Monday, February 2, 2009

Hinggil sa Sosyalistang Propaganda

HINGGIL SA SOSYALISTANG PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bilang mga mulat na aktibista, naninindigan tayo sa katotohanan, karapatan at tungkuling ilantad ang mga pangyayari at nangyayari sa mga maralita sa kasalukuyang lipunan. Materyalista ang ating paraan ng pagsusuri. Ang mga kongklusyon natin ay laging nagmumula sa materyal na batayan, sa sapat at kongkretong imbestigasyon. Hindi tayo nanghuhula ng datos, at lalong hindi nag-iimbento. Kasabay nito, malinaw tayong naninindigan para sa kapakanan ng mga inaapi't pinagsasamantalahan.

Kaya habang lumalawak ang ating hanay, mas kakailanganin natin ang mahusay na makinarya (sa tao, pasilidad, at teknolohiya) para sa mas mabilis na pagsasagawa ng ating mga propaganda. Nariyan ang pangangalap ng datos, pagsusulat, pag-eedit, pagle-layout, pagtitiyak ng pinansya, pag-iimprenta ng mga polyeto't dyaryo, pamamahagi, at pangangalap ng feedback. Dapat nating alalahanin ang magkakambal na problema ng produksyon at distribusyon ng ating mga polyeto at dyaryong nagagawa. Hindi dapat mangyaring natatambak lamang sa isang sulok ang ating mga polyeto't pahayagan nang walang kumukuha. Kaya dapat na maging episyente rin sa paggampan ng trabaho ang ating mga propagandista.

Lagi nang ang propaganda ay importanteng kasangkapan ng ating organisasyon sa pagpukaw, pagmomobilisa at pag-oorganisa para sa ating pangarap na baguhin ang hirap na kalagayan ng mamamayan at makibaka para baguhin ang bulok na sistema ng lipunan. Dumadaloy sa propaganda ang estratehiko't taktikal na pamumuno ng mga sosyalista sa mas malawak na masa. Sa ibang salita, papel ng propaganda na likhain ang opinyong publiko na pabor at magsusulong ng sosyalistang rebolusyon, at kasabay nito'y papel din ng ating propaganda na bakahin at baligtarin ang propaganda ng mga kapitalista't naghaharing uri.

Kasabay ng pag-unlad ng lipunan ay umunlad din ang teknolohiya, kaya hindi na lamang tri-media (dyaryo, radyo, at telebisyon) ang kasangkapan sa propaganda, kundi nariyan na rin ang fax machine, cellphones, at internet (email, website, blog). Kaya ang gawaing propaganda ay hindi lamang simpleng pagbebenta ng dyaryo, pamamahagi ng polyeto o paghawak ng mga bandera, plakard at istrimer sa rali. Ang mahalaga ay napapaabot ng mga propagandista ang kanilang mensahe sa mga mamamayan sa mabilis at episyenteng paraan.

Ayon kay Lenin, ang mga progresibong paglalantad sa pulitika ay "esensyal at pundamental na kondisyon para masanay ang masa sa rebolusyonaryong pagkilos." Kung gayon, ang dyaryo at polyeto ay nagsisilbing ugnay ng organisasyon sa masa. Dito nasasalamin ang iba't ibang aspeto ng buhay at pakikibaka ng masa, at ng kongkretong patnubay ng organisasyon sa masang nabubuhay sa pakikibaka.

ANG DALAWANG MAGKATUNGGALING PROPAGANDA

Ang ating lipunan ay nahahati sa dalawang uri: uring kapitalista at uring manggagawa. Ang uring kapitalista ang nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, gaya ng makina, pabrika at mga lupain. Ang uring manggagawa naman, kasama ang mga maralita, ang nabubuhay sa pamamagitan ng kanilang lakas-paggawa pagkat wala silang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon. Sa pamumuhay ng tao sa lipunan, ang kanilang mga pangangailangan at interes ang nagsisilbing motibong pwersa sa mga aktibidad ng bawat indibidwal, grupo at uri. Ang mga pangangailangan at interes ang nagtutulak sa mga tao upang gumawa at magpaunlad ng produksyon. Ngunit dahil sa pag-iral ng pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, nagkaroon naman ng pagsasamantala ang tao sa kanyang kapwa tao. Kaya nahati ang lipunan sa dalawang uri.

Pagkat dalawa lamang ang uri sa lipunan - ang uring kapitalista (may pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon) at ang uring proletaryado (mga walang pribadong pag-aari maliban sa kanilang lakas-paggawa). Dalawa ring uri ng propaganda ang umiiral sa lipunan - ang propaganda ng burgesya (ng mga kapitalista't naghaharing uri sa lipunan) at sosyalistang propaganda (para sa uring manggagawa at masang anakpawis). Bilang magkatunggaling uri sa lipunan, nangingibabaw ang burgis na propaganda pagkat sila ang may-ari ng mga kagamitan sa mass media, tulad ng dyaryo, radyo at telebisyon. At malaki ang nagagawa ng mass media sa pagkontrol sa sitwasyon, pag-uugali, at aktibidad ng mga tao. Gayunman, bagamat kontrolado ng naghaharing uri ang mass media, dahil sa kahirapan, nangangarap ang maraming tao na magkaroon ng pagbabago sa lipunan. Dahil dito, layunin ng sosyalistang propagandista na tulungan ang mga taong ito na makilala nila at maunawaan ang kanilang tunay na interes, ipakita ang reyalidad ng syentipikong sosyalistang kaisipan, at maarmasan ang mga taong ito ng batas ng pag-unlad ng lipunan.

Ito ang eksaktong layunin ng sosyalistang propagandista: ang dalhin sa masa ang mapagpalayang kaisipan ng proletaryo (uring manggagawa) at imulat sila sa sosyalismo. Inihahanda ng propagandista ang masa sa pakikibaka para sa kanilang sariling interes hanggang sa pagtatayo ng sosyalistang lipunan.

Sa kabilang dako naman, mahigpit namang nilalabanan ito ng naghaharing uri sa pamamagitan ng mga burgis na propagandista upang mapigil ang pag-unlad ng kamalayan ng mga manggagawa't maralita sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan. Dahil dito, ang isa sa mga tungkulin ng sosyalistang propagandista ay pigilin din ang ginagawang pagpigil na ito ng mga naghaharing uri. Nang sa gayon ay umunlad ang kamalayan ng mga manggagawa at nakararaming masa't maralita mula sa lunsod at kanayunan para sa kanilang sariling interes at pakinabang.

Pero dapat nating tandaan na mas organisado ang mga naghaharing uri pagdating sa sarili nitong propaganda. Nasa serbisyo ng naghaharing uri ang libu-libong dyornalistang propesyunal, mga komentarista sa radyo't telebisyon, mga manunulat sa mga burgis na pahayagan at magasin. Kinokontrol ng mga kapitalista ang mass maedia at dahil dito'y sinisigurado nito ang pag-iral at pangingibabaw ng burgis na kaisipan sa burgis na lipunan.

BURGIS NA PROPAGANDA VERSUS SOSYALISTANG PROPAGANDA

1. Para sa mga kapitalista't naghaharing uri sa lipunan VERSUS Para sa uring manggagawa at sa masang anakpawis
2. Sila ang may-ari ng mga kagamitan sa produksyon VERSUS Ang kanilang tanging pag-aari'y ang kanilang lakas-paggawa
3. Kontrolado ng mga naghaharing uri ang mass media, tulad ng dyaryo, radyo at telebisyon VERSUS Ang mga nagagamit ay sariling diskarteng media, press statements at press releases
4. Libu-libong dyornalista't manunulat ay empleyado ng naghaharing uri VERSUS Kaunti ang manunulat at may dyaryong hindi lumabas sa tamang oras dahil sa kakulangan ng pondo
5. Pawang mga nakapagtapos at propesyunal ang mga propagandistang burgis at suportado pa sila ng maayos na makinarya at mabilis na tknolohiya para magampanan ng mahusay ang gawaing propaganda VERSUS Karaniwa'y di nakakuha ng pormal na kurso sa dyornalismo o masscom ang naglilingkod sa uring anakpawis bilang propagandista, at kulang pa sa kagamitan at pamasahe para makakuha ng mga impormasyong gagamitin sa propaganda
6. Ang burgis na propaganda ay gamit ng kapitalista't naghaharing uri sa lipunan upang idepensa ang kapitalismo at sarili nilang interes VERSUS Ang sosyalistang propaganda ay gamit ng uring manggagawa at anakpawis upang ipahayag ang katotohanan ng nangyayari sa lipunan
7. Diverts attention - using superstitions, religion, telenovela, basketball, atbp. VERSUS Presents truth - using logical proof and arguments
8. Hindi sinasagot at inililihis sa masa ang tunay na dahilan ng mga nangyayari sa lipunan VERSUS ipinapakita ang tunay na nangyayari sa mga pabrika't komunidad ng maralita
9. Karangalan para sa mga burgis na manawagan ng kumpetisyon VERSUS Karangalan para sa uring manggagawa't maralita ang manawagan ng kooperasyon
10. Ang dulot ng kumpetisyon ay paglalaban-laban, pagkakawatak-watak at pagiging makapera VERSUS Ang dulot ng kooperasyon ay pagtutulungan, pagkakaisa at pagiging makatao
11. Survival of the fittest VERSUS Survival of the humankind
12. Ang programa ng burgis na propaganda ay nakatuon upang palaganapin ang globalisasyon VERSUS Ang programa ng sosyalistang propaganda ay ipakita sa uring manggagawa't anakpawis ang kanilang makauring interes
13. Ang burgis na propaganda sa esensya ay propaganda ng naghaharing uri VERSUS Ang sosyalistang propaganda sa esensya ay propaganda ng uring manggagawa
14. Instrumento ng supresyon VERSUS Instrumento ng rebolusyon


TUNGKULIN NG SOSYALISTANG PROPAGANDISTA

1. Ipakita sa masa ang kabulukan ng sistema sa pamamagitan ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan, at sa pagtalakay sa mga isyu ng manggagawa't maralita na alam nila't malapit sa kanilang puso
2. Ma-satisfy ang pangangailangan ng masa sa paliwanag kung bakit ganito ang lipunan at mula rito'y maakit ang masa upang kumilos
3. Mapakilos ang masa batay sa katotohanang iprinesenta at lohikal na pagpapaliwanag
4. Ma-involve ang target na audience rationally at emotionally hinggil sa mga pangyayayari at isyung nakakaapekto
5. Maimpluwensyahan ang pag-uugali o pagkilos ng intended audience
6. Wasakin at durugin ang propaganda ng naghaharing uri
7. Gawing maliwanag at epektibo ang gawaing propaganda.
8. Dalhin sa masa ang sosyalistang kaisipan
9. Pagpapakilala palagi ng pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon bilang ugat ng kahirapan, at kung bakit may mahirap at mayaman, at sa layuning wasakin ang relasyong ito ng pribadong pag-ari upang maging pag-aari ng lipunan ang mga kasangkapan sa produksyon upang lahat ay makinabang


LIMANG SANGKAP NG GAWAING PROPAGANDA

1. PINANGGAGALINGAN NG PROPAGANDA
- Ang karaniwang pinanggagalingan ng propaganda ay ang gobyerno, partido pulitikal, mga pangmasang organisasyon, at mass media
- Ito ang tao o mga taong naghahanda ng polisiya sa pagpopropaganda, kumukuha at nag-iipon ng iba't ibang impormasyong kanyang magagamit, ipoproseso ang mga impormasyong ito, at nagdidirekta ng kalalabasan nito
2. ANG MENSAHE
- Ito ang pangunahing elemento ng sistema ng komunikasyon at sa relasyon ng pinagmulan ng propaganda at ng kanyang audience
- Ang esensya ng mensahe ng propagandista ay nakabatay sa uring kanyang kinabibilangan, ipinagtatanggol at tinutulungan
- Ibig sabihin, dapat na kiling sa uring manggagawa ang mensahe ng propaganda at nakadirekta upang maipalaganap ang sosyalismo
3. ANG DALUYAN
- Dito pinadadaan ng propagandista ang kanyang mensahe patungo sa audience
4. ANG AUDIENCE KUNG SAAN NAKADIREKTA ANG PROPAGANDA
- Sila ang target ng propagandista upang mapakilos at makatulong sa pagpapakilos ng audience at ng malawak na masa
- Huwag nating isiping pasibo agad ang audience pagkat kailangan niyang makisangkot, hindi dahil sa kagustuhan nating makisangkot sila, kundi nauunawaan nila ang halaga ng ating mga ipinahayag
5. FEEDBACK
- Ito ang sukatan o resulta kung gaano naimpluwensyahan ng propagandista ang kanyang audience
- Naging epektibo ba ang isinagawang propaganda, sinu-sino ang nag-react at ilan ang napakilos

ANG MENSAHE NG PROPAGANDISTA

1. Ang mensahe ng propagandista ay pinag-aaralan batay sa lohikal na pananaw at pangangatwiran. Idinidirekta niya kung ano ang dapat na isipin ng kanyang intended audience o ng masa mismo. Ang pagkakalatag ng istruktura ng komunikasyon ay dapat na maliwanag at maayos. Bilang batas, ang mensahe ay dapat umunlad mula sa luma tungo sa bago, at mula sa alam tungo sa di pa alam.
2. Mas madaling makaakit ang kongkretong propaganda kaysa baliwag (abstract); kaya para maging attentive ang audience, ang mga pangangatwiran ay dapat susugan ng kongkretong patunay, halimbawa, at pagsasalarawan.
3. Kung gaano katindi ang mensahe, ganuon din kapuna-puna at kapani-paniwala ang ideya, at kung gaano ang pagiging sari-sari at kawili-wili ng mga argumento, mas madaling maiwan ito sa atensyon ng audience.
4. Sa paghawak ng atensyon ng audience, dapat na gumawa ng mga paraan kung paano tatanggalin ang distraksyon sa atensyon ng audience, at tiniyak na nasa maayos na kondisyon ang proseso ng kanyang persepsyon. Ang pagiging bulol, halimbawa, ng isang propagandista ay malaking istorbo sa atensyon ng masa.

HINGGIL SA PAGSUSULAT NG PROPAGANDA

Sa pagsusulat natin, dapat na mulat nating iangkop ang nilalaman at estilo sa mas madaling maintindihan ng masa. At batay dito, may ilang alituntunin sa pagsusulat ng ating propaganda
1. Partikular at kongkretong mga datos ang isinisiwalat at sinusuri.
2. Ang mga pahayag ay dapat na maikli, madaling basahin, madaling maunawaan, at tinutumbok na ang sentral na isyu. Mas malamang na basahin ang manipestong may isang pahina ang haba kaysa anim o pitong pahina.
3. Tumbukin kaagad ang nais sabihin - "direct to the point" - lalo na sa mga press statements at releases

No comments:

Post a Comment