Monday, February 2, 2009

Itaboy ang Kahirapan, Hindi ang Mahihirap

ITABOY ANG KAHIRAPAN, HINDI ANG MAHIHIRAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Taliba ng Maralita, Oktubre-Disyembre 2003)


Ayon sa gobyerno, kailangang labanan ang kahirapan. Pero ang solusyon nila para labanan ang kahirapan ay itaboy ang mga mahihirap. Ang pananaw na ito ng gobyerno, pati na rin ng mga kapitalista at naghaharing iilan sa lipunan, ay makikita sa sumusunod na kwentong bayan:

“Bibisita ang isang hari sa probinsyang kanyang nasasakupan, at ipinabatid niya ito sa mga namumuno sa bayang yaon. Dahil dito, naghanda ang gobernador ng lalawigan at inatasan ang lahat ng kanyang mga kabig na kailangang matuwa ang hari sa pagdalaw nito sa kanilang bayan. Ngunit sa dadaanan ng hari ay may mga barung-barong na pawang mga mahihirap ang nangakatira. Hindi nila maitaboy agad-agad ang mga tao dahil tiyak na lalaban ang mga ito. Kaya ang ginawa ng gobernador ay pinatayuan ang paligid nito ng mahabang pader upang sa pagdaan ng hari, ay hindi nito makita ang karumal-dumal na kalagayan ng mga mahihirap.”

Hindi ko maalala kung saan ko nabasa ang kwentong ito, pero ang aral ng kwentong ito’y nahalukay ko pa sa aking memorya. Sa esensya, karima-rimarim sa mga mata ng naghaharing uri sa lipunan ang mga mahihirap dahil ang mga ito’y “nanlilimahid, mababaho, mga patay-gutom at mababang uri”. Kaya nararapat lamang na ang mga mahihirap na ito’y itago sa mata ng hari, at palayasin o itaboy na parang mga daga sa malalayong lugar.

Kaya naman pala patuloy ang demolisyon sa panahong ito. Demolisyon ng barung-barong ng mga mahihirap dahil sila’y masakit sa mata ng gobyerno’t kapitalista. Demolisyong ang pinag-uusapan lamang ay maitaboy sa malalayong lugar ang mga mahihirap. Demolisyong hindi pinag-uusapan ang kahihinatnan ng mga mahihirap sa lugar ng relokasyon at pagkalayo nila sa lugar ng kanilang hanapbuhay.

Kung ganoon, para sa gobyerno’t kapitalista, para labanan ang kahirapan, itaboy ang mahihirap. Ito ang esensya ng demolisyon.

Pero para sa mahihirap, para labanan ang kahirapan, itaboy ang nagpapahirap. Ito ang esensya ng rebolusyon.

Teka, hindi pa tapos ang kwento: “Nang dumating ang hari sa bayang nasabi, ipinagbunyi siya ng mga tao at nakita ang kaayusan at kaunlaran ng lugar. Kaya ang sabi ng hari ay gagantimpalaan niya ang gobernador dahil sa malaking nagawa niya sa lalawigan. Sa pag-uwi ng hari mula sa maghapong pagdalaw sa probinsya, napansin niya ang mahabang pader na agarang ipinatayo ng gobernador. Hiniling niyang makita ang nasa kabila nito. Walang nagawa ang gobernador. Dito’y agad nakita ng hari ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga nakatirang mahihirap sa kabila ng pader. Itinatago pala ng gobernador ang tunay na kalagayan ng lalawigan. Bumaba ang hari’t nakitang maraming namamayat at ang iba’y halos mamatay sa gutom, marami ang nagkakasakit at walang nag-aasikaso. Dahil dito, binawi ng hari ang gantimpalang sana’y ibibigay niya sa gobrnador.”

Sa pinakasimple, para itaboy ang kahirapan, dapat resolbahin ito ng pamahalaan pagkat sila ang namumuno at nasa poder ng kapangyarihan. Hindi nararapat na basta na lamang itaboy ang mahihirap pagkat sila’y biktima lamang ng kahirapan, biktima ng bulok na sistemang nag-anak sa kahirapang kanilang nararanasan. Walang silbi ang isang gobyernong hindi kayang lutasin ang problema ng kanyang mga nasasakupan. Dahil doon, nararapat lamang silang mawala sa poder.

1 comment:

  1. grabe aa .. haha . seems like linked na liked talaga siya sa panahaon natin ngaun

    ReplyDelete