistemang kapitalismo sa partikular.

Kaya ang mga babaeng nakikibaka para sa kanilang paglaya ay dapat maging aktibo at manguna sa pagsusulong ng kanilang sariling laban.

Dapat nilang tahakin ang landas tungong sosyalismo pagkat tanging sa sosyalismo lamang magkasabay na lalaya ang kababaihan at kalalakihan sa pagsasamantala.

Walang sosyalismo kung walang paglaya ang kababaihan. Walang paglaya ng kababaihan kung walang sosyalismo." Ito ang islogang gabay ng kababaihan sa pakikibaka nila para sa kalayaan.

Gayundin naman, mula sa islogang ito ay makararating tayo sa ikalawang islogan na kaparis at nais ipakahulugan ng unang islogan: "Walang sosyalismo kung kalalakihan lang ang lalaya. Kung kalalakihan lang ang lalaya ay walang sosyalismo." Sa madaling sabi, dapat na magkatuwang ang babae at lalaki sa kanilang paglaya.

Ang dalawang islogang ito ay walang ibang patutunguhan kundi ang ihatid tayo sa ikatlong islogan: "Walang sosyalismo kung walang paglaya ng kababaihan at kalalakihan. Walang paglaya ng kababaihan at kalalakihan kung walang sosyalismo."

At ang ikatlong islogang ito ay magdudulo sa katotohanang: "Walang sosyalismo kung walang paglaya ang lahat. Walang paglaya ang lahat kung walang sosyalismo."

Ang apat na islogang ito'y mga gabay ng kababaihan at kalalakihan mula sa lahat ng sektor ng lipunan sa kanilang tuluy-tuloy na pagkilos tungo sa ganap na paglaya. Kababaihan ang kalahati ng populasyon ng daigdig. Kaya nararapat lamang na itaguyod at ipaglaban ang kanilang karapatan, kapakanan, at kagalingan.

Lakas ng katwiran ang Ating Sandata

LAKAS NG KATWIRAN ANG ATING SANDATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala bilang Editoryal sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo VIII, Blg. 1, Taong 2003, p.1,7


Nakikibaka ang mga maralita, mga manggagawa at ang masa ng sambayanan para sa kanilang pangarap na matinong lipunang may pagkakapantay-pantay, pagkat iyon ang matuwid. Ayaw nilang mabuhay sa isang lipunang ang nakikinabang lang ay iilan. Ang lakas ng katwiran ang kanilang sandata laban sa mga mapagsamantala. Ating pagnilayan ang kanilang mga katwiran.

Bakit ang pag-unlad ng teknolohiya, tulay at riles ng tren ay progresong pinagpaplanuhan ng gobyerno, pero ang pag-unlad ng kalidad ng buhay ng tao ay hindi? Nasaan ang katwiran ng gobyerno para ipagwalang-bahala ang tao?

Sa ngalan ng progreso, gigibain ang mga kabahayan ng mga maralita sa kahabaan ng ilog, riles at R10. Bakit [aalisin ang mga tao, gayong wala namang maayos na paglilipatan sa mga ito? Mahina ang katwiran ng gobyerno.

Sa usapin ng gera, ang katwiran ni Bush ay kailangang ilunsad ang gera dahil merong weapons of mass destruction (WMD) ang Iraq, gayong ang merong WMD ay itong imperyalistang US na nag-iimbak ng mahigit 10,000 nuclear warheads at sangkatutak na smart bombs. Nagmamalaki pa nga itong US sa kanilang MOAB (mother of all bombs) na tinesting kamakailan lang. Wala sa katwiran si Bush.

Sa usapin ng purchased power adjustment (PPA), inunang sinaklolohan ng GMA ang Meralco dahil baka malugi raw ang mga Lopezes, gayong ang mga consumer ay pinagbabayad ng Meralco sa kuryenteng di naman ginamit. Wala sa katwiran si GMA.

Sa lipunang kapitalismong umiiral ngayon, kung sino pa ang gumagawa ng yaman ng lipunan ang siya pang api, hikahos, at pinagsasamantalahan. Walang makataong katwiran ang kapitalismo.

Ang pagrarali o mobilisasyon ay isa sa mga armas natin para ipahayag, hindi lamang ang ating mga himutok at hinaing, kundi ang ating katwiran. Alam nating nasa katwiran tayo at tama ang ginagawa. Alam natin na makatwiran ang ating pangarap na baguhin ang bulok na sistema ng lipunan. Katwirang dapat ipaglaban, magbubo man ng dugo.

Lakas ng katwiran ang ginamit ni Rizal sa kanyang dalawang nobela, pagkat ang katwiran niya, dapat lumaya ang mga Pilipino sa kamay ng mga mananakop na Kastila, kaya maraming nag-alsa nang siya'y barilin sa Bagumbayan.

Lakas ng katwiran ang ginamit ni Gat Andres Bonifacio, pagkat ang katwiran niya, "Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala." Kaya naorganisa ang Katipunan at lumaya ang sambayanan sa kamay ng mananakop na Kastila.

Lakas ng katwiran ang ginamit ni Karl Marx, pagkat ang katwiran niya, "Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa. Walang mawawala sa inyo kundi ang tanikala ng pagkaalipin." Kaya't nag-oorganisa ang mga manggagawa sa iba't ibang panig ng mundo upang itayo ang kanilang lipunan: ang sosyalismo.

Lakas ng katwiran ang ginamit ni Ninoy Aquino, pagkat ang katwiran niya, "The Filipino is worth dyung for." Kaya't naorganisa ang mga tao't napaalis ang diktador.

Lakas ng katwiran ang ginamit ng pinaslang na lider-manggagawang si Ka Popoy Lagman, pagkat ang katwiran niya, "Ang sinumang nag-iisip na baguhin ang lipunan nang hindi hinaharap ang kawalang katarungan ay walang patutunguhan." Kaya patuloy sa pakikibaka ang mga manggagawa, maralita, makata, kababaihan, at iba pang sektor para sa progresong may hustisyang panlipunan.

Dahil sa lakas ng katwiran, maraming diktadurya ang bumagsak. Dahil sa lakas ng katwiran, maraming pakikibaka ang naipanalo. Dahil sa lakas ng katwiran, mag-oorganisa tayo laban sa pwersa ng mga wala sa katwiran. Oo, lakas ng katwiran. Ito ang ating sandata sa pakikibaka hanggang sa ating paglaya.

Ang Tindig Natin sa Hindi Natin Gera

ANG TINDIG NATIN LABAN SA HINDI NATIN GERA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo VIII, Blg. 1, Taong 2003, p.2


Napakatindi ng epekto ng pag-atake ng mga terorista noong 9/11 sa World Trade Center at Pentagon, kaya tila parang paranoid na ang Amerika sa kanyang mga ginagawang polisiya. Hindi natin sila masisisi na ipagtanggol ang kanilang bansa. Ngunit hindi na pagtatanggol kundi pananakop na ang kanilang ginagawa.

Unang sinalakay ng US ang Afghanistan, at ngayon naman ay ang Iraq. Balak pa niyang isunod dito ang Iran, North Korea, at iba pang bansa, tulad ng Syria at Libya, na dahil hindi makontrol ng US, ay binabansagang pugad ng terorismo.

Kahit ang United Nations, dahil sa kagustuhan ng US na paalisin si Saddam, ay hindi na iginalang ng US, gayong di pa nila napapatunayan, kahit ngayong tapos na ang gera at okupado na ng US ang Iraq, na may weapons of mass destruction nga ang Iraq. Nagpapatunay lamang ito sa pagdududa ng karamihan na ang nais talaga ng US ay masakop ang Iraq para maresolba sa pamamagitan ng langis ng Iraq ang krisis ng US. Kung ang UN ay hindi sinusunod ng US, ano ang bansang Pilipinas para alyaduhin ang US sa kaarogantehan nito gayong myembro ng UN ang Pilipinas noon pang 1945? Pero ang administrasyon ni GMA ay patuloy sa paninikluhod sa US, kahit na maraming mamamayan ang ayaw. Kung ano ang sinabi ni Bush, natutulalang umaayon agad si GMA, tulad ng di pagpayag ng US na magkaroon ng International Criminal Court (ICC). (Alam kasi ng US na maituturing si Bush na war criminal tulad nina Hitler at Milosevich kaya ayaw sa ICC.) Hindi tayo ang gusto ng US kundi ang napaka-estratehikong posisyon ng Pilipinas sa rehiyong Asya-Pasipiko. Ito ang katotohanan.

Pagkat simula nang sipain ng mga Pilipino ang mga base militar ng Kano noong 1991, kinilala na ng mga Pilipino na kaya niyang tumayo sa sariling mga paa at iniwanan ang paniwalang ang Pilipinas ay parang sanggol na laging kinakarga at tinitimplahan ng gatas ng bansang Amerika. Huwag nating payagan ang administrasyong GMA na ibalik tayo sa panahong naririto pa ang mga base militar ng Kano. Siyanga pala, noong narito pa ang mga base militar, baboy-damo ang trato ng mga sundalong Kano sa mga Pilipino. Basta binabaril.

Simpleng Katwiran, Berdugo ang Paraan

SIMPLENG KATWIRAN, BERDUGO ANG PARAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala bilang Editoryal sa pahayagang Taliba ng Maralita, Hulyo-Setyembre 2002, p.1, 7


Napakaraming vendors sa kalunsuran. Mga manininda na nabubuhay sa sariling sikap sa pamamagitan ng paglalako ng kung anu-ano, tulad ng palamig, sigarilyo at pagkain. Dito nila kinukuha ang kanilang ipinambibili ng pagkain at iba pang pangangailangan ng pamilya sa bawat araw. Simpleng paninda, simpleng pamumuhay. Simpleng pangarap, simpleng tao. Araw-araw kumakayod upang kahit papaano'y may maipakain kay bunsong umiiyak. Ang ilan sa kanila'y nakapagpaaral hanggang makatapos ng kolehiyo ang kanilang mga anak.

Ngunit silang mga simpleng tao'y nais maglaho ng gobyerno sa pamamagitan ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando o BF, ang tinaguriang "Hitler" ng mga vendors. Malupit. Walang patawad. Makuha lamang ang gusto. At ayaw niyang makipag-usap o makipag-negosasyon sa mga maliliit na manininda.

Nagsisikip daw ang trapiko sa buong kalunsuran dahil sa mga vendors. Kaya vendors ay dapat alisin. Simpleng katwiran. Berdugo ang paraan. Ito ang ginagawa sa kanila ngayon ng gobyerno. Ngunit hindi pagmamalupit ang solusyon dito, kundi pakikipag-usap. Ito ang tamang paraan.

Para sa mga vendors, sa hirap ng buhay ngayon, hindi makayanan ng maliliit na manininda ang bayad sa inuupahang stalls, pagkat katwiran nila, napupunta lamang sa pagbabayad ng stalls ang kakarampot nilang kinikita kaysa sa pagkain at pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ito ang kahilingan ng mga vendors:

1. Itigil ang demolisyon sa sidewalk vendors sa Kamaynilaan hangga't hindi nakakahanap ng komprehensibong solusyon ang MMDA, lokal at pambansang pamahalaan sa dislokasyong idudulot sa maliliit na manininda;

2. Absolutong ipagbawal ang paggamit ng dahas, sa anumang paraan, laban sa mga sidewalk vendors. Daanin ang resolusyon ng problema sa negosasyon, at hindi sa pamamagitan ng pwersa at dahas ng pamahalaan;

3. Sa halip na paglipol sa pamamagitan ng dahas at "ubusan ng kapital" na patakaran ang pairalin, dapat tumulong ang MMDA, lokal at pambansang pamahalaan sa pag-oorganisa ng mga sidewalk vendors.

Naniniwala ang Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) na sa pamamagitan ng malakas na organisasyon ng mga vendors at bukas na ugnayan sa awtoridad, mas madaling maipatutupad ang kaayusan nang walang nasasaktan.

Madaling kausap ang mga vendors ngunit ayaw makipag-usap sa kanila ni BF. Kung nais ni BF na ayusin ang mga vendors, dapat niyang kausapin ang mga ito. Dapat silang mag-usap. Negosasyon. Ito ang pinakamainam na paraan. Dahil kung hindi, mapipilitang lumaban ang mga vendors upang depensahan ang kanilang kabuhayan.

Ang Demolisyon ay Terorismo

ANG DEMOLISYON AY TERORISMOni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala bilang Editoryal sa pahayagang Taliba ng Maralita, Oktubre-Disyembre 2001, p.1-2


Ang kamatayan ng mga batang paslit na sina Jennifer Rebamontan, walong buwang gulang, at Manuel Dorotan Jr., isang buwang gulang, sa demolisyong naganap noong Oktubre 9, sa kanilang tahanan sa C3-Tulay, North Bay Boulevard South, Navotas, ay ilan lamang sa mga masasakit na pangyayaring sanhi ng demolisyon. Mga pangyayaring hindi lamang sila ang nakaranas, kundi sa iba pang demolisyong naganap sa ibang panig ng kapuluan. Noon ding Oktubre 5, sa Sitio Paon, Brgy. Dumulog, Roxas City, Capiz, apat na katao ang pinagbabaril at malubhang nasugatan habang ang kanilang organisasyon, ang Dumulog Small Fisherfolks Association (DSFA) ay nagbarikada upang ipagtanggol ang kanilang mga tirahan mula sa demolisyon. Naparalisa ang kalahating katawan ni Joevani Arobang, 39 anyos, ng matamaan ng bala ang kanyang spinal column, samantalang si Eduardo Alicante, 51 anyos, ay natamaan sa sikmura at pumailalim sa isang surgical operation.

Nangyari ang kahindik-hindik na terorismo ng demolisyon sa mga residente ng C3 pagkat, ayon kay Navotas Mayor Tobi Tiangco, may darating daw na Japanese investor para tingnan ang lugar, kaya dapat silang idemolis kaagad. Samantalang sa Sitio Paon, inaagaw ng mga "pribadong nagmamay-ari" sa mga residente ang lupaing idineklarang public land ng DENR.

Bigyan natin ng diin ang nangyari sa C3 Tulay. Hindi tumatanggi ang mga mahihirap sa progreso, pero dapat ang progresong ito'y maging makatao. Kung ang kapalit ng sinasabi nilang progreso ay ang kamatayan ng dalawang bata, anong klaseng progreso ito?

Anong kaibhan ng isang kinidnap na batang mayaman at ang dalawang batang mahirap na namatay sa demolisyon? Simple lamang ang kasagutan na kahit Grade 5 ay kayang sagutin. Umiikot ang tumbong ng gobyerno at ng pulisya pag may batang mayaman na kinidnap na at agad silang nagreresponde, pero pag may dalawang batang mahirap na namatay sa demolisyon, ni hindi man lang nila ito mabigyan ng kaukulang atensyon, ng katarungang nararapat nilang makamtan. Sa madaling salita, sa lipunang ito, pag mahirap ka, ginagago ka, pinapaikot ka at itinuturing kang basahan.

Ito'y dahil ang lipunan ay nahahati sa dalawang uri - ang naghaharing uri at ang mga pinagsasamantalahan - kitang-kita sa demolisyon ang tunggalian ng uri sa lipunan: sa pagitan ng uring mayayaman at uring mahihirap. Pag may naglunsad ng karahasan laban sa mayayaman, ito'y terorismo. Pero pag may naglunsad ng karahasan laban sa mga mahihirap, ni hindi man lamang ito maituring na terorismo, bagkus ikinakatwiran pa ng mga kapitalista na tama lamang ito, dahil matitigas ang ulo ng mga mahihirap.

Ang sistemang umiiral sa ating lipunan, ang sistemang kapitalismo, ang siyang nagdulot ng terorismo sa mga maralitang ito. At ang sistemang ito'y patuloy pang naninibasib, patuloy pang pumapatay.

Mga kasama, matagal na nating inilalantad ang kabulukan ng sistema, pero tila bulag, pipi, bingi at pilay pa rin ang marami sa panawagang dapat nang palitan ng makataong sistema ang makahayop na sistemang kapitalismo. Masakit para sa mga magulang at kamag-anak ng mga namatay sa demolisyon ang pagkawala ng kanilang mga anak at mga kasama. Masakit. At ito'y maaaring maulit, at maaari din itong mangyari sa atin. Papayag ba tayo?

Napatunayan na ng masa na kaya nitong mag-alsa. Kitang-kita ito noong Edsa Tres. Ito'y kayang magawa muli. Kaya huwag nilang hayaang magalit ang masa. Pero tunay nga na ang demolisyon ay terorismo. Demolisyong patuloy na nananakit at pumapatay sa tulad nating mahihirap. Kaya dapat na ipangalandakan natin sa lahat, isulat sa ating mga plakard o maging sa mga pader, liham sa mga editor ng dyaryo, radyo at telebisyon, ang katotohanang ito: "Ang Demolisyon ay Terorismo!" Yanigin natin ang buong sambayanan sa katotohanang ito.

Huwag natin itong tigilan hanggang madama ng pamahalaan, ng husgado, ng mga pulis, at ng mismong uring burgis, ang galit ng masa sa mga nangyayaring kalapastanganan sa kanilang matiwasay na pamumuhay at mapayapang paninirahan. Kailangang kilalanin nila ang karapatan ng mga maralita at itigil ang demolisyon saan mang panig ng kapuluan. Ipanawagan din natin sa mga kongresista, na kung kaya nilang ituring na krimen ang simpleng pagnanakaw (gaya ng graft and corruption na talamak sa kanilang hanay), dapat na ituring din nila, sa pamamagitan ng batas, na ang pagwasak sa mga tahanan ng maralita ay isang krimen, pagkat ito'y hindi lamang simpleng pagwasak ng bahay (destroying houses). Higit sa lahat, ito'y pagwasak ng buhay (destroying human life).

Kung hindi nila kikilalanin na ang demolisyon ay terorismo sa maralita, kitang-kita agad natin na sadyang wala tayong maaasahang lakas sa gobyernong ito, na wala tayong maaasahan sa ganitong klase ng lipunan. Kaya ang dapat gawin: Rebolusyon!

Kaya nararapat lamang na ang ating panawagan: Palitan na ang bulok na sistemang kapitalismo ng isang sistemang totoong makatao, ng sistemang kumikilala ng totoong karapatan ng bawat tao, anuman ang kanyang lahi, pinanggalingan o katayuan sa buhay. Huwag na nating payagang maulit pa ang mga pagkamatay na ito!

Ayaw natin ng terorismo, kaya ayaw natin ng demolisyon!

SOBRA NA ANG DEMOLISYON! TAMA NA ANG TERORISMO SA MGA MARALITA! PALITAN NA ANG BULOK NA SISTEMA!

Monday, February 2, 2009

Emergency sa Ospital: Tungkulin o Negosyo?

EMERGENCY SA OSPITAL: TUNGKULIN O NEGOSYO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg. 3, 2005, pahina 6)


Kamatayan. Biglaan kung ito’y dumating sa buhay ng tao. Pumunta ka sa ospital para magpagamot, pero ang bungad sa iyo, “May pandeposito ka ba?” Maraming mga maralita ang namatay sa simpleng sakit, pagkat hindi inaasikaso ng mga doktor hangga’t walang pang-down payment.

Gaya na lang ng nangyari kay Ka Roger Israel, Regional Council of Leader ng KPML-NCRR, at taga-Botong Francisco, Angono, Rizal. Namatay siya noong Oktubre 8, 2005 sa sakit na tuberculosis. (Ito rin ang sakit na ikinamatay ni Pangulong Manuel Quezon noong Agosto 1944.) May mga gamot na para madaling gumaling ang sakit na ito, pero mahal at di kayang bilhin ng mga mahihirap. Ayon kay Benjie Galecio, chairman ng KPML-Angono chapter at kapitbahay ni Israel, anim na ospital ang pinagdalhan sa maysakit, ngunit sila ay pawang tinanggihan dahil walang pera. Si Israel ay itinakbo ng kanyang pamilya at ng kanyang mga kapitbahay sa Angono Hospital , ngunit hindi sila tinanggap dahil wala silang pandeposito. Kaya itinakbo nila ito sa Cogeo Hospital , di rin tinanggap. Sunod ay sa albularyo at doktor sa Hinulugang Taktak sa Antipolo, sunod ay sa Quirino Hospital , sa Unciano Hospital , at huli’y sa Morong Hospital kung saan ito binawian ng buhay. Sa emergency na tulad nito, di madaling makahagilap ng pera. At dahil walang pera, hindi tinanggap ang biktima. Dahil walang pera, hindi nagamot ang maysakit. Dahil walang pera, namatay si Israel ng walang kalaban-laban.

Anong klaseng sistema mayroon tayo? Sumumpa ang mga doktor at nars na gagamutin nila ang maysakit. Pero ang kalakaran ngayon, pandeposito muna bago gamutin ang pasyente.

Ang pamamalakad na ba sa mga ospital ay tulad na rin ng palakad ng mga kapitalista sa pabrika o sa palengke? Mas kailangan ba ng ospital na kumita ng pera at tumubo, imbes na ang pangunahing tungkulin nila’y gamutin ang maysakit?

Kung susuriin nating mabuti, ang ating kalusugan ay may kaugnayan sa lipunang ating ginagalawan. At bilang myembro ng lipunan, dapat tayong makialam. Nais n’yo bang kayo o ang inyong mahal sa buhay ay tanggihang gamutin ng ospital dahil wala kayong perang pandeposito?

Ganito ang kalakaran sa kapitalistang sistema, na pati sa mga ospital ay umiiral na rin. Bibilhin mo ang iyong kalusugan at kaligtasan tulad ng por kilong karne sa palengke! Kung wala kang pera, hindi ka magagamot! Mamamatay ka na lamang ng walang kalaban-laban.

Hindi ganito ang lipunang gusto natin. At sa ilalim ng kapitalistang sistema, hindi makakamit ng maralita ang tunay na serbisyong pangkalusugan. Kung may sapat na serbisyo ang mga ospital, ang simpleng sakit ni Israel , na nagagamot na sa panahong ito dahil sa modernong syensya at teknolohiya, ay baka nasagip pa ang buhay ng ating magiting na kasama. Kung ayaw nating mangyari sa atin ito, sumama tayo, makiisa at kumilos upang palitan ang sistemang ang nakikinabang lamang ay ang mga mayayaman at elitista, at pahirap naman sa mahihirap. Ibagsak ang kapitalistang sistema at itaguyod ang sosyalismo kung saan titiyakin nitong ang lipunan ay para sa kabutihan at pag-unlad ng lahat ng tao.

Sa sosyalismo, ang pagpapagamot sa ospital ay libre dahil ito’y tungkulin at hindi negosyo. Ito ang nais natin. Ito ang dapat pag-isipan, paghandaan at makamtan.

Kung may mga nalalaman pa kayong tulad ng nangyari kay Israel , mangyaring ipagbigay-alam sa amin upang maisadokumento ang mga ganitong kaso. Sa kalaunan, ito’y gagawin nating isang malaking kampanya upang hindi na mangyari ang mga tulad nito. Marami pong salamat.

Walang Nagbago, Kahit Maraming Pagbabago

WALANG NAGBAGO, KAHIT MARAMING PAGBABAGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matagal na nating pangarap ang pagbabago. At alam nating kahit ang mga susunod na henerasyon ay maghahangad nito, lalo na’t nakikita’t nararamdaman nila ang malaking agwat ng mahihirap at mayayaman. Ngunit ang kadalasang lumalaganap lamang sa media ay ang mga pangyayari at balita hinggil sa mga naghaharing uri sa lipunan. Ang mga rigodon ng mga pulitikong imbes na paglilingkod sa sambayanan ang inaatupag ay nakatingin na sa susunod na pambansang eleksyon.

Magsuri tayo. Ito bang mga pulitikong ito ay may nagawa para magkaroon tayo ng moratoryum sa demolisyon? May nagawa ba sila para makakain ng sapat ang ating pamilya sa bawat araw? Ang kanilang ginagawa’y pulos buladas lamang, pangako dito, pangako doon kapag kampanyang elektoral. Nasaan na ang isyu ng maralita kapag sila’y naupo na sa poder? Nasaan?

Sa totoo lang, walang pakialam ang mga maralita sa bangayan ng mga pulitiko, mapa-administrasyon man o mapa-oposisyon. Pagkat ito’y bangayan lamang ng mga naghaharing uri, na ang makikinabang pa rin ay sila-sila. Ang mga mahihirap, nasaan?

Ang pakialam ng maralita ay kung papaano babaguhin ang kanilang kalagayan, paano makakaahon sa kinasasadlakang kahirapan, at kung paano wawasakin ang sistemang mapagsamantala sa lipunan – ang lipunang kapitalismo.

Sadyang napakabilis ng pagbabago sa lipunan, pero wala pa rin talagang nagbago sa lipunan. Napakabilis dahil mabilis ang pag-abante ng teknolohiya. Wala pang isang dekada ang nakalilipas nang mauso ang pager. Ngayon ay cellphone na, at marami pa ang naiimbento para sa kaunlaran (daw) ng lahat pero hindi naman kaya ng bulsa ng mga mahihirap.

Pero wala pa rin talagang nagbago sa lipunan, dahil hanggang ngayon, hindi pa rin pantay-pantay ang kalagayan ng tao sa lipunan. Patuloy pa ring yumayaman ang mga mayayaman, habang lalong naghihirap ang mga mahihirap. Nasaan ang pagbabago? Nasaan na itong pagbabagong matagal nang inaasam nating mga mahihirap?

Ang nais nating pagbabago ay ang tunay na pagbabago ng sistema ng lipunan, hindi pagbabago lamang ng sistema sa gobyerno. Hindi lamang relyebo ng mga namumuno ang ating pangarap, kundi pagpawi mismo ng mga uri sa lipunan upang maging maayos at pantay-pantay ang kalakaran at ang ating kalagayan. Kailangang pantay ang distribusyon ng yaman sa lipunan. Kailangang pawiin ang pagmamay-ari ng iilan sa mga kagamitan sa poduksyon – na ginagamit sa pagsasamantala sa kasalukuyang lipunan.

Malupit ang sistemang kapitalismo. Napakalupit. At tama lamang na pangarapin natin ang isang lipunang makatao upang ang lahat naman ay makinabang. Kung mapapalitan ang sistema ng lipunan at ang mga maralita’t manggagawa ang mapupunta sa poder, tiyakin nating ang hustisya ay para sa lahat, dahil ito mismo ang prinsipyo ng sosyalismo.

At makakamit natin ito, hindi sa patunga-tunganga, kundi sa ating aktibo at tuluy-tuloy na pagkilos upang abutin ang ating pangarap. Kilos na, kaibigan. Ngayon!

Panitikang Sosyalista sa Pilipinas

PANITIKANG SOSYALISTA SA PILIPINAS
ni Greg Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 13, Pebrero 2004, pahina 7

Ang artikulong ito'y isang panimula sa isang malaliman at mahabang pag-aaral, pananaliksik at pagtalakay sa pag-usbong ng panitikang sosyalista sa Pilipinas. Marami pang mga dapat saliksikin at basahing mga panitikang sosyalista na gumiya at nagmulat sa mga manggagawa.

Mahalaga, hindi lamang noon, kundi magpahanggang ngayon, ang pag-aralan ang panitikan, dahil ito'y repleksyon ng umiiral na sistema at kultura ng panahong isinulat iyon. Ang panitikan ay nagsilbing daluyan ng pagmumulat at isa sa mga epektibong paraan ng pagkokomento sa lipunan at pagpoprotesta laban sa inhustisya. Ang ilan sa mga panitikang ito'y epiko, korido, tula, dula, pabula, parabula, kwentong bayan, at awit.

Ang kauna-unahang nobelang sosyalista sa Pilipinas ay ang Banaag at Sikat na sinulat ni Lope K. Santos, isang manunulat at lider ng Union del Trabajo de Filipinas (UTF). Dalawang taon itong sinerye sa arawang pahayagang Muling Pagsilang noong 1905, kung saan nakatulong ito sa pagmumulat ng mga manggagawa. Nalathala ito bilang isang aklat noong 1906.

Ayon sa manunulat na si Alfredo Saulo, "Si Crisanto Evangelista noo'y isang lider ng unyon sa planta ng Kawanihan ng Palimbagan, ay walang dudang naakit ng nobela ni Santos at nasimsim ang damdaming maka-sosyalista ng Banaag at Sikat." Si Evangelista ang nagtayo ng Union de Impresores de Filipinas noong 1906, at isa sa nagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 1930.

Idinagdag pa ni Saulo na ang Banaag at Sikat ay "isang matibay na pagpapatunay na ang ideyang sosyalismo o komunismo ay matagal nang 'kumalat' sa Pilipinas bago dumating dito ang mga ahenteng Komunista na galing sa Amerika at Indonesya, at nagpapabulaan din sa sabi-sabi na ang mga dayuhan ang nag-umpisa ng Komunismo sa Pilipinas." Tinutukoy ni Saulo rito ang mga banyagang komunistang sina William Janequette ng Amerika at si Tan Malaka ng Indonesya na dumating sa bansa noong 1930s.

Isa pang popular na nobelang naglalarawan ng tunggalian ng kapital at ng paggawa ay ang nobelang Pinaglahuan (1907) ni Faustino Aguilar. Tinukoy sa nobela na ang mga bagong kaaway ng manggagawa ay ang alyansa ng mga Amerikanong kapitalista at ng mga mayayamang Pilipinong kolaborator. Ang aklat na ito'y muling inilathala ng Ateneo Press sa kulay pulang pabalat noong 1986 at ikalawang paglilimbag noong 2003.

Ang isa pa ay ang nobelang Bulalakaw ng Pag-asa na sinulat ni Ismael A. Amado na nalimbag noong 1909 kung saan tinalakay sa istorya na iisa lamang ang nakikitang lunas sa kadilimang bumabalot sa lipunan, at ito'y rebolusyon. Muli itong inilimbag ng University of the Philippines Press noong 1991 sa kulay itim na pabalat.

isinulat naman ni Aurelio Tolentino ang dulang Bagong Kristo (1907), kung saan naglalarawan ito ng tunggalian ng mayayaman, gubyerno at simbahan laban sa mga manggagawa. Masasabing ito ang naghawan ng landas upang maisulat ni Lino Gopez Dizon ang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng mga Manggagawa) na lumaganap sa Pampanga noong 1936 at pumalit sa tradisyunal na pasyon. Dito, ang manggagawa ang bagong Kristong nagpapasan ng kurus ng kahirapan na naghahanap ng katarungan sa lipunan.

Kakikitaan naman ng mga sosyalistang adhikain ang mga nobelang Luha ng Buwaya (1962) at Mga Ibong Mandaragit (1969) ng national artist na si Gat Amado V. Hernandez.

Nauna rito, nariyan din ang panitikang Katipunero na sinulat nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto. Sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1896) ni Virgilio S. Almario, may siyam na sulatin si Bonifacio (1 tulang Kastila, 5 tulang Tagalog, 1 dekalogo, 2 sanaysay) habang si Jacinto naman ay may anim na akda at isang koleksyon (2 pahayag, 1 tulang Kastila, 1 maikling kwento, 2 sanaysay, at ang koleksyong "Liwanag at Dilim" na may 7 sanaysay). Bagamat hindi direktang litaw sa mga akdang Katipunero ang kaisipang sosyalista, mababanaag naman dito ang sinapupunan ng sosyalistang literatura.

Naputol ang ganitong mga akdang sosyalista nang lumaganap ang mga nasyonalistang panitikan matapos ang digmaan laban sa Hapon, noong diktaduryang Marcos, hanggang sa ngayon. Katunayan, bihira nang makakita ng mga panitikang sosyalista pagkat ang laganap ngayon sa mga tindahan ng aklat ay mga makabayang panitikan at iba't ibang pocketbooks na tumatalakay sa pag-ibig, katatakutan, aksyon, atbp. Ngunit ang mga panitikang seryosong tumatalakay sa tunggalian ng uri sa lipunan ay bihira. Nalalagay lamang ang mga ito sa mga aklat-pangkasaysayan at aklat-pampulitika na ang karaniwang nagbabasa ay mga intelektwal, at hindi ang masa. Gayong dapat na ang masa ang pangunahing magbasa ng mga ito para sa paglaya mula sa kahirapan at para sa pagnanasa nilang pagbabago sa lipunan.

Kailangan ng mga bagong panitikang sosyalista sa panahong ito. At ito ang hamon sa mga manunulat ngayon: angipagpatuloy ang pagpapalaganap ng mga sosyalistang panitikan na magsisilbing giya sa mga kabataan at manggagawa ng susunod na henerasyon.

Pulang Pasyon (Pasyon ng mga Manggagawa)

Pulang Pasyon (Pasyon ng mga Manggagawa)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Pahayagang Obrero, Marso 2004, pahina 7)


Isa sa pinakamahalagang ambag sa paglaganap ng sosyalismo sa Pilipinas ang Pasion ding Talapagobra (Pasyon ng mga Manggagawa) na sinulat ni Lino Gopez Dizon noong 1936. Tinatawag din itong Pulang Pasyon dahil sa paglalantad nito ng mga katiwalian sa lipunan at panawagang baguhin ang bulok na sistemang kapitalismo. Tulad ng orihinal na pasyon, ang Pulang Pasyon ay nasa anyong dalit (tulang may walong pantig bawat taludtod) at may limang taludtod bawat saknong. Nasusulat ito sa Kapampangan, merong 794 na saknong (3,970 taludtod) at binubuo ng tatlumpung kabanata. Umaabot ito ng 108 pahina kung saan ang orihinal na bersyong Kapampangan ay may katapat na salin sa Tagalog. Sa haba nito, halos dalawang araw itong inaawit sa Pabasa pag mahal na araw. Sa Pulang Pasyon, ang manggagawa ang bagong Kristong nagpapasan ng krus ng kahirapan, na nananawagan ng pagkakaisa ng uring manggagawa at pagbabalikwas laban sa kapitalismo.

Lumaganap ang Pulang Pasyon sa maraming bahagi ng Pampanga noong 1930s at pumalit sa tradisyunal na pasyon. Hanggang sa ang pagbasa nito’y ipinagbawal at sinumang may hawak nito’y pinagbantaang darakpin at ikukulong. Kaya ang iba’y ibinaon sa lupa ang kanilang mga kopya. Ngunit may ilang liblib na baryo sa Pampanga ang binabasa pa rin hanggang ngayon ang ilang bahagi ng Pulang Pasyon tuwing mahal na araw. Nasulat ang Pulang Pasyon sa panahong umiiral pa ang Partido Socialista ng Pilipinas (PSP) bago pa nagsanib ang PSP at Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Makikita sa Pulang Pasyon ang pagsasanib ng dalawang pananaw: ang Kristyanismo at ang Sosyalismo. May katwiran ang ganito pagkat sa matagal na panahon sa kasaysayan ng Pilipinas, ginamit ng mayayaman, gubyerno at simbahan ang Kristyanismo bilang instrumento ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga maliliit, laluna sa mga manggagawa't dukha.

Ayon nga sa isang lider-rebolusyonaryo, "Kung tatanggalin sa Bibliya ang tabing ng mistisismo na pinambalot dito ng Simbahan, matutuklasan mo ang maraming ideya ng Sosyalismo."

Bagamat hindi hinggil kay Kristo ang Pulang Pasyon, naroon siya sa introduksyon kung saan tinalakay ang kalbaryo ng mga naghihirap na "talapagobra" o manggagawa. Katunayan, ang pamagat ng Kabanata I ay “Si Kristo ay Sosyalista”, ang Kabanata IV naman ay “Laban kay Hesukristo ang Pamahalaang Kapitalista”. Ang Pulang Pasyon, bilang isa ring malalimang pagsusuri sa sistemang kapitalismo, ay nagpapaliwanag na ang mga nangyayaring kaguluhan sa lipunan ay di gawa-gawa ng mga "leptis" (makakaliwa) kundi bunga ng pang-aapi't pagsasamantala.

Mahigpit ding tinuligsa ng Pulang Pasyon ang gobyerno’t simbahan, pagkat bukod sa pagkampi sa mayayaman, sila rin ang nagdulot ng matinding kahirapan sa mga gumagawa ng yaman ng lipunan. Patunay ang Kabanata VI – “Ang Papa, Kalaban ang Mahihirap” at Kabanata XIII – “Ang mga Kura at Pari ang Nagpapatay sa mga Bayani ng Pilipinas”.

Makikita ang prinsipyong sosyalista sa bawat kabanata ng Pulang Pasyon, tulad ng apoy ng himagsik laban sa bulok na sistema, tunggalian ng uri, at ang tungkulin ng manggagawa bilang sepulturero ng kapitalismo. Tunghayan natin ang ilan sa mga pamagat ng bawat kabanata: Kabanata X – “Ang Kapitalismo ang Pinagbuhatan ng Gutom, Gulo at Patayan”; Kabanata XV – “Ang Kaligtasan ng Manggagawa Galing Din sa Kanila”; Kabanata XXI – “Sino ang Nagpapasilang ng Rebolusyon?”; Kabanata XXVI – “Karamihan sa mga Dukha Di Namamatay sa Sakit – Namamatay sa Kahirapan”; Kabanata XXVII – “Di Hamak na Mahalaga ang Kalabaw Kaysa Kapitalistang Nabubuhay sa Hindi Niya Pinagpawisan”; at Kabanata XXVIII – “Hindi Tamad ang mga Manggagawa”.

Halina’t ating basahin ang ilang saknong sa Pulang Pasyon.

Saknong 14 – Hinggil sa pagtanghal kay Kristo bilang sosyalista:

Manibat king pungul ya pa
Mibait at meragul ya
Anga iniang camate na,
Iting guinu mekilala
Talaga yang socialista.
(Mula nang sanggol pa
Pinanganak at lumaki siya
Hanggang sa mamatay na
Panginoo’y nakilala
Tunay siyang sosyalista.)


Saknong 243 – Hinggil sa tunggalian ng uri at rebolusyon:

Ngening ilang panibatan
Ning danup ampon caguluan
Calulu mipacde tangan
Isaldac la ring mayaman
Itang talan cayupapan.
(Kung sila ang pinagbuhatan
Ng kagutuman at kaguluhan
Gumising tayo mahihirap,
Ibagsak ang mayayaman
Hawakan natin ang kapangyarihan.)


Saknong 514 – Kung saan napunta ang bunga ng paggawa:

Sasabian ding socialista
Ing angang bunga ning obra
King capital metipun na,
Gabun, cabiayan, at cualta
Kimcam ding capitalista.
(Sinasabi ng mga sosyalista
Lahat ng bunga ng paggawa
Naipon na sa kapital,
Lupa, kabuhayan at pera
Kinamkam ng mga kapitalista.)


Saknong 534 – Hinggil sa kabulukan ng sistema ng lipunan:

Uling ing kecong sistema
Sistema capitalista
Pete yu ing democracia
Ing malda mecalinguan ya
Mi-favor la ring macualta.
(Dahil ang inyong sistema
Sistemang kapitalista
Pinatay n’yo ang demokrasya
Kinalimutan ang madla
Pumabor sa makwarta.)


Saknong 791 – Panawagan sa manggagawa bilang uri:

Ibangan taya ing uri
Sicmal da ding masalapi
A ligmuc da king pusali
Alang-alang caring bini
Caring anac tang tutuki.
(Ibangon natin ang uri
Na sinakmal ng mga masalapi
At inilugmok sa pusali
Alang-alang sa mga binhi
Sa mga anak nating darating.)


Ang Pulang Pasyon ay muling inilathala ng University of the Philippines Press sa aklat na “Mga Tinig Mula sa Ibaba” (Kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Socialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955) ni Teresita Gimenez Maceda.

Itaboy ang Kahirapan, Hindi ang Mahihirap

ITABOY ANG KAHIRAPAN, HINDI ANG MAHIHIRAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Taliba ng Maralita, Oktubre-Disyembre 2003)


Ayon sa gobyerno, kailangang labanan ang kahirapan. Pero ang solusyon nila para labanan ang kahirapan ay itaboy ang mga mahihirap. Ang pananaw na ito ng gobyerno, pati na rin ng mga kapitalista at naghaharing iilan sa lipunan, ay makikita sa sumusunod na kwentong bayan:

“Bibisita ang isang hari sa probinsyang kanyang nasasakupan, at ipinabatid niya ito sa mga namumuno sa bayang yaon. Dahil dito, naghanda ang gobernador ng lalawigan at inatasan ang lahat ng kanyang mga kabig na kailangang matuwa ang hari sa pagdalaw nito sa kanilang bayan. Ngunit sa dadaanan ng hari ay may mga barung-barong na pawang mga mahihirap ang nangakatira. Hindi nila maitaboy agad-agad ang mga tao dahil tiyak na lalaban ang mga ito. Kaya ang ginawa ng gobernador ay pinatayuan ang paligid nito ng mahabang pader upang sa pagdaan ng hari, ay hindi nito makita ang karumal-dumal na kalagayan ng mga mahihirap.”

Hindi ko maalala kung saan ko nabasa ang kwentong ito, pero ang aral ng kwentong ito’y nahalukay ko pa sa aking memorya. Sa esensya, karima-rimarim sa mga mata ng naghaharing uri sa lipunan ang mga mahihirap dahil ang mga ito’y “nanlilimahid, mababaho, mga patay-gutom at mababang uri”. Kaya nararapat lamang na ang mga mahihirap na ito’y itago sa mata ng hari, at palayasin o itaboy na parang mga daga sa malalayong lugar.

Kaya naman pala patuloy ang demolisyon sa panahong ito. Demolisyon ng barung-barong ng mga mahihirap dahil sila’y masakit sa mata ng gobyerno’t kapitalista. Demolisyong ang pinag-uusapan lamang ay maitaboy sa malalayong lugar ang mga mahihirap. Demolisyong hindi pinag-uusapan ang kahihinatnan ng mga mahihirap sa lugar ng relokasyon at pagkalayo nila sa lugar ng kanilang hanapbuhay.

Kung ganoon, para sa gobyerno’t kapitalista, para labanan ang kahirapan, itaboy ang mahihirap. Ito ang esensya ng demolisyon.

Pero para sa mahihirap, para labanan ang kahirapan, itaboy ang nagpapahirap. Ito ang esensya ng rebolusyon.

Teka, hindi pa tapos ang kwento: “Nang dumating ang hari sa bayang nasabi, ipinagbunyi siya ng mga tao at nakita ang kaayusan at kaunlaran ng lugar. Kaya ang sabi ng hari ay gagantimpalaan niya ang gobernador dahil sa malaking nagawa niya sa lalawigan. Sa pag-uwi ng hari mula sa maghapong pagdalaw sa probinsya, napansin niya ang mahabang pader na agarang ipinatayo ng gobernador. Hiniling niyang makita ang nasa kabila nito. Walang nagawa ang gobernador. Dito’y agad nakita ng hari ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga nakatirang mahihirap sa kabila ng pader. Itinatago pala ng gobernador ang tunay na kalagayan ng lalawigan. Bumaba ang hari’t nakitang maraming namamayat at ang iba’y halos mamatay sa gutom, marami ang nagkakasakit at walang nag-aasikaso. Dahil dito, binawi ng hari ang gantimpalang sana’y ibibigay niya sa gobrnador.”

Sa pinakasimple, para itaboy ang kahirapan, dapat resolbahin ito ng pamahalaan pagkat sila ang namumuno at nasa poder ng kapangyarihan. Hindi nararapat na basta na lamang itaboy ang mahihirap pagkat sila’y biktima lamang ng kahirapan, biktima ng bulok na sistemang nag-anak sa kahirapang kanilang nararanasan. Walang silbi ang isang gobyernong hindi kayang lutasin ang problema ng kanyang mga nasasakupan. Dahil doon, nararapat lamang silang mawala sa poder.

Holidays sa Pilipinas, Kontrolado na ba ng US?

HOLIDAYS SA PILIPINAS, KONTROLADO NA BA NG US?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit karaniwan ng mga holidays o mga araw na ipinagdiriwang sa bansa ay mula sa pagkatalo, o may bahid ng pagkatalo? Suriin na lamang natin ang mga holidays sa kalendaryo?

Ang Abril 9 na itinuturing na Araw ng Kagitingan, sa orihinal ay pagbagsak ng Bataan , ang Disyembre 30 ay pagbagsak ni Rizal sa Bagumbayan. Kahit na ang sinasabing “Araw ng Kalayaan” tuwing Hulyo 12 ay may bahid ng “pagkatalo” dahil ang Acta de Independencia (Act of Independence) na pinirmahan ni Generalissimo Emilio Aguinaldo bilang pangulo at diktador, ay nagsasabing ang Pilipinas ay protectorate (ibig sabihin ay colonial state) ng bansang Amerika, kung saan nakasulat na ang Pilipinas ay “under the mighty and humane American nation”. Ibig sabihin, hindi talaga lumaya ang Pilipinas sa “Araw ng Kalayaan”. Pati ba mga holidays ay kontrolado na rin ng US , kung paanong kontrolado rin nila ang mga nagiging pangulo ng Pilipinas?

Gayunpaman, may tatlong holiday sa Pilipinas na kinikilalang makasaysayan at mga panalo ng masa, pero halatang ayaw kilalanin ng mga makapangyarihan sa gobyerno. Una, ang Mayo Uno ay kinikilala ng mga manggagawa bilang kanilang araw. Ang araw na ito’y kinilala sa buong mundo dahil sa pagkamatay ng ilang manggagawa sa Haymarket Square sa Chicago sa Amerika, na naging dahilan upang maipanalo ang walong-oras na paggawa mula sa 14-16 na oras. Ito’y kinilala rin ng mga manggagawa sa Pilipinas noong 1913, bagamat hindi ito kinikilala sa US . Ikalawa, ang Agosto 28, ang araw nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang mga sedula, ay kapuri-puring ginawang National Heroes Day, ngunit hindi itinuring na siyang araw ng pagkasilang ng bansa, ayon sa panawagan ng mga mapagpalayang historyan. Ikatlo, di tulad ng pagkamatay nina Jose Rizal at Ninoy Aquino, itinaon naman sa kanyang kapanganakan ang araw ng dakilang manggagawang si Gat Andres Bonifacio, kung saan kinilala ito ng Senado dahil sa naipasang Panukalang Batas 138 ni Senador Lope K. Santos. Pero magandang malaman na may konsensya naman ang nagtakda ng araw ni Bonifacio, pagkat hindi Mayo 10 ang ginawang araw niya pagkat ang araw na ito’y pagkapaslang sa kanya. Ang manggagawang si Bonifacio, kasama ang kapatid niyang si Procopio, na bihag ng mga tauhan ni Aguinaldo, ay nakagapos nang paslangin ni Major Lazaro Macapagal sa Mount Buntis, Maragondon, Cavite noong Mayo 10, 1897.

Sa kasalukuyang panahon, ginugunita ng marami ang Edsa Uno (Pebrero 25, 1986), dahil sa rali ng milyong tao na nagpalayas kay dating Pangulong Marcos at pagkakaroon ng panibagong gobyerno, habang ang Edsa Dos (Enero 20, 2001) naman ang nagpalayas kay dating pangulong Estrada. Ang dalawang ito’y hindi na ipinagdiriwang ng masa, dahil sa pananaw na ang mga tagumpay na ito ng masa ay inagaw ng mga elitista at ng mga naghaharing uri sa Pilipinas. Sa gitna ng Edsa Uno at Dos, may isang makasaysayang pangyayari na hindi nabibigyang-pansin, at tila nais ng gobyernong mabura na sa isipan ng tao. Ito ang pagpapatalsik sa mga base militar ng Kano (Setyembre 16, 1991).

Bakit mahalaga na gunitain ng kasalukuyang henerasyon ang pagpapatalsik sa mga base militar ng Kano , at ang panawagang gawin din itong holiday? Dahil isa ito sa makasaysayang ipinaglaban ng maraming aktibista. Hindi dapat malimot na sa pamamagitan ng pagkilos ng maraming Pilipino ay napalayas sa bansa ang mga base militar ng Amerika, na pangunahing tagapaglako ng salot na globalisasyon at imperyalismo.

Sa ngayon, hindi ito nabibigyang-pansin dahil walang naggigiit. Igiit natin na kilalanin ang panalong ito ng masa. Maaaring masimulan ang pagkilala rito sa pamamagitan ng pagla-lobby natin sa mga kongresista't senador upang mag-file sila ng bill na kumikilala sa araw na ito. Tiyak na malaki ang epekto nito sa relasyon ng US at RP, kaya’t lalong mabubulgar sa henerasyon ngayon ang papel ng US sa kalakaran ng maraming bansang sinasakop at pinapasok nito.

Panahon nang dalhing muli sa lansangan, at lalo na sa Kongreso ang umaalingawngaw na sigaw ng uring manggagawa mahigit isandaang taon na ang nakararaan, nang magrali sa harap ng palasyo ng MalacaƱang noong Mayo 1, 1903 ang 100,000 manggagawang kasapi ng Union Obrero Democratico de Filipinas: “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Gubyernong Ataul

GUBYERNONG ATAUL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Masdan mo ang ataul. Napakakintab. Kumikinang sa bawat silaw ng liwanag. Ngunit alam natin kung bakit may ataul, at ano ang nakasilid dito.

Ataul. Napakakinang ng labas ngunit nabubulok ang loob nito. Inuuod pagkat ang nakasilid dito'y nilalang na matagal nang napugto ang naghingalong hininga. Nilalang na hindi na muling mapagmamasdan ang kalikasang binaboy ng tao, ni mapakinggan ang mga panaghoy ng mga api. Ataul na nagbigay ng katahimikan sa dating pagal na katawan.

Ngunit nang nabubuhay pa ang nilalang na nahimlay sa ataul na ito, tiyak na napagmasid niya na ang gobyernong dati niyang kinabibilangan ay tila din isang ataul. Ang gobyernong napapalamutian ng naggagandahang mga pangako, papuri at pag-asa para sa mga maralitang naghihirap tuwing eleksyon, ngunit bulok at inuuod ang pamunuan dahil sariling interes lamang ang karaniwang iniisip. Nakakalimutan na ang mga ipinangako sa mga naghihirap niyang mamamayan.

Napakaraming magagandang pangako ang namutawi sa mga pulitikong sumumpang maglilingkod sa sambayanan. Mga pangakong gagawin ang ganito at ganoon para sa ikagiginhawa ng buhay ng mga naghihirap. Mga pangakong tutuparin umano nila kapag sila'y inihalal ng taumbayan. Kung ang intensyon nila sa bawat pangakong namumutawi sa kanilang bibig habang nangangampanya para sa darating na halalan ay makakuha ng mga boto, sana'y ang intensyon din ay hindi lamang hanggang sa araw ng botohan, kundi makatapos manumpa, ay gampanan ng mahusay ang mga tungkuling nakaatang sa kanilang balikat, at tuparin ang anumang ipinangako nila sa mga mahihirap hanggang sa matapos ang kanilang termino.

Ngunit kadalasan, ang bawat pangako'y tila laway lamang na tumilamsik at natuyo at naglaho. Madalas na sila'y nakalilimot sa kanilang mga ipinangako noong panahon ng kampanya. Nakakaligtaan na nila ang mga taong kanilang pinaasa. Nakakalimutan na rin nila na sila'y nakipag-usap at nangako sa mga tao sa isang pamayanang kanilang pinagkampanyahan. O baka naman ito'y sadyang kinakalimutan dahil tapos na naman ang halalan at sila'y nanalo na at naupo na sa pwestong kanilang pinakaaasam-asam.

Napakasakit lumatay ng mga pangakong ipinako. Nanunuot sa kalamnan. Lalo na sa maraming taong umasa at naghalal sa kanila. Ang bawat pangako'y tila isang laro na lamang ng mga pulitikong maykayang gastusan ang kanilang kampanya. Ang inakalang ginintuang mga pangako ay naging tanso ng mga walang buhay na mga salita. Sana'y hindi na lamang sila nangako.

At hindi lamang pangako, kundi ang mismong namamahala ay inuuod sa kabulukan. Ito'y dahil na rin sa katusuhan ng mga namumuhunan na ang nasasaisip ay kung paano babaratin ang lakas-paggawa ng mga obrero, at hindi pagbabayad ng tamang halaga ng lakas-paggawa. O kung paano aagawin ang mga lupang kinatitirikan ng bahay ng mga mahihirap at ipapangalan sa kanilang mga sarili. o di kaya'y kung paano sila kikita sa kanilang pailalim na transaksyon. Ang nasasaisip na ba ng mga pulitiko ngayon ay mas madali silang yayaman sa gobyerno kaysa sila'y magnegosyo? Imbes na maglingkod ng tunay sa taumbayang kanilang pinangakuan?

Ang mga salaping nakalaan para sa serbisyo ay naipambabayad pa sa utang panlabas na hindi naman napapakinabangan ng taumbayan. Ang mga salaping dapat ay nakalaan na para sa edukasyon, kalusugan, atbp., ay napupunta sa ibang gugulin, tulad ng pamasahe ng iba't ibang mga pulitikong nangingibang-bansa upang manood lamang ang laban ng kababayang boksingero, o di kaya'y magliwaliw.

Halos ang mga nahahalal na pulitiko'y pulos nasa hanay ng mga mayayaman, mga pulitikong may-ari ng mga malalaki at maliliit na kumpanyang hindi nagbabayad ng tamang halaga ng lakas-paggawa. Mga pulitikong ang tingin sa maralita ay marurumi, mababaho at magnanakaw, gayong ang kadalasang napapabalitang nagbabalik ng mga malalaking salaping naiiwan sa airport, taxi, mall, at maging sa barangay ay pawang mga mahihirap. Wala pa akong narinig na mayamang nagsoli ng perang hindi kanya.

Kadalasan din, patong-patong ang buwis na ipinapataw sa naghihirap na mamamayan, habang ang mga malalaking kapitalista'y lagi silang nalulusutan. Kahit na sa sistema ng hustisya sa bansa, ang mga mahihirap ay agad na nakukulong sa pagnakaw ng isang tinapay dahil sa gutom, pero hindi agad maikulong ang mga nasa gobyernong nagnanakaw ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng bayan.

Anong klaseng gobyerno ito na ang mga nahahalal upang maglingkod sa taumbayan ay sila pang nagsasamantala sa bayan? Ito ba'y kusang nangyayari sa mga nahahalal? O ito'y dulot na rin ng inuuod na sistema ng pamahalaan? Kung ito'y kusang nangyayari sa mga hinalal, ibig sabihin ay sadyang bulok ang sistemang umiiral pagkat nilalamon nito ang mga nilalang na pumapaloob dito. Sa madaling sabi'y sadyang walang mapapala sa ganitong uri ng gobyerno, sa ganitong uri ng sistemang inuuod sa kaibuturan. Ang mga pumapaloob dito'y tila pumapaloob sa kulungan ng mga baboy.

At kung inuuod na ang gobyerno gaya ng nasa loob ng ataul, dapat lang itong ihatid na sa huling hantungan. At ibaon sa kailaliman ng lupa upang di na ganap na mangamoy pa ang baho nito.

Tulad ng maraming inilibing na, ang inuuod na sistemang hindi karapat-dapat mahalin at gunitain ay dapat na ring kalimutan. Ang hindi lamang makalilimot dito'y ang ilang mga nilalang na nakinabang ng husto at kumapal ang bulsa. Sa ganap na pagkalibing ng bulok na sistema'y tiyak na may panibagong sisibol na kaiba kaysa sa inilibing. Ang bagong sibol na ito'y may dalang pag-asa dahil ito'y magiging totoong makatao, makatarungan, at may pagkakapantay-pantay.

At dito sa bagong sistema, titiyakin natin ang ganap na pagiging marangal nito, kung saan ang ating mga pinapangarap na pagbabago ay tuluyang mabubuo at ang kaunlaran ng lipunan ay mattamasa ng lahat ng walang pag-iimbot.

Oo, panahon na para ilibing ang inuuod na sistema lalo na ang bulok na gobyernong inanak at aanakin pa nito.

Demolisyon sa New York at Washington

DEMOLISYON SA NEW YORK AT WASHINGTON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala bilang Editoryal sa pahayagang Taliba ng Maralita, Hulyo-Setyembre 2001, p.5-6



Payapa at maaliwalas ang umagang iyon. Karaniwang naghahanda ang mga empleyado sa pagpasok sa kanilang trabaho, bagamat marami na rin ang maagang nagsipasok. Ilang mga pasahero naman sa mga paliparan ang naghihintay ng paglipad ng kanilang sinasakyan upang tumungo sa kanilang destinasyon. Walang kamalay-malay ang mga taong iyon sa kanilang malagim na sasapitin. At para sa mga nagmamahal sa kanila, ang araw na iyon ay mananatili nang nakaukit sa kanilang isipan.

Setyembre 11, 2001. Mula sa mga na-hu-jack na eroplano, inatake ng mga terorista ang mga sumbolo ng kapangyarihang pang-ekonomya at militar ng Estados Unidos. Marami ang nabigla at agad nagresponde sa masasabing pinakamalagim na trahedyang nangyari sa kasaysayan ng Amerika. Marami ang lumuha lalo na ang mga kamag-anakan ng mga nabiktima, lalo na nang tuluyang gumuho ang kambal na gusali ng World Trade Center sa New York at isang bahagi ng Pentagon sa Washington D.C. Sa tindi ng teknolohiya ng US, at may plano pa silang gumawa ng missile shield laban sa mga armas ng kalabang bansa, hindi inakala ng mga Kano na sila'y malulusutan. Nabigla sila dahil nakita ang kanilang pagiging bulnerable, pagkat halos lahat ng gyerang kinasangkutan ng US ay sa labas ng kanilang bansa.

Ang nangyaring terorismo sa Amerika ay walang kaparis sa kasaysayan. Kahit ang Nazu Germany ni Hitler at ang Unyong Sobyet ay hindi nagawa ang matinding pag-atakeng ito sa mismong lupain ng mga Kano. Ang nangyaring paglusob ng bansang Japan sa Pearl Harbor sa Hawaii nuong Disyembre 1941 ang masasabing tanging pag-atake sa US, bagamat hindi sa mismong sentro nito.

Dahil sa mga pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan, taos-pusong nakikiramay ang mga maralitang lungsod sa mga pamilya ng mga biktima ng trahedyang ito. Bagamat kami'y nakikiisa, hindi naman kami umaayon sa inilulunsad na giyera ng US laban sa Afghanistan, pagkat wala pang ebidensyang makapagpapatunay kung sino ang tunay na may kagagawan. Sa nangyaring trahedya, ang tanong: Bakit Amerika?

Ang World Trade Center ay sumisimbolo ng kapangyarihang pang-ekonomya ng Estados Unidos at ng dominasyon nito sa ekonomya ng mundo. Ang Pentagon naman ay sumisimbolo ng kanilang kapangyarihang militar. Ang mga simbolo ng kapangyarihang ito ang tinarget mismo ng mga tinatawag na "terorista" upang iparamdam sa Amerika ang kanilang galit sa pagiging pakialamero nito sa mga polisiya ng ibang bansa. Na hindi dapat makialam ang US sa pulitika, sosyo-ekonomika at kultura ng ibang maliliit na bansa. Matatandaang ang US ang numero unong bansang imperyalista, kung saan ang kanyang foreign policy ay ipinipilit niyang sundin ng ibang maliliitn a bansa.

Hindi nagsimula ang trahedyang ito noong Setyembre 11, bagkus ito'y kulminasyon na lamang ng mga atrosidad ng US sa mga maliliit na bansa. Hindi rin simpleng inatake ang US ng kanilang kalaban pagkat planado ang pag-atake. Nag-aral pa umano ang mga piloto sa mismong mga paaralan sa US upang maisagawa lamang ang mga suicide attacks na ito. Pero bakit binahuran ng dugo ang lupang tinatawag na bansang malaya (land of the free) at bakit ganoon na lang katindi ang galit nila sa US?

Ang Amerika ay isang sagad-sagaring imperyalistang bansa. Ibig sabihin, ang kanyang polisiya o awtoridad ay pinipilit niyang ipasunod sa mas maliit na bansa, lalo na sa mga bansang kanyang ginawang kolonya. Imperyalista pagkat isang imperyo ang kanilang adhikain. Dahil sa imperyalismo, maraming bansa ang nagiging sunud-sunuran sa US at ang ayaw sumunod ay karaniwang pinapatawan ng economic embargo. Dahil sa pananakop na ito ng US at pakikialam nito sa mga panloob na polisiya ng ibang bansa, marami ang totoong nagalit sa US.

Ang pagiging imperyalista ng US ay halos nagsimula noong digmaang Kastila-Amerikano, 1898. Ayon sa ilang historyador, para lamang maumpisahan ang giyera ng Amerika laban sa mga Kastila, pinalubog nito ang sariling barkong pandigma, ang USS Maine, ibinintang sa mga Kastila at ito ang nagsilbing dahilan para lusubin nila ang mga Kastila. Ilan sa mga kolonya ng Kastila ang kinuha ng US, gaya ng Puerto Rico sa Caribbean, at protectorate (colonial state) sa Cuba. Sinakop na rin ng US ang Guam, at kaalinsabay nito'y ibinagsak na rin nila ang kaharian sa isla ng Hawaii at tuluyan itong sinakop. Sa Pasipiko naman, binili ng US ang Pilipinas sa EspaƱa sa halagang $20,000,000.00. Ang rebelyon sa Panama nuong 1903 ay kagagawan din ng US at dito'y nahati ang bansa sa Colombia at Panama.

Ang US ang siyang masasabing nanalo sa giyera noong World War I dahil bagamat kakampi niya ang Britanya at Pransya, grabe naman ang pagkalumpo ng mga pwersa nito. Bagamat ang impeyalistang Alemanya ay nagpalakas upang masakop ang buong Europa para sa sarili nitong interes, ang imperyalistang Estados Unidos naman ay nagpalakas din para masakop naman ang buong mundo.

Simula ng matapos ang World War II, lalong lumakas ang pwersa ng Amerika. Ang kanilang bansa ang tanging hindi nawasak ng giyera, di tulad ng kanyang mga katunggali na talagang napulbos ng digmaan, gaya ng bansang Alemanya, Unyong Sobyet at Japan. Kitang-kita ang superyoridad ng Estados Unidos sa kanyang mga karibal na kapitalista ring bansa.

Nang matatag ang bansang Israel bilang tahanan ng mga Hudyo, nataboy sa sariling lupain ang mga Palestino. At isa sa sinisisi ng mga Palestino ay ang US. Dahil sa pagkawala ng sagradong lupain ng mga Muslim sa kamay ng mga Hudyo, nagkaroon ng malaking galit ang mga Palestino pati na mga bansang Arabo, sa Amerika, lalo na sa patuloy na pagsuporta ng US sa Israel.

Nuong panahon ng Cold War - kung saan ang magkatunggali ay ang US at ang Unyong Sobyet - pinangunahan ng "US-led free world" ang pakikitunggali nito laban sa Unyong Sobyet, Tsina at mga bansang Third World. Ipinipilit ng mga bansang imperyalista, sa pangunguna ng US, ang kanilang programang neo-liberal sa mga manggagawa mula sa mga Third World countries, kung saan isinasapribado ang iba't ibang opisina o departamento sa mga bansang maliliit para lamang makahanap ng mapapagnegosyohan at mapalaki lalo ang kanilang tubo. Ginagamit nila ang kanilang kontroladong mga internasyunal na organisasyong pinansyal gaya ng World Bank, International Monetary Fund (IMF) at World Trade Organization (WTO). Dahil sa mga pautang na nangyari sa iba't ibang maliliit na bansa, hindi sila nakakapagbayad ayon sa kasunduan kaya lalong nalulubog sa utang ang mga ito. Lalo tuloy lumaki ang kahirapang dinaranas ng mga maliliit na bansang ito. Tanging ang bansang Cuba lamang ang hindi nadamay pagkat pinakita nila kung gaano nila maayos na pinamunuan ang sariling bansa.

Pero kung tutuusin, ang US bilang malakas na bansa ay nabubuhay, hindi dahil sa kanyang pagsisikap na pakainin ang sarili, kundi sa panggugulo sa ibang bansa. Ang tawag nga sa kanilang ekonomya ay "war economy" pagkat ang kanilang mayor na produkto ay mga armas pandigma. Tiyak na babagsak ang ekonomya ng US kung walang digmaan na maaari silang makialam, kung walang ibang bansang mapapgbentahan ng kanilang mga produktong armas. Suriin mo kung saan nila ini-invest ang kanilang mga salapi: sa mga srealth bombers, aircraft carrier, battle groups, sa kanilang Marine Corps, sa mga teroristang kasapi ng Central Intelligence Agency (CIA) at lalo na sa mga US-trained na puppet armies, torturer at mga paramilitary death squads. Hindi ba't ang US lamang ang may nakitaang manwal kung paano mag-tortyur?

Sa panahong ito ng Cold War, trineyning ng US sina Osama Bin Laden at mga tauhan nito bilang mga mujahideen (holy warriors) nang ang Afghanistan ay sinakop noon ng Unyong Sobyet. Tinulungan din ng US ang Taliban para siyang mamalakad sa Afghanistan. Kahit na ang founder ng Abu Sayyaf na si Abdulrajak Abubakar Janjalani ay sinasabing CIA-trained. Ibinulgar din ni Senador Pepe Pimentel sa Senado na ang Abu Sayyaf ay itinatag mismo ng US.

Kaya ano itong sinasabi ng US na "giyera laban sa terorismo" kung sila mismo ay mga terorista rin?!. Pinapakita lamang nila na makapangyarihan pa rin silang bansa at siyang tanging super-power sa buong mundo. At ang pagkapahiya nila sa mata ng mundo dahil sa pagiging bulnerable nila sa kaaway ang nais nilang mabura, kung paanong natalo ang US sa digmaan laban sa mga Vietcong noong Vietnam War. Hindi ba't ang US din ang nagdeklara sa sarili nila bilang "global cop", kung saan sila lang ang may karapatang maglagay ng kanilang pwersa sa maraming bansa para lang maipagtanggol ang kanilang sariling interes.

Sa totoo lang, may pagkahunyango ang sinasabi nilang "giyera laban sa terorismo" dahil ang nirerepresenta lang nila ay ang mga korporasyong Amerikano. Kontrolado rin ng US ang mass media, kaya ang mga nangyayaring pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan sa mga kalaban nilang bansa gaya ng bansang Iraq, kung saan libu-libo ang namamatay dahil sa ipinataw na economic embargo, ay hindi ipinapakita sa mga telebisyon, samantalang pinagpipyestahan ng media ang nangyari sa New York at Washington.

At dahil wala pang ebidensya ang US kung sino talaga ang kanilang kaaway, paano kaya kung ang umatake sa New York at Washington ay mga right wing na Amerikano? Hindi ba't noong pinasabog ng malakas na bomba ang Federal State Building sa Oklahoma City sa US kung saan 168 katao ang namatay, ang unang pinagbintangan ng US ay mga Arabo, pero bandang huli, nalaman nilang ang may kagagawan nito'y isa rin palang Amerikano, si dating US Marine soldier Timothy McVeigh, na kamakailan lang ay binitay.

Sa nangyari noong Setyembre 11, tinatayang mahigit 6,000 sibilyan ang dito'y namatay, habang hindi mabilang ang sibilyang napatay ng mga Kano sa mga pag-atake nito sa Iraq, Iran, Serbia at iba pang bansa. Sa bansang Japan, mas malaki ang bilang ng pinatay ng mga Amerikano. Nasa 125,000 katao ang pinatay nila sa Hiroshima habang nasa 75,000 naman ang pinatay nila sa Nagazaki noong 1945 dahil sa kanilang bomba atomika.

Kaya ang nangyari sa US ay di nagsimula noong Setyembre 11, 2001. Matagal na itong nagsimula pagkat ang US ay terorista rin.

Hinggil sa Sosyalistang Propaganda

HINGGIL SA SOSYALISTANG PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bilang mga mulat na aktibista, naninindigan tayo sa katotohanan, karapatan at tungkuling ilantad ang mga pangyayari at nangyayari sa mga maralita sa kasalukuyang lipunan. Materyalista ang ating paraan ng pagsusuri. Ang mga kongklusyon natin ay laging nagmumula sa materyal na batayan, sa sapat at kongkretong imbestigasyon. Hindi tayo nanghuhula ng datos, at lalong hindi nag-iimbento. Kasabay nito, malinaw tayong naninindigan para sa kapakanan ng mga inaapi't pinagsasamantalahan.

Kaya habang lumalawak ang ating hanay, mas kakailanganin natin ang mahusay na makinarya (sa tao, pasilidad, at teknolohiya) para sa mas mabilis na pagsasagawa ng ating mga propaganda. Nariyan ang pangangalap ng datos, pagsusulat, pag-eedit, pagle-layout, pagtitiyak ng pinansya, pag-iimprenta ng mga polyeto't dyaryo, pamamahagi, at pangangalap ng feedback. Dapat nating alalahanin ang magkakambal na problema ng produksyon at distribusyon ng ating mga polyeto at dyaryong nagagawa. Hindi dapat mangyaring natatambak lamang sa isang sulok ang ating mga polyeto't pahayagan nang walang kumukuha. Kaya dapat na maging episyente rin sa paggampan ng trabaho ang ating mga propagandista.

Lagi nang ang propaganda ay importanteng kasangkapan ng ating organisasyon sa pagpukaw, pagmomobilisa at pag-oorganisa para sa ating pangarap na baguhin ang hirap na kalagayan ng mamamayan at makibaka para baguhin ang bulok na sistema ng lipunan. Dumadaloy sa propaganda ang estratehiko't taktikal na pamumuno ng mga sosyalista sa mas malawak na masa. Sa ibang salita, papel ng propaganda na likhain ang opinyong publiko na pabor at magsusulong ng sosyalistang rebolusyon, at kasabay nito'y papel din ng ating propaganda na bakahin at baligtarin ang propaganda ng mga kapitalista't naghaharing uri.

Kasabay ng pag-unlad ng lipunan ay umunlad din ang teknolohiya, kaya hindi na lamang tri-media (dyaryo, radyo, at telebisyon) ang kasangkapan sa propaganda, kundi nariyan na rin ang fax machine, cellphones, at internet (email, website, blog). Kaya ang gawaing propaganda ay hindi lamang simpleng pagbebenta ng dyaryo, pamamahagi ng polyeto o paghawak ng mga bandera, plakard at istrimer sa rali. Ang mahalaga ay napapaabot ng mga propagandista ang kanilang mensahe sa mga mamamayan sa mabilis at episyenteng paraan.

Ayon kay Lenin, ang mga progresibong paglalantad sa pulitika ay "esensyal at pundamental na kondisyon para masanay ang masa sa rebolusyonaryong pagkilos." Kung gayon, ang dyaryo at polyeto ay nagsisilbing ugnay ng organisasyon sa masa. Dito nasasalamin ang iba't ibang aspeto ng buhay at pakikibaka ng masa, at ng kongkretong patnubay ng organisasyon sa masang nabubuhay sa pakikibaka.

ANG DALAWANG MAGKATUNGGALING PROPAGANDA

Ang ating lipunan ay nahahati sa dalawang uri: uring kapitalista at uring manggagawa. Ang uring kapitalista ang nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, gaya ng makina, pabrika at mga lupain. Ang uring manggagawa naman, kasama ang mga maralita, ang nabubuhay sa pamamagitan ng kanilang lakas-paggawa pagkat wala silang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon. Sa pamumuhay ng tao sa lipunan, ang kanilang mga pangangailangan at interes ang nagsisilbing motibong pwersa sa mga aktibidad ng bawat indibidwal, grupo at uri. Ang mga pangangailangan at interes ang nagtutulak sa mga tao upang gumawa at magpaunlad ng produksyon. Ngunit dahil sa pag-iral ng pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, nagkaroon naman ng pagsasamantala ang tao sa kanyang kapwa tao. Kaya nahati ang lipunan sa dalawang uri.

Pagkat dalawa lamang ang uri sa lipunan - ang uring kapitalista (may pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon) at ang uring proletaryado (mga walang pribadong pag-aari maliban sa kanilang lakas-paggawa). Dalawa ring uri ng propaganda ang umiiral sa lipunan - ang propaganda ng burgesya (ng mga kapitalista't naghaharing uri sa lipunan) at sosyalistang propaganda (para sa uring manggagawa at masang anakpawis). Bilang magkatunggaling uri sa lipunan, nangingibabaw ang burgis na propaganda pagkat sila ang may-ari ng mga kagamitan sa mass media, tulad ng dyaryo, radyo at telebisyon. At malaki ang nagagawa ng mass media sa pagkontrol sa sitwasyon, pag-uugali, at aktibidad ng mga tao. Gayunman, bagamat kontrolado ng naghaharing uri ang mass media, dahil sa kahirapan, nangangarap ang maraming tao na magkaroon ng pagbabago sa lipunan. Dahil dito, layunin ng sosyalistang propagandista na tulungan ang mga taong ito na makilala nila at maunawaan ang kanilang tunay na interes, ipakita ang reyalidad ng syentipikong sosyalistang kaisipan, at maarmasan ang mga taong ito ng batas ng pag-unlad ng lipunan.

Ito ang eksaktong layunin ng sosyalistang propagandista: ang dalhin sa masa ang mapagpalayang kaisipan ng proletaryo (uring manggagawa) at imulat sila sa sosyalismo. Inihahanda ng propagandista ang masa sa pakikibaka para sa kanilang sariling interes hanggang sa pagtatayo ng sosyalistang lipunan.

Sa kabilang dako naman, mahigpit namang nilalabanan ito ng naghaharing uri sa pamamagitan ng mga burgis na propagandista upang mapigil ang pag-unlad ng kamalayan ng mga manggagawa't maralita sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan. Dahil dito, ang isa sa mga tungkulin ng sosyalistang propagandista ay pigilin din ang ginagawang pagpigil na ito ng mga naghaharing uri. Nang sa gayon ay umunlad ang kamalayan ng mga manggagawa at nakararaming masa't maralita mula sa lunsod at kanayunan para sa kanilang sariling interes at pakinabang.

Pero dapat nating tandaan na mas organisado ang mga naghaharing uri pagdating sa sarili nitong propaganda. Nasa serbisyo ng naghaharing uri ang libu-libong dyornalistang propesyunal, mga komentarista sa radyo't telebisyon, mga manunulat sa mga burgis na pahayagan at magasin. Kinokontrol ng mga kapitalista ang mass maedia at dahil dito'y sinisigurado nito ang pag-iral at pangingibabaw ng burgis na kaisipan sa burgis na lipunan.

BURGIS NA PROPAGANDA VERSUS SOSYALISTANG PROPAGANDA

1. Para sa mga kapitalista't naghaharing uri sa lipunan VERSUS Para sa uring manggagawa at sa masang anakpawis
2. Sila ang may-ari ng mga kagamitan sa produksyon VERSUS Ang kanilang tanging pag-aari'y ang kanilang lakas-paggawa
3. Kontrolado ng mga naghaharing uri ang mass media, tulad ng dyaryo, radyo at telebisyon VERSUS Ang mga nagagamit ay sariling diskarteng media, press statements at press releases
4. Libu-libong dyornalista't manunulat ay empleyado ng naghaharing uri VERSUS Kaunti ang manunulat at may dyaryong hindi lumabas sa tamang oras dahil sa kakulangan ng pondo
5. Pawang mga nakapagtapos at propesyunal ang mga propagandistang burgis at suportado pa sila ng maayos na makinarya at mabilis na tknolohiya para magampanan ng mahusay ang gawaing propaganda VERSUS Karaniwa'y di nakakuha ng pormal na kurso sa dyornalismo o masscom ang naglilingkod sa uring anakpawis bilang propagandista, at kulang pa sa kagamitan at pamasahe para makakuha ng mga impormasyong gagamitin sa propaganda
6. Ang burgis na propaganda ay gamit ng kapitalista't naghaharing uri sa lipunan upang idepensa ang kapitalismo at sarili nilang interes VERSUS Ang sosyalistang propaganda ay gamit ng uring manggagawa at anakpawis upang ipahayag ang katotohanan ng nangyayari sa lipunan
7. Diverts attention - using superstitions, religion, telenovela, basketball, atbp. VERSUS Presents truth - using logical proof and arguments
8. Hindi sinasagot at inililihis sa masa ang tunay na dahilan ng mga nangyayari sa lipunan VERSUS ipinapakita ang tunay na nangyayari sa mga pabrika't komunidad ng maralita
9. Karangalan para sa mga burgis na manawagan ng kumpetisyon VERSUS Karangalan para sa uring manggagawa't maralita ang manawagan ng kooperasyon
10. Ang dulot ng kumpetisyon ay paglalaban-laban, pagkakawatak-watak at pagiging makapera VERSUS Ang dulot ng kooperasyon ay pagtutulungan, pagkakaisa at pagiging makatao
11. Survival of the fittest VERSUS Survival of the humankind
12. Ang programa ng burgis na propaganda ay nakatuon upang palaganapin ang globalisasyon VERSUS Ang programa ng sosyalistang propaganda ay ipakita sa uring manggagawa't anakpawis ang kanilang makauring interes
13. Ang burgis na propaganda sa esensya ay propaganda ng naghaharing uri VERSUS Ang sosyalistang propaganda sa esensya ay propaganda ng uring manggagawa
14. Instrumento ng supresyon VERSUS Instrumento ng rebolusyon


TUNGKULIN NG SOSYALISTANG PROPAGANDISTA

1. Ipakita sa masa ang kabulukan ng sistema sa pamamagitan ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan, at sa pagtalakay sa mga isyu ng manggagawa't maralita na alam nila't malapit sa kanilang puso
2. Ma-satisfy ang pangangailangan ng masa sa paliwanag kung bakit ganito ang lipunan at mula rito'y maakit ang masa upang kumilos
3. Mapakilos ang masa batay sa katotohanang iprinesenta at lohikal na pagpapaliwanag
4. Ma-involve ang target na audience rationally at emotionally hinggil sa mga pangyayayari at isyung nakakaapekto
5. Maimpluwensyahan ang pag-uugali o pagkilos ng intended audience
6. Wasakin at durugin ang propaganda ng naghaharing uri
7. Gawing maliwanag at epektibo ang gawaing propaganda.
8. Dalhin sa masa ang sosyalistang kaisipan
9. Pagpapakilala palagi ng pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon bilang ugat ng kahirapan, at kung bakit may mahirap at mayaman, at sa layuning wasakin ang relasyong ito ng pribadong pag-ari upang maging pag-aari ng lipunan ang mga kasangkapan sa produksyon upang lahat ay makinabang


LIMANG SANGKAP NG GAWAING PROPAGANDA

1. PINANGGAGALINGAN NG PROPAGANDA
- Ang karaniwang pinanggagalingan ng propaganda ay ang gobyerno, partido pulitikal, mga pangmasang organisasyon, at mass media
- Ito ang tao o mga taong naghahanda ng polisiya sa pagpopropaganda, kumukuha at nag-iipon ng iba't ibang impormasyong kanyang magagamit, ipoproseso ang mga impormasyong ito, at nagdidirekta ng kalalabasan nito
2. ANG MENSAHE
- Ito ang pangunahing elemento ng sistema ng komunikasyon at sa relasyon ng pinagmulan ng propaganda at ng kanyang audience
- Ang esensya ng mensahe ng propagandista ay nakabatay sa uring kanyang kinabibilangan, ipinagtatanggol at tinutulungan
- Ibig sabihin, dapat na kiling sa uring manggagawa ang mensahe ng propaganda at nakadirekta upang maipalaganap ang sosyalismo
3. ANG DALUYAN
- Dito pinadadaan ng propagandista ang kanyang mensahe patungo sa audience
4. ANG AUDIENCE KUNG SAAN NAKADIREKTA ANG PROPAGANDA
- Sila ang target ng propagandista upang mapakilos at makatulong sa pagpapakilos ng audience at ng malawak na masa
- Huwag nating isiping pasibo agad ang audience pagkat kailangan niyang makisangkot, hindi dahil sa kagustuhan nating makisangkot sila, kundi nauunawaan nila ang halaga ng ating mga ipinahayag
5. FEEDBACK
- Ito ang sukatan o resulta kung gaano naimpluwensyahan ng propagandista ang kanyang audience
- Naging epektibo ba ang isinagawang propaganda, sinu-sino ang nag-react at ilan ang napakilos

ANG MENSAHE NG PROPAGANDISTA

1. Ang mensahe ng propagandista ay pinag-aaralan batay sa lohikal na pananaw at pangangatwiran. Idinidirekta niya kung ano ang dapat na isipin ng kanyang intended audience o ng masa mismo. Ang pagkakalatag ng istruktura ng komunikasyon ay dapat na maliwanag at maayos. Bilang batas, ang mensahe ay dapat umunlad mula sa luma tungo sa bago, at mula sa alam tungo sa di pa alam.
2. Mas madaling makaakit ang kongkretong propaganda kaysa baliwag (abstract); kaya para maging attentive ang audience, ang mga pangangatwiran ay dapat susugan ng kongkretong patunay, halimbawa, at pagsasalarawan.
3. Kung gaano katindi ang mensahe, ganuon din kapuna-puna at kapani-paniwala ang ideya, at kung gaano ang pagiging sari-sari at kawili-wili ng mga argumento, mas madaling maiwan ito sa atensyon ng audience.
4. Sa paghawak ng atensyon ng audience, dapat na gumawa ng mga paraan kung paano tatanggalin ang distraksyon sa atensyon ng audience, at tiniyak na nasa maayos na kondisyon ang proseso ng kanyang persepsyon. Ang pagiging bulol, halimbawa, ng isang propagandista ay malaking istorbo sa atensyon ng masa.

HINGGIL SA PAGSUSULAT NG PROPAGANDA

Sa pagsusulat natin, dapat na mulat nating iangkop ang nilalaman at estilo sa mas madaling maintindihan ng masa. At batay dito, may ilang alituntunin sa pagsusulat ng ating propaganda
1. Partikular at kongkretong mga datos ang isinisiwalat at sinusuri.
2. Ang mga pahayag ay dapat na maikli, madaling basahin, madaling maunawaan, at tinutumbok na ang sentral na isyu. Mas malamang na basahin ang manipestong may isang pahina ang haba kaysa anim o pitong pahina.
3. Tumbukin kaagad ang nais sabihin - "direct to the point" - lalo na sa mga press statements at releases

Sunday, February 1, 2009

Kailangan Nati'y Kapayapaan

KAILANGAN NATI'Y KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala bilang Editoryal sa pahayagang Taliba ng Maralita, Hulyo-Setyembre 2001, p.1-2

Ang nangyaring pagkawasak ng mga gusali ng World Trade Center sa New York at ng Pentagon sa Washington ay hudyat ng pag-uumpisa na naman ng isang madugong digmaang hindi natin alam kung saan aabot, kung saan hahantong.

Ang nangyari sa World Trade Center at sa Pentagon ay isang napakatinding paraan ng demolisyon. Isang napakagrabeng pagkawasak ng tahanan. Ang World Trade Center ang tahanan ng maraming mga negosyante sa daigdig, at ito ang simbolo ng kapangyarihang pang-ekonomya ng Estados Unidos.

Marami sa atin ang nakapanood kung paano bumagsak na parang papel ang World Trade Center, at paulit-ulit itong ipinapakita sa telebisyon. Napanood natin ang kalagim-lagim na mukha ng terorismo at marami sa atin ang nagalit sa may kagagawan nito dahil sa mga inosenteng sibilyang namatay dito. Pagkat para sa atin, mahalaga ang bawat buhay. Isang buhay man ito, libo o milyon.

Nagulantang ang buong mundo sa nangyari sa Amerika dahil malaki ang epekto nito sa kalagayang ekonomya ng maraming bansa kung saan pangunahin ang Amerika. Napakalawak din ng impluwensya ng American media na paulit-ulit inilalabas ang nangyaring pagbangga ng mga eroplano sa WRC, na tunay na nagpagalit sa mamamayang Amerikano.

Tama lamang na managot ang may kagagawan nito pagkat maraming mga inosenteng kaluluwa ang pumanaw ng wala sa oras. Mga kaluluwang may mga pamilyang umaasa. Mga inosenteng may mga pangarap na makaalpas sa kahirapan, bagamat meron ding mga mapang-api at mapagsamantalang nag-o-opisina sa World Trade Center at sa Pentagon.

Maaaring ang may kagagawan nito'y naniniwala sa palasak na kasabihan sa Ingles, "If you killed thousands (or millions) of people, you are called a conqueror. But if you killed one person, you are called a murderer." [Pag pumatay ka ng libong (o milyong) katao, tinatawag kang isang mananakop. Pag pumatay ka ng isang tao, tinatawag kang mamamatay-tao], kaya wala siyang o silang pakundangan sa pagpatay ng mga inosenteng sibliyan.

Ngunit sa kabilang banda, nadamay ang mga inosenteng sibilyang ito dahil sa katangiang imperyalista ng US. Ang Amerika na tagapamansag daw ng demokrasya sa buong mundo ang siyang nagnanais na kontrolin ang buong ekonomya ng mundo. Ang Amerika ang nagsasabing tagapagligtas daw ng mga api, pero pumatay ng maraming Pilipinong sibilyan sa Balanguga, Samar noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Ang Amerika na sumisigaw ng hustisya sa pagkamatay ng mahigit sa limang libong (5,000) sibilyan, ngunit pumatay ng libu-libong tao sa Hiroshima (125,000) at Nagazaki (75,000) gamit ang kanilang bomba atomika.

Ang imperyalismo ng Amerika ay ginantihan ng terorismo ng mga di pa kilalang mga salarin. Dahil dito'y nagkaroon ng malaking pagbabago, hindi lang sa Amerika, kundi sa buong mundo.

Sa Pilipinas naman, sa kasuluk-sulukan naman ng mga lungsod at kanayunan, may lokal na nangyayari ring terorismo. At ito'y ang mga demolisyon ng mga tahanan. Alam natin kung gaano rin kalagim ang demolisyong ito. Pero ilan ba ang mga nagalit sa may mga kagagawan ng mga ito at mga naawa sa mga naninirahang naapektuhan ng demolisyong ito? Sino sa panig ng mga naghaharing uri ang naawa sa mga inosenteng nawalan ng tahanan? Sino sa kanila ang naawa sa mga batang hindi na makapagpatuloy ng pag-aaral dahil sa terorismong dulot ng demolisyon? Wala silang awa!

Oo, dalawang mukha ng demolisyon ang malagim na nangyari at nangyayari pa sa ating panahon. Demolisyon ng simbolo ng mga naghaharing uri at demolisyon ng mga tahanan ng mga maralitang nagnanais mabuhay ng marangal ngunit pinagkakaitan ng karapatan.

Ang demolisyong nangyari sa Amerika ay itinuring na terorismo sapagkat winasak ng mga terorista ang mga malalaking gusali habang maraming inosente ang namatay. Ang nangyari at patuloy pang nangyayaring demolisyon sa ating mga komunidad ay terorismo rin dahil winawasak ng mga demolition teams ang ating mapayapang paninirahan. Maraming tao ang apektado pagkat itinataboy sa kanilang payapang tahanan na parang mga hayop. Terorismo ang demolisyon. At terorista rin ang mga nagsasagawa ng demolisyon.

Marami ang nananawagan ng giyera dahil ayaw nila ng terorismo at nais na nila itong matigil upang makapamuhay ng mapayapa. Ngunit sagot ba ang giyera laban sa terorismo ng kaaway?

Marami ang nananawagan ng kapayapaan, dahil ayaw nila ng giyera. Tama lang ang panawagang ito. Sapagkat marami sa atin ang nagnanais ng katiwasayan ng puso't isipan.

Sino ang hindi mangangarap ng kapayapaan? Walang matinong taong magsasabing ayaw niya ng kapayapaan. Lahat tayo'y nangangarap nito, pero dahil sa mga sitwasyong umiiral sa ating bansa, ito'y hindi natin maramdaman. Ang kailangan nati'y kapayapaan. Pero sino ang magdedetermina kung ano ang kapayapaan? Tayo ba o ang mga elitista?

Laging sinasabi ng gobyernong ito na kailangan ang peace and order. Pero kaninong depinisyon ang peace and order na ito? Sa mga naghaharing uri. Kailangan nila ang peace and order dahil nahihintakutan sila na maapektuhan ang kanilang mga personal na interes, habang wala silang pakialam sa interes ng mga mahihirap na nawawalan ng tahanan!

Hindi depinisyon ng mga naghaharing uri ang nais nating kapayapaan, dahil ang kapayapaan sa kanila ay proteksyon lamang ng kanilang mga pribadong pag-aari. Ang nais nating kapayapaan ay tunay at walang diskriminasyon. Ang kapayapaan para sa atin ay ginhawa ng puso't isipan at katiwasayan ng buhay sa ating tahanan. Ang depinisyon natin ng kapayapaan ay nakabatay sa interes ng lahat ng may buhay, hindi nakabatay sa pagprotekta ng mga pag-aari at interes ng naghaharing iilan, mga naghaharing sakim sa tubo.

Paano magkakaroon ng kapayapaan kung laging may banta ng demolisyon sa ating lugar? Paano ka magkakaroon ng kapayapaan kung nakikita mong nagugutom ang iyong mga anak dahil sa hirap ng buhay? Paano natin mararamdaman ang kapayapaan kung ang nararamdaman natin ay panlalait dahil ang turing sa atin ng mga naghaharing uri ay basahan? Naguguluhan ang ating puso't isipan dahil sa kahirapan.

Kailangan natin ng kapayapaan, ngunit hindi ang kapayapaan ng tulad ng sa sementeryo. Ang kapayapaan ay hindi ang pagiging bulag, bingi, pipi, pilay at kawalan ng pakiramdam sa mga nangyayari sa lipunan, kundi pagiging mulat, nakaririnig, nagsasalita, nakakakilos at nakadarama para sa ikabubuti ng lahat. Kailangan natin ng buhay na kapayapaan, kapayapaang may katarungang panlipunan, dahil dito lang tayo makakaranas ng ginhawa ng pakiramdam, ng ginhawa ng puso't isipan. Lapayapaan. Oo, kapayapaan. Dapat nating ipaglaban ang kapayapaang nararapat para sa atin. Kaya kailangan nating kumilos para sa kapayapaang yaon.

Napakarami nating mga maralita kung ikukumpara sa mga mayayamang tuso sa lipunan. Napakarami nating mga maralita kung ikukumpara sa mga ganid na kapitalista. Napakarami natin. Sapat ang ating dami para buwagin ang sistemang naging dahilan ng kahirapan at kawalan natin ng kapayapaan.

Mga kapwa maralita, kailangan natin ng tunay na kapayapaan, pero hindi natin ito makukuha sa isang iglap. Kailangan natin itong ipaglaban. Oo, ipaglaban. Hindi tayo dapat manahimik na lamang, habang patawa-tawa ang mga dupang sa tubo, habang ngingisi-ngisi ang mga mapagsamantala sa lipunan.

Dapat munang makatulog ng mahimbing at payapa ang mga naghihirap sa lipunan bago makatulog ng mahimbing ang mga naghaharing iilan. Dapat munang magkaroon ng kapayapaan ang buong uring manggagawa bago magkaroon ng kapayapaan ang mga kapitalista. Dapat munang maging payapa ang mga maralita sa kalunsuran at kanayunan bago maging payapa ang mga naghaharing uri sa lipunan.

Magkakaroon lamang ng tunay na kapayapaan sa mundo kung mapapawi ang mga mapagsamantalang uri sa lipunan, magkakaroon ng pantay na hatian ng yaman sa lipunan, mawawasak ang pribadong pag-aari na siyang ugat ng kahirapan, at maitatayo ang isang lipunang tunay na makatao, kung saan walang pagsasamantala. Kaya dapat tayong kumilos. Panahon na. Kailan pa kundi ngayon!

Rebolusyon!