Sunday, February 1, 2009

Kailangan Nati'y Kapayapaan

KAILANGAN NATI'Y KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala bilang Editoryal sa pahayagang Taliba ng Maralita, Hulyo-Setyembre 2001, p.1-2

Ang nangyaring pagkawasak ng mga gusali ng World Trade Center sa New York at ng Pentagon sa Washington ay hudyat ng pag-uumpisa na naman ng isang madugong digmaang hindi natin alam kung saan aabot, kung saan hahantong.

Ang nangyari sa World Trade Center at sa Pentagon ay isang napakatinding paraan ng demolisyon. Isang napakagrabeng pagkawasak ng tahanan. Ang World Trade Center ang tahanan ng maraming mga negosyante sa daigdig, at ito ang simbolo ng kapangyarihang pang-ekonomya ng Estados Unidos.

Marami sa atin ang nakapanood kung paano bumagsak na parang papel ang World Trade Center, at paulit-ulit itong ipinapakita sa telebisyon. Napanood natin ang kalagim-lagim na mukha ng terorismo at marami sa atin ang nagalit sa may kagagawan nito dahil sa mga inosenteng sibilyang namatay dito. Pagkat para sa atin, mahalaga ang bawat buhay. Isang buhay man ito, libo o milyon.

Nagulantang ang buong mundo sa nangyari sa Amerika dahil malaki ang epekto nito sa kalagayang ekonomya ng maraming bansa kung saan pangunahin ang Amerika. Napakalawak din ng impluwensya ng American media na paulit-ulit inilalabas ang nangyaring pagbangga ng mga eroplano sa WRC, na tunay na nagpagalit sa mamamayang Amerikano.

Tama lamang na managot ang may kagagawan nito pagkat maraming mga inosenteng kaluluwa ang pumanaw ng wala sa oras. Mga kaluluwang may mga pamilyang umaasa. Mga inosenteng may mga pangarap na makaalpas sa kahirapan, bagamat meron ding mga mapang-api at mapagsamantalang nag-o-opisina sa World Trade Center at sa Pentagon.

Maaaring ang may kagagawan nito'y naniniwala sa palasak na kasabihan sa Ingles, "If you killed thousands (or millions) of people, you are called a conqueror. But if you killed one person, you are called a murderer." [Pag pumatay ka ng libong (o milyong) katao, tinatawag kang isang mananakop. Pag pumatay ka ng isang tao, tinatawag kang mamamatay-tao], kaya wala siyang o silang pakundangan sa pagpatay ng mga inosenteng sibliyan.

Ngunit sa kabilang banda, nadamay ang mga inosenteng sibilyang ito dahil sa katangiang imperyalista ng US. Ang Amerika na tagapamansag daw ng demokrasya sa buong mundo ang siyang nagnanais na kontrolin ang buong ekonomya ng mundo. Ang Amerika ang nagsasabing tagapagligtas daw ng mga api, pero pumatay ng maraming Pilipinong sibilyan sa Balanguga, Samar noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Ang Amerika na sumisigaw ng hustisya sa pagkamatay ng mahigit sa limang libong (5,000) sibilyan, ngunit pumatay ng libu-libong tao sa Hiroshima (125,000) at Nagazaki (75,000) gamit ang kanilang bomba atomika.

Ang imperyalismo ng Amerika ay ginantihan ng terorismo ng mga di pa kilalang mga salarin. Dahil dito'y nagkaroon ng malaking pagbabago, hindi lang sa Amerika, kundi sa buong mundo.

Sa Pilipinas naman, sa kasuluk-sulukan naman ng mga lungsod at kanayunan, may lokal na nangyayari ring terorismo. At ito'y ang mga demolisyon ng mga tahanan. Alam natin kung gaano rin kalagim ang demolisyong ito. Pero ilan ba ang mga nagalit sa may mga kagagawan ng mga ito at mga naawa sa mga naninirahang naapektuhan ng demolisyong ito? Sino sa panig ng mga naghaharing uri ang naawa sa mga inosenteng nawalan ng tahanan? Sino sa kanila ang naawa sa mga batang hindi na makapagpatuloy ng pag-aaral dahil sa terorismong dulot ng demolisyon? Wala silang awa!

Oo, dalawang mukha ng demolisyon ang malagim na nangyari at nangyayari pa sa ating panahon. Demolisyon ng simbolo ng mga naghaharing uri at demolisyon ng mga tahanan ng mga maralitang nagnanais mabuhay ng marangal ngunit pinagkakaitan ng karapatan.

Ang demolisyong nangyari sa Amerika ay itinuring na terorismo sapagkat winasak ng mga terorista ang mga malalaking gusali habang maraming inosente ang namatay. Ang nangyari at patuloy pang nangyayaring demolisyon sa ating mga komunidad ay terorismo rin dahil winawasak ng mga demolition teams ang ating mapayapang paninirahan. Maraming tao ang apektado pagkat itinataboy sa kanilang payapang tahanan na parang mga hayop. Terorismo ang demolisyon. At terorista rin ang mga nagsasagawa ng demolisyon.

Marami ang nananawagan ng giyera dahil ayaw nila ng terorismo at nais na nila itong matigil upang makapamuhay ng mapayapa. Ngunit sagot ba ang giyera laban sa terorismo ng kaaway?

Marami ang nananawagan ng kapayapaan, dahil ayaw nila ng giyera. Tama lang ang panawagang ito. Sapagkat marami sa atin ang nagnanais ng katiwasayan ng puso't isipan.

Sino ang hindi mangangarap ng kapayapaan? Walang matinong taong magsasabing ayaw niya ng kapayapaan. Lahat tayo'y nangangarap nito, pero dahil sa mga sitwasyong umiiral sa ating bansa, ito'y hindi natin maramdaman. Ang kailangan nati'y kapayapaan. Pero sino ang magdedetermina kung ano ang kapayapaan? Tayo ba o ang mga elitista?

Laging sinasabi ng gobyernong ito na kailangan ang peace and order. Pero kaninong depinisyon ang peace and order na ito? Sa mga naghaharing uri. Kailangan nila ang peace and order dahil nahihintakutan sila na maapektuhan ang kanilang mga personal na interes, habang wala silang pakialam sa interes ng mga mahihirap na nawawalan ng tahanan!

Hindi depinisyon ng mga naghaharing uri ang nais nating kapayapaan, dahil ang kapayapaan sa kanila ay proteksyon lamang ng kanilang mga pribadong pag-aari. Ang nais nating kapayapaan ay tunay at walang diskriminasyon. Ang kapayapaan para sa atin ay ginhawa ng puso't isipan at katiwasayan ng buhay sa ating tahanan. Ang depinisyon natin ng kapayapaan ay nakabatay sa interes ng lahat ng may buhay, hindi nakabatay sa pagprotekta ng mga pag-aari at interes ng naghaharing iilan, mga naghaharing sakim sa tubo.

Paano magkakaroon ng kapayapaan kung laging may banta ng demolisyon sa ating lugar? Paano ka magkakaroon ng kapayapaan kung nakikita mong nagugutom ang iyong mga anak dahil sa hirap ng buhay? Paano natin mararamdaman ang kapayapaan kung ang nararamdaman natin ay panlalait dahil ang turing sa atin ng mga naghaharing uri ay basahan? Naguguluhan ang ating puso't isipan dahil sa kahirapan.

Kailangan natin ng kapayapaan, ngunit hindi ang kapayapaan ng tulad ng sa sementeryo. Ang kapayapaan ay hindi ang pagiging bulag, bingi, pipi, pilay at kawalan ng pakiramdam sa mga nangyayari sa lipunan, kundi pagiging mulat, nakaririnig, nagsasalita, nakakakilos at nakadarama para sa ikabubuti ng lahat. Kailangan natin ng buhay na kapayapaan, kapayapaang may katarungang panlipunan, dahil dito lang tayo makakaranas ng ginhawa ng pakiramdam, ng ginhawa ng puso't isipan. Lapayapaan. Oo, kapayapaan. Dapat nating ipaglaban ang kapayapaang nararapat para sa atin. Kaya kailangan nating kumilos para sa kapayapaang yaon.

Napakarami nating mga maralita kung ikukumpara sa mga mayayamang tuso sa lipunan. Napakarami nating mga maralita kung ikukumpara sa mga ganid na kapitalista. Napakarami natin. Sapat ang ating dami para buwagin ang sistemang naging dahilan ng kahirapan at kawalan natin ng kapayapaan.

Mga kapwa maralita, kailangan natin ng tunay na kapayapaan, pero hindi natin ito makukuha sa isang iglap. Kailangan natin itong ipaglaban. Oo, ipaglaban. Hindi tayo dapat manahimik na lamang, habang patawa-tawa ang mga dupang sa tubo, habang ngingisi-ngisi ang mga mapagsamantala sa lipunan.

Dapat munang makatulog ng mahimbing at payapa ang mga naghihirap sa lipunan bago makatulog ng mahimbing ang mga naghaharing iilan. Dapat munang magkaroon ng kapayapaan ang buong uring manggagawa bago magkaroon ng kapayapaan ang mga kapitalista. Dapat munang maging payapa ang mga maralita sa kalunsuran at kanayunan bago maging payapa ang mga naghaharing uri sa lipunan.

Magkakaroon lamang ng tunay na kapayapaan sa mundo kung mapapawi ang mga mapagsamantalang uri sa lipunan, magkakaroon ng pantay na hatian ng yaman sa lipunan, mawawasak ang pribadong pag-aari na siyang ugat ng kahirapan, at maitatayo ang isang lipunang tunay na makatao, kung saan walang pagsasamantala. Kaya dapat tayong kumilos. Panahon na. Kailan pa kundi ngayon!

Rebolusyon!

No comments:

Post a Comment