Tuesday, February 3, 2009

Ang Demolisyon ay Terorismo

ANG DEMOLISYON AY TERORISMOni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala bilang Editoryal sa pahayagang Taliba ng Maralita, Oktubre-Disyembre 2001, p.1-2


Ang kamatayan ng mga batang paslit na sina Jennifer Rebamontan, walong buwang gulang, at Manuel Dorotan Jr., isang buwang gulang, sa demolisyong naganap noong Oktubre 9, sa kanilang tahanan sa C3-Tulay, North Bay Boulevard South, Navotas, ay ilan lamang sa mga masasakit na pangyayaring sanhi ng demolisyon. Mga pangyayaring hindi lamang sila ang nakaranas, kundi sa iba pang demolisyong naganap sa ibang panig ng kapuluan. Noon ding Oktubre 5, sa Sitio Paon, Brgy. Dumulog, Roxas City, Capiz, apat na katao ang pinagbabaril at malubhang nasugatan habang ang kanilang organisasyon, ang Dumulog Small Fisherfolks Association (DSFA) ay nagbarikada upang ipagtanggol ang kanilang mga tirahan mula sa demolisyon. Naparalisa ang kalahating katawan ni Joevani Arobang, 39 anyos, ng matamaan ng bala ang kanyang spinal column, samantalang si Eduardo Alicante, 51 anyos, ay natamaan sa sikmura at pumailalim sa isang surgical operation.

Nangyari ang kahindik-hindik na terorismo ng demolisyon sa mga residente ng C3 pagkat, ayon kay Navotas Mayor Tobi Tiangco, may darating daw na Japanese investor para tingnan ang lugar, kaya dapat silang idemolis kaagad. Samantalang sa Sitio Paon, inaagaw ng mga "pribadong nagmamay-ari" sa mga residente ang lupaing idineklarang public land ng DENR.

Bigyan natin ng diin ang nangyari sa C3 Tulay. Hindi tumatanggi ang mga mahihirap sa progreso, pero dapat ang progresong ito'y maging makatao. Kung ang kapalit ng sinasabi nilang progreso ay ang kamatayan ng dalawang bata, anong klaseng progreso ito?

Anong kaibhan ng isang kinidnap na batang mayaman at ang dalawang batang mahirap na namatay sa demolisyon? Simple lamang ang kasagutan na kahit Grade 5 ay kayang sagutin. Umiikot ang tumbong ng gobyerno at ng pulisya pag may batang mayaman na kinidnap na at agad silang nagreresponde, pero pag may dalawang batang mahirap na namatay sa demolisyon, ni hindi man lang nila ito mabigyan ng kaukulang atensyon, ng katarungang nararapat nilang makamtan. Sa madaling salita, sa lipunang ito, pag mahirap ka, ginagago ka, pinapaikot ka at itinuturing kang basahan.

Ito'y dahil ang lipunan ay nahahati sa dalawang uri - ang naghaharing uri at ang mga pinagsasamantalahan - kitang-kita sa demolisyon ang tunggalian ng uri sa lipunan: sa pagitan ng uring mayayaman at uring mahihirap. Pag may naglunsad ng karahasan laban sa mayayaman, ito'y terorismo. Pero pag may naglunsad ng karahasan laban sa mga mahihirap, ni hindi man lamang ito maituring na terorismo, bagkus ikinakatwiran pa ng mga kapitalista na tama lamang ito, dahil matitigas ang ulo ng mga mahihirap.

Ang sistemang umiiral sa ating lipunan, ang sistemang kapitalismo, ang siyang nagdulot ng terorismo sa mga maralitang ito. At ang sistemang ito'y patuloy pang naninibasib, patuloy pang pumapatay.

Mga kasama, matagal na nating inilalantad ang kabulukan ng sistema, pero tila bulag, pipi, bingi at pilay pa rin ang marami sa panawagang dapat nang palitan ng makataong sistema ang makahayop na sistemang kapitalismo. Masakit para sa mga magulang at kamag-anak ng mga namatay sa demolisyon ang pagkawala ng kanilang mga anak at mga kasama. Masakit. At ito'y maaaring maulit, at maaari din itong mangyari sa atin. Papayag ba tayo?

Napatunayan na ng masa na kaya nitong mag-alsa. Kitang-kita ito noong Edsa Tres. Ito'y kayang magawa muli. Kaya huwag nilang hayaang magalit ang masa. Pero tunay nga na ang demolisyon ay terorismo. Demolisyong patuloy na nananakit at pumapatay sa tulad nating mahihirap. Kaya dapat na ipangalandakan natin sa lahat, isulat sa ating mga plakard o maging sa mga pader, liham sa mga editor ng dyaryo, radyo at telebisyon, ang katotohanang ito: "Ang Demolisyon ay Terorismo!" Yanigin natin ang buong sambayanan sa katotohanang ito.

Huwag natin itong tigilan hanggang madama ng pamahalaan, ng husgado, ng mga pulis, at ng mismong uring burgis, ang galit ng masa sa mga nangyayaring kalapastanganan sa kanilang matiwasay na pamumuhay at mapayapang paninirahan. Kailangang kilalanin nila ang karapatan ng mga maralita at itigil ang demolisyon saan mang panig ng kapuluan. Ipanawagan din natin sa mga kongresista, na kung kaya nilang ituring na krimen ang simpleng pagnanakaw (gaya ng graft and corruption na talamak sa kanilang hanay), dapat na ituring din nila, sa pamamagitan ng batas, na ang pagwasak sa mga tahanan ng maralita ay isang krimen, pagkat ito'y hindi lamang simpleng pagwasak ng bahay (destroying houses). Higit sa lahat, ito'y pagwasak ng buhay (destroying human life).

Kung hindi nila kikilalanin na ang demolisyon ay terorismo sa maralita, kitang-kita agad natin na sadyang wala tayong maaasahang lakas sa gobyernong ito, na wala tayong maaasahan sa ganitong klase ng lipunan. Kaya ang dapat gawin: Rebolusyon!

Kaya nararapat lamang na ang ating panawagan: Palitan na ang bulok na sistemang kapitalismo ng isang sistemang totoong makatao, ng sistemang kumikilala ng totoong karapatan ng bawat tao, anuman ang kanyang lahi, pinanggalingan o katayuan sa buhay. Huwag na nating payagang maulit pa ang mga pagkamatay na ito!

Ayaw natin ng terorismo, kaya ayaw natin ng demolisyon!

SOBRA NA ANG DEMOLISYON! TAMA NA ANG TERORISMO SA MGA MARALITA! PALITAN NA ANG BULOK NA SISTEMA!

No comments:

Post a Comment