Tuesday, February 3, 2009

Lakas ng katwiran ang Ating Sandata

LAKAS NG KATWIRAN ANG ATING SANDATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala bilang Editoryal sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo VIII, Blg. 1, Taong 2003, p.1,7


Nakikibaka ang mga maralita, mga manggagawa at ang masa ng sambayanan para sa kanilang pangarap na matinong lipunang may pagkakapantay-pantay, pagkat iyon ang matuwid. Ayaw nilang mabuhay sa isang lipunang ang nakikinabang lang ay iilan. Ang lakas ng katwiran ang kanilang sandata laban sa mga mapagsamantala. Ating pagnilayan ang kanilang mga katwiran.

Bakit ang pag-unlad ng teknolohiya, tulay at riles ng tren ay progresong pinagpaplanuhan ng gobyerno, pero ang pag-unlad ng kalidad ng buhay ng tao ay hindi? Nasaan ang katwiran ng gobyerno para ipagwalang-bahala ang tao?

Sa ngalan ng progreso, gigibain ang mga kabahayan ng mga maralita sa kahabaan ng ilog, riles at R10. Bakit [aalisin ang mga tao, gayong wala namang maayos na paglilipatan sa mga ito? Mahina ang katwiran ng gobyerno.

Sa usapin ng gera, ang katwiran ni Bush ay kailangang ilunsad ang gera dahil merong weapons of mass destruction (WMD) ang Iraq, gayong ang merong WMD ay itong imperyalistang US na nag-iimbak ng mahigit 10,000 nuclear warheads at sangkatutak na smart bombs. Nagmamalaki pa nga itong US sa kanilang MOAB (mother of all bombs) na tinesting kamakailan lang. Wala sa katwiran si Bush.

Sa usapin ng purchased power adjustment (PPA), inunang sinaklolohan ng GMA ang Meralco dahil baka malugi raw ang mga Lopezes, gayong ang mga consumer ay pinagbabayad ng Meralco sa kuryenteng di naman ginamit. Wala sa katwiran si GMA.

Sa lipunang kapitalismong umiiral ngayon, kung sino pa ang gumagawa ng yaman ng lipunan ang siya pang api, hikahos, at pinagsasamantalahan. Walang makataong katwiran ang kapitalismo.

Ang pagrarali o mobilisasyon ay isa sa mga armas natin para ipahayag, hindi lamang ang ating mga himutok at hinaing, kundi ang ating katwiran. Alam nating nasa katwiran tayo at tama ang ginagawa. Alam natin na makatwiran ang ating pangarap na baguhin ang bulok na sistema ng lipunan. Katwirang dapat ipaglaban, magbubo man ng dugo.

Lakas ng katwiran ang ginamit ni Rizal sa kanyang dalawang nobela, pagkat ang katwiran niya, dapat lumaya ang mga Pilipino sa kamay ng mga mananakop na Kastila, kaya maraming nag-alsa nang siya'y barilin sa Bagumbayan.

Lakas ng katwiran ang ginamit ni Gat Andres Bonifacio, pagkat ang katwiran niya, "Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala." Kaya naorganisa ang Katipunan at lumaya ang sambayanan sa kamay ng mananakop na Kastila.

Lakas ng katwiran ang ginamit ni Karl Marx, pagkat ang katwiran niya, "Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa. Walang mawawala sa inyo kundi ang tanikala ng pagkaalipin." Kaya't nag-oorganisa ang mga manggagawa sa iba't ibang panig ng mundo upang itayo ang kanilang lipunan: ang sosyalismo.

Lakas ng katwiran ang ginamit ni Ninoy Aquino, pagkat ang katwiran niya, "The Filipino is worth dyung for." Kaya't naorganisa ang mga tao't napaalis ang diktador.

Lakas ng katwiran ang ginamit ng pinaslang na lider-manggagawang si Ka Popoy Lagman, pagkat ang katwiran niya, "Ang sinumang nag-iisip na baguhin ang lipunan nang hindi hinaharap ang kawalang katarungan ay walang patutunguhan." Kaya patuloy sa pakikibaka ang mga manggagawa, maralita, makata, kababaihan, at iba pang sektor para sa progresong may hustisyang panlipunan.

Dahil sa lakas ng katwiran, maraming diktadurya ang bumagsak. Dahil sa lakas ng katwiran, maraming pakikibaka ang naipanalo. Dahil sa lakas ng katwiran, mag-oorganisa tayo laban sa pwersa ng mga wala sa katwiran. Oo, lakas ng katwiran. Ito ang ating sandata sa pakikibaka hanggang sa ating paglaya.

No comments:

Post a Comment