Monday, February 2, 2009

Walang Nagbago, Kahit Maraming Pagbabago

WALANG NAGBAGO, KAHIT MARAMING PAGBABAGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matagal na nating pangarap ang pagbabago. At alam nating kahit ang mga susunod na henerasyon ay maghahangad nito, lalo na’t nakikita’t nararamdaman nila ang malaking agwat ng mahihirap at mayayaman. Ngunit ang kadalasang lumalaganap lamang sa media ay ang mga pangyayari at balita hinggil sa mga naghaharing uri sa lipunan. Ang mga rigodon ng mga pulitikong imbes na paglilingkod sa sambayanan ang inaatupag ay nakatingin na sa susunod na pambansang eleksyon.

Magsuri tayo. Ito bang mga pulitikong ito ay may nagawa para magkaroon tayo ng moratoryum sa demolisyon? May nagawa ba sila para makakain ng sapat ang ating pamilya sa bawat araw? Ang kanilang ginagawa’y pulos buladas lamang, pangako dito, pangako doon kapag kampanyang elektoral. Nasaan na ang isyu ng maralita kapag sila’y naupo na sa poder? Nasaan?

Sa totoo lang, walang pakialam ang mga maralita sa bangayan ng mga pulitiko, mapa-administrasyon man o mapa-oposisyon. Pagkat ito’y bangayan lamang ng mga naghaharing uri, na ang makikinabang pa rin ay sila-sila. Ang mga mahihirap, nasaan?

Ang pakialam ng maralita ay kung papaano babaguhin ang kanilang kalagayan, paano makakaahon sa kinasasadlakang kahirapan, at kung paano wawasakin ang sistemang mapagsamantala sa lipunan – ang lipunang kapitalismo.

Sadyang napakabilis ng pagbabago sa lipunan, pero wala pa rin talagang nagbago sa lipunan. Napakabilis dahil mabilis ang pag-abante ng teknolohiya. Wala pang isang dekada ang nakalilipas nang mauso ang pager. Ngayon ay cellphone na, at marami pa ang naiimbento para sa kaunlaran (daw) ng lahat pero hindi naman kaya ng bulsa ng mga mahihirap.

Pero wala pa rin talagang nagbago sa lipunan, dahil hanggang ngayon, hindi pa rin pantay-pantay ang kalagayan ng tao sa lipunan. Patuloy pa ring yumayaman ang mga mayayaman, habang lalong naghihirap ang mga mahihirap. Nasaan ang pagbabago? Nasaan na itong pagbabagong matagal nang inaasam nating mga mahihirap?

Ang nais nating pagbabago ay ang tunay na pagbabago ng sistema ng lipunan, hindi pagbabago lamang ng sistema sa gobyerno. Hindi lamang relyebo ng mga namumuno ang ating pangarap, kundi pagpawi mismo ng mga uri sa lipunan upang maging maayos at pantay-pantay ang kalakaran at ang ating kalagayan. Kailangang pantay ang distribusyon ng yaman sa lipunan. Kailangang pawiin ang pagmamay-ari ng iilan sa mga kagamitan sa poduksyon – na ginagamit sa pagsasamantala sa kasalukuyang lipunan.

Malupit ang sistemang kapitalismo. Napakalupit. At tama lamang na pangarapin natin ang isang lipunang makatao upang ang lahat naman ay makinabang. Kung mapapalitan ang sistema ng lipunan at ang mga maralita’t manggagawa ang mapupunta sa poder, tiyakin nating ang hustisya ay para sa lahat, dahil ito mismo ang prinsipyo ng sosyalismo.

At makakamit natin ito, hindi sa patunga-tunganga, kundi sa ating aktibo at tuluy-tuloy na pagkilos upang abutin ang ating pangarap. Kilos na, kaibigan. Ngayon!

2 comments: